Kabanata 4

147 62 86
                                    

Kabanata 4

Death and Note
(Part One)

Lumipas ang Sabado at Linggo na nakahiga lang ako sa kama. Kung hindi ganoon ay tanging pag-upo lang ang nagagawa ko habang nagbabasa.

Madalas din akong maiwan t'wing breakfast, lunch at dinner. Dahil sa sobrang bagal ng aking paglalakad ay dinadalhan na lamang nila ako ng pagkain. Tinutulungan din nila ako kapag magpupunta sa banyo.

They provide everything I need which pisses me off. At sa tuwing tinatanggihan ko ang kanilang tulong ay pinagsasabihan nila ako. Kaya sa huli ay naririndi ako't nagpapa-ubaya na lamang.

"Annistyn, ang tigas ng ulo mo! Hindi nga pwedeng maligo dahil kakahilot ko lang ng paa mo kanina," singhal sa akin ni Kali nang magtangka akong pumunta sa banyo na may tuwalyang dala.

"Hindi naman na masakit ang paa ko, baka pwede na maligo?" paki-usap ko ngunit paulit-ulit lang siyang umiling habang sinusuklay ang basa niyang buhok.

"Kahit hindi na masakit ang paa mo ay hindi tayo sigurado kung tuluyan na iyan magaling," panenermon niya kaya't tumahimik na lamang ako.

Dahil mahigpit akong binantayan ni Kali ay nagpunas na lamang ako ng katawan at naghilamos para makapaghanda sa unang araw ng klase. Napapikit ako nang mariin noong mapagtantong papasok ako na walang ligo.

"Dalian mo, baka mahuli tayo sa klase!" Isinukbit na niya ang kan'yang backpack at naglakad patungo sa labas. Naunang umalis si Rosé sa amin kaya't kami na lang ang natira rito sa dorm.

"Saglit lang." Kinuha ko ang aking cellphone at swiss knife bago isinuksok sa bulsa ng aking pantalon at lumabas.

Tiningnan naman ako ni Kali mula ulo hanggang paa. "Saan ang bag mo?"

"Wala namang gagawin ngayon kaya hindi na ako magdadala. Pakilagay na lang itong libro at notebook ko diyan sa bag mo." Hindi ko na siya hinintay pang magsalita at hinila ko siya habang binubuksan ang bag na nakasukbit sa kan'yang balikat upang ilagay ang mga gamit ko.

"Akin na nga!" Padabog niyang kinuha sa akin ang mga gamit, maging ang wallet ko ay nilagay din niya sa bag niya.

Sinaluduhan ko siya bilang pasasalamat ngunit inirapan lang ako nito at nagsimulang maglakad.

"Hoy teka lang!" sambit ko habang mabagal na inihahakbang ang kanang paa.

Tumigil naman ito at nakasimangot na bumaling sa akin. "Tingnan mo ang pangit tingnan ng bag ko. Masyadong bulky!"

"Ayos lang iyan, hindi nila pupunahin iyan." Tinapik ko siya sa balikat nang maabutan ko.

"Bakit ka nagsuot ng sapatos? Hindi ba't namamaga pa ang paa mo?" singhal niya habang tinatahak namin ang mahabang pasilyo palabas ng dormitory.

"No'ng tiningnan ko kanina parang pasa na lang," paliwanag ko na tinutulan naman niya.

"Kahit na! Paano kung lumala na naman 'yan?"

"Para kang nanay." Nginisian ko siya na mas lalo niyang ikinainis.

May mga nakasabay kaming mga estudyante na naka-uniporme na. Nanatili ang tingin ng iba sa amin bago nagpatuloy sa paglalakad. Malamang ay kapansin-pansin ang itsura namin dahil kami lang ang hindi naka-uniporme sa unang araw ng klase.

VendettaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon