Prologue

13.2K 359 42
                                    

Third Person's Point Of View

17 Years Ago...

"Habulin mo ako!" humahagikgik na sabi ng anim na taong gulang na si Drei sa kalaro nitong si Hannah. "Ikaw ang taya!"

"Ang daya mo naman eh, ang tulin mong tumakbo!" pagmamaktol nang nakamasid na lang na kalaro. "Ang taba-taba mo pero matulin kang tumakbo."

"Belat! Makupad ka kasi!" pang-iinis ni Drei dito. "Wala, mabagal ka talaga! Para kang pagong. Lampa pa!" Naglabas pa 'to ng dila.

"Drei, huwag mong inisin si Hannah, baka mapikon siya sa'yo, mahirap patahanin 'yan," saway ng Papa niya.

Narito sila ngayon sa San Jose, dumadalaw sa inaanak ng Papa niya, si Hannah.

Napansin ni Drei na humihikbi na ang kalaro. "Tahan na."

"Lagi mo akong pinapaiyak kapag nagpupunta kayo rito." Umupo ito sumubsob sa mga palad niya kaya nilapitan ito ni Drei.

"Tahan na sabi." Naupo ito sa tapat ni Hannah.

Biglang nag-angat ng ulo ang kalaro at ngumisi. "Taya ka!" Sabay tulak kay Drei kaya napaupo ito. Tumayo si Hannah at tumakbo.

"Ang daya mo!" Humabol si Drei dito.

Nakaabot na sila sa labas ng gate dahil sa kakatakbo, hanggang makarating sa taniman ng mais. May ilan ding tanim ng puno ng mangga sa paligid. Napatigil sa pagtakbo si Hannah at tumingala.

Tinapik ni Drei ang balikat ni Hannah. "Taya ka!"

"Sandali lang. Tingnan mo, oh. Hinog na ang mga bunga. Ang sasarap niyan!" Napasalikop pa ang mga kamay ni Hannah.

Pinagmasdan ni Drei ang kinakapatid. "Kaya kong umakyat diyan. Gusto mo ba? Ikukuha kita." Tumingala ulit ito na tila natatakam din sa mapipintog na bunga ng mangga.

"Huwag na, baka mahulog ka pa," saway ni Hannah dito.

"Hindi, kaya ko 'yan. Watch." Sinimulang hubarin ni Drei ang suot na sapatos at medyas saka nagsimulang yumakap sa puno ng mangga. Mababa lang ang puno kung kaya't hindi ito gaanong nahirapan sa pag-akyat. "Kita mo na? Ang galing ko, 'di ba?" Pagmamalaki nito.

"Wow! Ang galing! Ayun, malapit sa'yo, ang laki ng bunga!" Itinuro ni Hannah ang mangga sa bandang ulo ni Drei. Inabot ito ng bata at inihagis kay Hannah. Hindi ito nasapo ng bata pero pinulot niya ito at isinahod sa laylayan ng palda niya.

"Ano ba 'yan, saluhin mo kasi. Malalamog ang mangga eh," reklamo ni Drei.

"Oo na. Kumuha ka pa. Ayun!" Turo ulit ni Hannah sa iba pang bunga.

Nanguha si Drei ng mga bunga at inihahagis iyon kay Hannah kahit hindi nito nasasalo. Pinupulot na lang nito sa lupa ang mga nalaglag na bunga.

"Tama na 'to, marami na 'to." Masayang tinitigan ng bata ang mga mangga na nakasahod sa palda niyang hawak-hawak ng dalawang kamay.

"Sandali, isa na lang. May isang malaki pa rito." Humakbang si Drei sa isang sanga na medyo makitid at pilit inaabot ng kamay ang bunga. Mapintog ito kaya't lalo siyang natakam.

ENIGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon