Chapter 2

5.1K 212 7
                                    

Mia Leticia's Point Of View

"May mapapahingahan ba tayo? Matagal-tagal na rin tayong lakad-takbo," humihingal na tanong ko kay Drei. Napatingin ako sa orasang pambisig ko. Mahigit isang oras na rin kaming walang tigil sa paglakad. Nasa masukal na parte na kami ng kagubatan. Pagod na rin ang batang lalakeng inaakay ko.

"Oo nga po, Ate. Pagod na ako. Gusto ko nang umuwi," humihikbing ring sabi nito. Sampung taong gulang na rin siguro ito.

"Baka po may ahas dito," nahintatakutang sabi ng babaeng High Schooler, akay nito ang batang lalaking may katabaan.

"Baka may multo dito!" humihikbing sabi ng isa pang batang lalaking payat, nakahawak ito sa isa pang babaeng teenager na naka-braces. Kumikinang ang braces nito kapag natatamaan ng flash ng phone.

"Sandali. Hahanap lang tayo ng safe na lugar para makapagpahinga." Nagpalinga-linga si Drei. Itinaas nito ang phone para ilawan ang paligid. "Hayun. May lumang kubo doon."

Sinipat ko ang itinuro nitong kubo. Luma na nga ito, mukhang isang bagyo na lang ay bibigay na, pero mainam na ito kaysa sa walang masilungan ang mga kabataang kasama namin. "Halika, doon na muna tayo magpahinga."

Tinungo namin ang kubo. Mukhang matagal na rin itong hindi natitirhan ng tao. Napapalibutan na kasi ito ng matataas na talahib.

"Ate, natatakot ako." Napakapit sa ang pinakamaliit na estudyanteng babae sa kasama nitong kanina pa tahimik habang naglalakad kami. Pareho sila ng school uniform.

"Huwag kayong matakot. Kasama n'yo kami," pagpapakalma ko rito.

Pumasok kami sa loob. Medyo maalikabok na pero may lumang kagamitang narito. Katre, mahabang upuang kawayan, mesa at upuan, ilang kaldero, pingganan at kubyertos. "Mukhang may nakatira na rito dati at inabandona," obserbasyon ni Drei habang nililibot ng tingin ang kabuuan ng kubo. May kalakihan naman ito kaya kakasya kami.

"Sandali at lilinisan ko para makapagpahinga tayo ng husto." Kumilos ako't naghalughog ng lumang tela o basahang naiwan ng dating may-ari, pamunas ng katre at sahig. Nakahanap ako ng lumang baul, may ilang kumot, unan at damit ang narito. "Mukhang hindi nakapag-balot ang umalis. Iniwan ng ganito na lang ang bahay." Kinuha ko ang isang lumang damit at pinamunas sa katre, matapos ay inilampaso ko sa sahig. Tinulungan ako ng magkasamang pareho ng uniform sa paglinis ng lapag.

"Ayan, Ate, malinis na. Pwede na tayong magpahinga." Sumalampak ito ng upo, sumunod na tumabi sa kanya ang kasama nito. Nagkanya-kanyang pwesto kami ng upo.

"Nagugutom na ako," daing ng may katabaang bata. Narinig pa namin ang pagtunog ng tiyan nito. Nagkatawanan kami kahit sa ganitong kalagayan.

"Sandali, dumito lang kayo. Maghahanap ako ng prutas o kung ano mang bunga sa paligid. Iiwan ko na sa inyo itong phone para may liwanag kayo diyan," paalam ni Drei. "Mangunguha rin ako ng kahoy pang-siga."

"Mag-iingat ka," habilin ko dito. Ayokong may mangyaring masama sa kanya. Isa siya sa mga taong pinahahalagahan ko, kahit hindi niya ako gusto. Kahit kaibigan lang ang turing niya sa akin ay tanggap ko. Mahabang ngiti ang sumilay sa aking mga labi. Iniligtas ako ng taong itinatangi ko.

"Magpahinga na muna kayo. Kailangan natin ng lakas para makababa tayo ng bundok sa umaga." Sumampa sa katre ang talong batang lalake para magpahinga, pero ang apat na teenager ay nanatiling nakasalampak sa sahig. "Ayaw n'yo pang magpahinga?"

ENIGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon