1| Secret Between Hearts

13.3K 251 66
                                    


MARRON


"Kapag hindi s'ya ang groom, ayoko nang maglaro!" maktol ko habang hawak ang kamay ni Trey. Hindi ko na din napigilan ang ipadyak ang paa ko.

Ngumuso si Ate Shana. "Pero s'ya na ang groom ni Dara kanina! Si Calix naman," malambing na sabi n'ya. "Best man na si Trey ngayon." ngumiti pa s'ya. "'Di ba, Trey?" tila humihingi ng saklolo na tanong n'ya.

Inis na itinapon ko ang bungkos ng bulaklak na ginawa nila. Nahuli ako ng dating dahil pinulbuhan pa ako ni Nanay ng likod at sinapinan ng bimpo. Tinawag pa ako ni Nanay Alice para magmeryenda. Hindi ako nakasabay sa iba sa pagpunta sa burol. Nang makarating ako ay tapos na ang kasal-kasalan nila Dara at Trey.

Nagyayang maglaro ng kasal-kasalan si Ate Shana dahil natutuwa s'ya sa Barbie movie na napanood n'ya na kasal ang ending. Nagpatulong pa s'ya kay Nanay na gumawa ng bungkos ng bulaklak at koronang bulaklak. Pati si Kuya Nexus ay pinilit n'ya pa na tumugtog ng gitara habang naglalakad daw ang bride sa aisle na sinabuyan n'ya pa ng petals.

Hindi ko alam kung bakit nakisama ang lahat sa kanya. Pati si Ate Sara ay tumulong na mag-ayos ng lake side para sa kasal-kasalan na pakulo ni Ate Shana.

Mabait naman si Ate Shana, minsan nga lang naiinis ako sa kanya dahil pakiramdam n'ya ay s'ya ang prinsesa ng mga Villasis. Naartehan ako sa kanya dahil prinsesang-prinsesa ang mga kilos n'ya.

"Si Fye na lang, Shana," sabi ni Kuya.

Umirap na lang ako at umalis na. Ayoko naman talagang makipaglaro sa kanila ng gan'on. Ang baduy! Nagsasayang lang sila ng oras at mga bulaklak. Minsan na nga lang mag-bakasyon, gan'on pa ang naiisip gawin ni Ate Shana. Ang boring n'ya!

"Hoy, Ram! Bang-sak tayo!" yaya ko sa kapatid ko nang makita na nakatambay lang s'ya sa harap ng bahay.

Sumimangot s'ya "Magagalit nga si Nanay, Ate. Mabibinat ako."

Napaismid na lang ako. Naligo kasi kami sa ulan n'ong isang araw at sinipon si Ram. Napagalitan kami ni Tatay dahil d'on. Nautusan pa si Kuya na magpaligo ng sampung baka bilang parusa. Ako naman ay pinatulong sa pamimitas ng mga mangga.

Bumalik na lang ako sa bahay para hanapin si Nanay. Nakita ko s'ya sa kusina na naghihiwa ng mga gulay. Kasama n'ya si Tita Ali, Tita Maine, Tita Fallon, Tita Shanina at Tita Erica.

"Akala ko maglalaro kayo sa lawa?" kunot ang noo na tanong ni Nanay.

Sumimangot ako. "Ang pangit naman po ng laro na naisip ni ate Shana. Boring."

Tumaas ang kilay ni Nanay. "Ano ba'ng nilalaro nila?"

"Kasal-kasalan daw po," matabang na sabi ko at naghanap na lang ng makakain sa ref.

"Kila Candy ka na lang makipaglaro," suhestyon ni Tita Ali na may malokong ngiti sa labi.

"Saan po sila? At ano po ang nilalaro nila?" tanong ko matapos kumagat sa apple.

Kinuha ni Tita Shanina ang mansanas sa akin saka hinugasan bago binalik sa akin. Nag-thank you na lang ako kahit na sa tingin ko ay hindi naman na kailangan ang ginawa n'ya. Kaya siguro maarte si Ate Shana, ang arte kasi ng nanay n'ya.

"Sa kwarto ni Candy. Naglalaro sila ng Barbie," nakangising sagot ni Tita Ali.

Napangiwi ako. "Ayoko po."

Humalakhak si Tita Ali. "Cleo, ti-boom yata 'tong anak mo."

Hindi na lang ako kumibo. Alangan naman sabihin ko na walang kwenta kasi 'yong maglaro ng Barbie? Ang bastos ko naman n'on.

Trey Gregory: If Only They KnewTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon