Mamamatay tula

1.4K 6 0
                                    

Naranasan mo na bang pumatay ng walang sala?
Sumaksak ng papel na dugo'y tinta?
May nabasa ka na bang pyesa galing sa isang mamamatay tula?
Suspect ay ballpen, biktima'y salita.

Sa aking pagsusulat luha'y pumatak,
Kwaderno ay nabasa't lumikha ng bitak,
Nagkaroon ng sugat, kusang nagkatatak,
Kumalat ang tinta at nabingi ang utak.

Pinilas ang papel at ginawang panyo,
Ipinunas sa mukhang mata'y nagdurugo,
Pyesa ay napunit di na mabasa,
Ako ay nagsisi subalit ang tula'y pumanaw na.

Ginawa ang lahat upang ito'y buuin ulit,
Ngunit sa hinagpis na nadarama ito'y di ko na maukit,
Nangibabaw sa akin ang lungkot kaya ginusot ko na,
Nanggigil sa nangyari, obra'y wala ng kwenta.

Isip ay naguguluhan at nawala sa katinuan,
Wala ng maisulat, utak ay pinagpawisan,
Ballpen ay nawalan na ng tinta, natuyutan.
Ginusot ang papel at tuluyan kong inapakan.

Kita ko mismo ang pyesa kong lumuluha,
Hindi kalungkutan ang sigaw kundi galak at tuwa,
"Sa wakas" aniya, "ako'y makakalaya na"
"Magpapakalayo't mawawala ng parang bula",
Aalis sa pudir ng isang tulad kong hamak lang na makata.

Nawalan ng buhay at ako'y nalanta,
Bakit ako'y iniwan, tula ba'y nagsawa?
Sa dami ng akdang aking napatay at tintang sinuka,
Inuusig ang puso ng mga multong letra,

Talentong inakap ko ng ilang taon biglang nawala,
Hindi daw nararapat sa kamay ng tulad kong pumapatay ng tula.

Spoken Word Poetry (Tagalog)Where stories live. Discover now