Kabanata 8

106K 2.5K 138
                                    

Kabanata 8: Missing Him

Alexa’s Point Of View

Tagaktak na ang pawis ko ngunit patuloy pa rin ako sa pagtakbo. Hindi ko inaalintana ang nararamdaman kong pagod, nagpatuloy lang ako sa pagtakbo hanggang sa tuluyan nang bumigay ang aking mga binti.

Napahawak ako magkabilaan kong tuhod at sunod-sunod na huminga ng malalalim. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko, sunod-sunod din ang pagtaas at pagbaba ng dibdib ko. Pinunasan ko muna ang pawis na nasa noo ko gamit ang likod ng palad ko saka umayos ng tayo.

Napatingin ako sa isang sari-sari store na nasa malapit lang. Nagtungo ako roon upang makabili ng maiinom, nakalimutan ko kasing magdala ng tubig.

Nang makarating na ako sa sari-sari store na ‘yon ay bahagya akong ngumiti sa isang matandang babaeng nagbabantay rito. “Pabili po,” sabi ko.

“Ano ‘yon, Hija?”

“Mineral water po, ‘yong maliit lang. At kung meron po, ‘yong malamig po sana—“ tumingin ako sa ibang tindang naririto. “—At saka po, isang coke na rin.”

Tumango ito. “’Yong sa coke, mismo ba?”

“Opo,”

“Miss ka ba?”

Saglit akong natigilan habang bakas sa mukha ko ang pagtataka. Ano raw?

Ilang segundo ang lumipas bago ko maintindihan ang sinabi niya sa akin. Naiilang akong ngumiti na siyang ikinatawa naman ni Lola.

“Nagbibiro lang ako, Hija,” ngumiti ito. “Ganito lang kasi kaming mga matatanda, corny na kung magjoke.”

Nang sabihin ni Lola ang salitang corny, biglang pumasok sa isipan ko si Lance. Mag-lola kaya sila?

“Okay lang po ‘yon, Lola,” sambit ko. “Ako nga po, hindi marunong magjoke.”

Natawa ito sa sinabi ko na ikinatawa ko na lang din. “O, sya, kukunin ko na ang binibili mo.”

Nasa dalawang minuto pa lang ang lumilipas ay bumalik na rito si Lola at dala-dala na niya ang binibili ko. Kumuha na ako ng pera sa bulsa ng jogging pants ko at inabot ito kay Lola.

“Thank you po, Lola.” Pagpapasalamat ko pa.

Inabot na ni Lola ang binili ko sa akin at ibinigay na rin niya ang sukli ko. Nag-ngitian pa kami sa isa’t isa bago ako maglakad palayo roon habang iniinom ang dala kong tubig. Nang maubos na ang tubig na binili ko, ang coke naman ang sinimulan kong inumin.

Napatigil ako sa paglalakad dahil sa isang lugar na natatanaw ko sa ‘di kalayuan. Parang may humahatak sa paa ko upang pumunta roon. Ilang segundo ang lumipas ay natagpuan ko na lang ang sarili kong naglalakad na patungo roon at naupo sa isang lumang swing na kinakalawang na, pero mukhang hindi naman ito bibigay sa pag-upo ko.

Inilibot ko ang tingin sa isang lumang maliit na parke na ‘to. Mukhang wala nang pumupuntang bata rito dahil siguro sa kalumaan nito, pero mukhang matibay pa naman ang mga palaruan dito kagaya ng swing na kinauupuan ko.

Napaangat ang tingin ko sa malawak na kalangitan at ipinikit ang mga mata ko, saka pinakiramdaman ang malamig na simoy ng hangin.

May 15, 2000

“Alexa, my baby Alexa, ano ba ang nangyayari sayo?”

“Ayaw ko po talagang lumabas dito sa room ko, Mama.”

Lumuhod ito sa sahig upang magkapantay kami. “Why?” saka niya malambing na hinaplos ang aking mukha.

Napanguso ako. “Makikita ko na naman po kasi ‘yong bad na anak nila Ninang Ellaine.”

Bahagya siyang natawa. “Si Clark? Hindi naman bad si Clark, tahimik lang ang batang ‘yon.”

Napapadyak ako. “Bad siya, Mama! Bad siya!” giit ko.

Hinaplos-haplos ni Mama ang aking buhok. “Baby Alexa, hindi puwedeng buong araw ka lang nakakulong dito sa kwarto mo. ‘Di ba’t 6th birthday mo ngayon?” tumango ako. “Kaya nga dapat ay lumabas ka na rito. Naghihintay na sa atin ang mga bisita mo sa labas.”

Sunod-sunod akong umiling. “Baka po awayin na naman ako ni Clark kapag nagkita kami! Palagi niya na lang po akong inaasar. Pangit at mataba raw po ako at marami pa po siyang sinasabi.”

“Ano ka ba, Alexa? Alam mo namang mapang-asar lang si Clark, pero mabait ‘yon. Love ka ng batang ‘yon.”

Gusto kong paniwalaan ang lahat ng sinasabi ni mama, pero hindi ko magawa. Alam ko kasing bad si Clark. He loves teasing me.

“Natatandaan mo ba noong may umaaway sayo noon sa park?”

Saglit akong napa-isip at inalala ang sinasabi ni mama. “Opo, bakit po?”

“’Di ba’t ipinagtanggol ka noon ni Clark sa mga umaaway sayo noon?” napatigil ako. “Mabait si Clark, ayaw niya lang ipahalata. At kahit na palagi ka niyang inaaway, naririyan siya sa tabi mo para palagi kang ipagtanggol at alagaan.”

Napayuko na lang ako sa sinabi ni Mama. Naaalala ko nga ang sinasabi niya noon na ipinagtanggol ako ni Clark sa mga salbaheng bata, pero matapos naman non ay siya naman ang nang-asar sa akin.

“Ano, Baby Alexa? Bababa na tayo roon, ha? Kanina pa nila tayo hinihintay.”

Inangat ko ang tingin kay Mama at marahan na itinango ang aking ulo.

Matamis siyang napangiti dahil doon at malambing akong niyakap. “Tara na.”

“Opo.”

Naglakad na kami palabas sa room ko at dumeretso kami sa likod ng bahay, sa aming garden. Dito ay sumalubong sa akin ang may karamihang mga bata, ang mga friends ko.

May matamis na ngiti ang lumabas sa labi ko nang makita ko ang magandang ayos ng birthday party ko. Napakaraming balloons, napakaraming foods, at may chocolate fountain pa. May malaki rin akong chocolate cake.

“Makipaglaro ka muna sa mga friends mo, aasikasuhin ko lang ang mga bisita.”

Masayang tumango ako kay Mama at naglakad na patungo sa mga friends ko. Nang makita nila ako ay lahat sila ay binati ako.

“Happy Birthday, Alexa!”

“Happy birthday!”

“Happy birthday!”

Malapad akong napangiti. “Thank you!”

Pero kaagad rin naglaho ang ngiti sa labi ko nang makita ko si Clark na naglalakad patungo sa direksiyon ko. Kaagad na bumusangot ang mukha ko at ipinagkrus ang dalawa kong braso sa aking dibdib.

“Aawayin mo na naman ba ako?” bungad ko sa kanya nang makarating na siya sa harapan ko.

“Nah,” umiling pa siya. “Birthday mo naman ngayon, kaya papalampasin ko muna ang araw na ‘to.”

Inis ko siyang inirapan. “Bad ka talaga!”

“Iyakin ka naman.”

Humaba ang nguso ko sa sinabi niya. Napailing na lang siya nang makita niya ang pagmumukha ko at may inilahad siyang parihabang kahon na katamtaman lang ang laki sa harapan ko. Ngayon ko lang napansin na may hawak pala siyang ganoon.

“Ano ‘yan?” puno ng kuyursidad kong tanong.

“Regalo, para sayo.”

Tila pumalakpak ang aking tainga sa kanyang sinabi. “TALAGA?”

“Oo, ayaw mo?”

Nagmamadali kong kinuha ‘yon sa kamay niya. “Thank you, Clark! Sabi ko na nga ba, hindi ka bad. Good boy ka pa rin talaga kaso saksakan ka lang ng sungit, pero good boy ka talaga!”

Tanging isang walang ganang tingin lang ang nakuha kong tugon niya sa sinabi ko.

Inalis ko na lang ang atensiyon ko sa kanya at ibinaling sa parihabang kahon na hawak ko. Inalis ko ang kulay pulang lasong nakatali at inangat ang takip nito. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ko ang laman nito.

“MAMA! PAPA!” malakas kong tili sabay hagis ng kahon sa ere.

Kaagad nagkagulo nang makita ng ibang friends ko ang palakang patalon-talon na ngayon kung saan-saan. Ayon ang laman ng kahon na ibinigay sa akin ni Clark!

Lahat kami ng friends ko ay napatili, ang iba ay umiiyak na, at ang iba naman ay tumatakbo na sa mga mommies o daddies nila.

“MAMA! PAPA! MAY PALAKA!” napatakbo ako patungo sa isang upuan at sumampa nang makita kong patungo sa direksiyon ko ang palaka.

Sumampa ako sa mahabang lamesa kung saan naroroon ang mga pagkaing handa ko nang tumalon mismo sa harapan ko ang palaka, pero dahil sa pagmamadali kong sumampa ay nadapa ako at bumagsak ako sa mga pagkaing naririto.

Umiiyak akong bumangon mula sa pagkakasubsob sa mga pagkaing naririto sa ibabaw ng lamesa. Lumakas pa ang pag-iyak ko nang makita kong sobrang dumi ko na. Halong-halong pagkain ang nasa buong katawan ko; may spaghetti, jelly, cake, at kung ano-ano pa. Punong-puno rin ng icing ang katawan ko.

Bumaling ang tingin ko sa isang bata na nasa harapan ko, ilang hakbang ang layo niya mula sa akin. Malapad na nakangiti siya habang nakatingin sa akin, tila nasisiyahan sa nangyari sa akin.

Sumama ang tingin ko sa kanya habang patuloy na umaagos ang mga luha ko. “BAD KA, CLARK! BAD KA! HINDI NA KITA BATI!”

Iminulat ko ang mga mata ko at marahan na napailing dahil sa mga alaalang nagbalik.

Ilang taon na ang lumipas nang manyari ‘yon, pero hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa. Tanda ko pa ang lahat ng detalye sa pangyayaring ‘yon. Sino ba naman kasi ang hindi makakalimot non kung nangyari ‘yon mismo sayo. Dapat sa araw na ‘yon ay sobrang saya ko, dapat ang labi ko ay may matatamis na ngiti. Pero nang dahil kay Clark, ang ngiti’t tawa ko dapat ay napalitan ng tili at pag-iyak.

“Bakit ko ba binabalikan ang nakaraan?” naitanong ko sa sarili ko.

Marahas akong napabuga ng hangin. Tumayo na ako mula sa pagkakaupo at ibinato ang mga plastic bottles na hawak ko sa isang lumang basurahan at nagsimula nang maglakad pauwi.

Halos nasa sampung minuto ang lumipas bago ako makarating sa bahay. Bahagyang kumunot ang noo ko nang may makita akong isang hindi pamilyar na kotse na kulay abo, nakaparada ito sa harapan mismo ng bahay nila Ninang Ellaine.

“Baka may bisita sila,” sambit ko sa sarili ko.

Hindi ko na pinagtuunan pa ng pansin ‘yon at pumasok na ng gate. Naglakad ako papasok ng bahay at dumeretso sa kitchen, pero nasa pintuan pa lang ako ng kitchen ay napatigil na ako sa paglalakad dahil sa ingay na aking naririnig.

“Clark, dapat talaga ay ako na lang ang ginawa mong secretary mo.”

“Hindi puwede ‘yon.”

“At bakit naman, ha? Maganda nga ‘yon, palagi tayong magkasama.”

Wala sa sariling napatitig ako sa dalawang taong nag-uusap. Napatigil din sila nang makita nila ako.

“Oh…” bulalas ni Glaiza. “Hi, Alexa! Kanina ka pa ba riyan?”

Umiling ako at muling itinuon ang mga mata sa kanilang dalawa ni Clark. Pareho silang nakaupo sa high stool chair at may mga papeles na nakapatong sa counter, may mga pagkain din na nakapatong doon.

“Tara, sabay ka na sa amin ni Clark na magbreakfast,” anyaya niya sa akin.

Hindi ko magawang tugunin ang sinabi ni Glaiza dahil hindi ko pa rin maalis ang mga mata ko sa kanilang dalawa. Bigla-bigla ay parang nag-init ang ulo sa nakikita ko.

I feel like I want to punch someone's face! Is it because of Glaiza and Clark?


I'm His Property [PUBLISHED UNDER PSICOM]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon