Habang Ako'y

1.5K 8 0
                                    

Habang ako'y naglalakad,
Pasaring sa hanging aking dinadaanan,
Ako'y may napagmasdan,
Mga batang nasa bangketa, mga batang lansangan.

II.
Naglalaro sa lupa, parang walang problema.
Hindi pa naliligo't kalam pa ang sikmura,
Walang nais na tumulong-- mga hipokrita,
Saan ang pagdadamayan? Saan ang hustisya?

III.
Habang ang mga ibang bata ay nagpapakasaya,
Sila nama'y hinahabol ng walis at nagkakandapa-dapa,
Walang pambili ng pagkain, walang makapa,
Puro dumi ang mga damit at wala na ang taba.

IV.
Sa aking nakita ako ay naghinagpis,
Niyakap ang sariling kaluluwa, ang jacket kong manipis,
Nilabas ang natitirang barya't sa daan ay lumihis,
Bumili ng bagong pagkain at pinalitan ang panis.

V.
Habang ako ay naglalakad,
Pasaring sa hanging aking dinadaanan,
Sa aking paglihis ako'y may nakahimigan,
Mga daing ng mga munting anghel, mga batang nag-iiyakan.

VI.
Mga musmos na nalilipasan ang sikmura,
Nanghihingi ng pagkain kahit kanino,
"Ate, kuya, pahingi gutom na po ako"
Ang iba'y di na nga binibigyan binubugbog pa sa kanto.

VII.
Pilitin ko mang iwasan ay di ko mawari,
Lungkot sa aking puso ang syang namutawi,
Pagkainis sa aking nakita'y di maiwasan,
Mayayaman ang mga politiko't nadadagdagan ang kahirapan

VIII.
Mga batang di nag-aaral dahil sa kagipitan,
Di kilala ang pambansang bayani pero may sariling kamalayan,
Ginagawa ang lahat makaahon lang sa kahirapan,
Lumalaking nagsisikap subalit ang iba'y nagiging toxic ng lipunan.

IX.
Para akong dahong nililipad sa aking mga nakahimigan,
Gusto mang manatili ay di ko makayanan,
Gusto ko mang makinig ngunit nagbi-bingi-bingihan,
Lahat ng iyak na aking naririnig ay lalo akong pinapahirapan,

X.
Para akong papel na nililipad sa aking mga nasaksihan,
Gusto ko mang tumulong ay di ko mahintuan,
Nakikita't akin lang napagmamasdan,
Hanggang sa ako'y naulanan at naging papel na basahan,

XI.
Habang ako ay naglalakad,
Pasaring sa hanging aking dinadaanan,
Sa aking mga pag-iwas ako ay naliwanagan,
Ang lahat ng napagmasdan, dahilan ay kahirapan,

XII.
Kahirapang di matuldukan ng mga politikong naghahari,
Mahihirap na di matulungan hinihigpitan pa ang gapos ng tali,
Kurapsyon sa Pilipinas kailan pa mababali?
Kung nahuhuli na ang pagmamalasakit at nangunguna ang pagkamuhi?


Spoken Word Poetry (Tagalog)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora