Chapter 3

5.4K 204 5
                                    

Drei's Point Of View

Nanatili akong gising upang magbantay sa paligid at tiyaking ligtas kami. Baka maghanap sa buong kagubatan ang mga dumukot kina Milet kahit halos hating gabi na. Inalala ko ang mga kaganapan mula nang makarating ako sa San Joaquin no'ng isang buwan. Nagbalik-tanaw ako sa mga naganap kung bakit kami napadpad dito sa San Joaquin, isang buwan na ang nakararaan.

1 Month Ago

"Drei, nauna na si Milet sa San Joaquin dahil tinawagan siya ng ospital doon para magtrabaho," bungad ni Papa, nakaupo ito sa desk niya habang nagbubuklat ng ilang files na nasa table nito.

"Hindi ba delikado na ipinadala n'yo siya ng mag-isa doon? Hindi ba natin pwedeng hintayin ang paglipat ni Rod o ng mga pulis galing San Jose?" Nag-aalala ako kay Milet. Kababaeng tao pero mag-isang nagmamanman sa mga nangyayari sa San Joaquin.

"Hijo, alam mong hindi rin magpapaawat si Milet na pumunta do'n. Nawawala rin ang kapatid niya," paliwanag ni Papa.

Bakit naman kasi magpapa-assign na lang ang kapatid niya, doon pa sa ospital sa malayong probinsya na 'yon. "Susunod na ako agad, Papa. Kailangan niya ng alalay doon."

"Sige na, sundan mo na at baka hindi ka mapakali diyan. Masyado kang protective sa kanya pero hindi mo naman maligawan," natatawang sabi ni Papa.

Sigurado akong mukhang makopa ang mga pisngi ko. Isang taon na rin kaming magkaibigan ni Milet pero hindi ko magawang magtapat sa kanya. Baka katakutan niya ako oras na malaman niya ang totoong abilidad ko. Kahit si Arlene ay walang alam tungkol sa kakayahan ko. Inilihim nina Papa at Mama sa kanya dahil bata pa lang ito ay matatakutin na sa multo. Paano pa kung malaman niya ang totoong kakayahan ko? Paano rin kapag nalaman niyang nameligro siya noong bata pa kami kahit hindi ko sinasadya? Pero mukhang ngayon ay malalaman na nila ang kakayahan ko dahil sa misyon na ito.

"Aalis na ako, Papa. Kailangan ko nang bumalik sa Doña Trinidad para makapag-empake. Susundan ko na si Milet."

"Sige, doon kayo tutuloy sa pinagawa nating UPG branch doon. Mag-iingat ka."

Lumabas na ako ng opisina ni Papa para umuwi sa Doña Trinidad. Naglalakad ako sa hallway patungong elevator nang matanaw ko ang Training Hall. Ilang taon na nga ba noong nagpunta ako dito at nagsanay? 16 years ago? Mukhang ni-renovate lang pero same style pa rin ang facility, kinopya ang design ng nasunog na lumang building noon. May suot pa akong hand gloves noong mga panahong iyon, mga panahong takot na takot akong lumapit sa ibang tao. Napailing na lang ako bago dumiretso sa elevator. Kailangan ko nang mag-prepare at sundan si Milet. Hindi ko siya pababayaang mag-isa sa lugar na 'yon.

Nagtungo agad ako sa San Joaquin kinabukasan. Hindi ako nagsayang ng panahon dahil sa pangambang baka may masamang mangyari kay Milet. Ang kaso'y nasiraan ako ng gulong ng kotse habang binabaybay ang kahabaan ng bako-bakong kalsada sa gilid ng Pilapil kanina. Ma-swerteng may nadaanan akong talyer kaya inihinto ko muna at ipinagawa ang flat tires ng kotse.

Kinuha ko ang phone ko at tinawagan si Papa. "'Pa, nasiraan ako ng kotse. Flat tire dahil sa bako-bakong daan kanina. Narito ako sa nag-iisang talyer sa parteng ito. Buti na lang dito ako nasiraan sa malapit. Sobra naman sa pagkaliblib ang lugar na 'to." Pinagsisipa ko ang mga batong napagdiskitahan ko.

"Sino ba kasi ang may sabi sa'yong sundan mo si Milet? Ikaw ang nagpalipat diyan ng kusa ha. Ginamit ko pa ang koneksyon ko para lang malipat ka riyan agad," sermon ni Papa.

ENIGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon