Chapter 11

10.3K 251 4
                                    

HINDI nagtagal ay patungo na sila sa apartment ng isa pang kasama sa Bud Brothers na nagngangalang Pio Andong.

"Puwede bang magtanong, Sir?" tanong ni Betsy kay Wayne.

"Wayne. Dapat Wayne na lang ang itawag mo sa akin, lalo na pagdating ni Mama."

She had expected that. "Okay, Wayne. Gusto ko lang itanong kung bakit kailangan mo pang magpanggap na may asawa na sa mama mo. Pinipilit ka ba niyang mag-asawa na?"

Kanina ay sinabi lang nito sa kanya na darating ang mama nito at kailangan ng asawang maihaharap dito. Napasubo raw ang mama nito sa papa ng babaeng nagpakilalang fiancée nito. Iyon lang ang sinabi sa kanya ni Wayne. He did not elaborate.

He sighed, as if he had no choice but to give her the details. "There's this woman who's so obsessed with me. Kilala mo siguro siya, she's on the cover of that magazine on your desk the other day—"

"Si Alyssa Rodriguez?" Kunwari ay manghang-mangha siya.

Tumango ito. "Hindi ko alam kung bakit ayaw akong tantanan ng babaeng 'yon. I don't even know her. Minsan ko lang siya nakilala sa isang party, ayaw na akong tantanan at pina-iimbestigahan pa yata ako kaya nalalaman kung nasaan ako."

Napangiwi si Betsy. "H-hindi mo siya girlfriend?" Dalangin niya ay huwag sana siyang mahalata dahil sa tanong niya.

"Of course not! Wala akong panahon sa mga babae. Anyway, isang beses, pinadalhan ako ng plane tickets sa opisina ko sa Ortigas, sundan ko raw siya sa Davao. Why would I do that? I don't even like her—"

"H-hindi mo siya nakakausap—I mean, wala kayong napag-usapan na kahit ano?"

"Ano'ng pag-uusapan namin? Alam naman niyang hindi ko siya gusto, ayaw lang niyang paniwalaan. I think she's insane. Anyway, nalaman niya na pauwi ang mama ko from Sydney, sinundo niya sa airport, pretending to be my fiancée—wait a minute!" Sumulyap ito sa kanya. "Sabi ni Mama, sa sekretarya raw namin nalaman ni Alyssa na pauwi siya."

Kunwari naman ay may bigla siyang naalala. "Baka siya 'yong babaeng tumawag sa akin. Kaibigan mo raw at tinatanong kung nasaan ka. Sabi ko, lumuwas dahil susunduin mo yata ang mama mo sa airport. Doon ka na lang daw niya tatagpuin. Tinanong niya kung anong oras ang arrival n'ong plane galing Australia. Sinabi ko naman dahil sinabi sa akin ng mama mo. N-nakausap ko rin kasi siya."

Ngayon na-realize ni Betsy na napakahirap talagang magsinungaling. Kailangan niyang pagtahi-tahiin ang mga bagay sa paraang hindi pa rin siya mahuhuli. "Hindi ko nabanggit sa iyo kaagad dahil wala ka naman noon. 'Tapos 'yon nga, galit ka na dahil nasira 'yong mga gumamela."

Sa haba naman ng sinabi niya, parang nainip na si Wayne at hindi na siya inintindi. Tumango na lang ito. Hindi nagtagal ay huminto sila sa tapat ng mga nakahilerang berdeng gate.

"'Yong pangatlo, 'yon ang kay Pio. Sa unang pinto ang unit ko."

"Nasaan yung si Pio?"

"Nasa honeymoon. Actually, tapos na silang mag-honeymoon ng misis niya, pero 'yong best friend niya, nag-asawa rin. Nainggit siguro, sumunod sa Boracay. Last I heard, tutuloy silang apat sa Palawan."

"Ang cute naman nila. Foursome-awesome," komento niya.

"Yeah, ipanalangin mo na lang na tumagal sila," sabi nito at pinatay ang makina ng sasakyan, pagkatapos ay bumaba. Hindi na siya naghintay na ipagbukas nito ng pinto. Bumaba na rin siya.

"Na tumagal pa sila sa Palawan?" tanong niya.

"I'm talking about their marriage." Binuksan nito ang likod ng sasakyan, ibinaba ang mga gamit niya. Ibinigay rin nito sa kanya ang key ring, "Buksan mo na 'yong bahay, 'yong eight thousand ang number ng susi."

Bud Brothers Series Book 2: My Golly, Wow Betsy! (Published by PHR, Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon