Chapter 1

6.5K 279 16
                                    

Present
Drei's Point Of View

Isang buwan na kami rito pero wala pa ring nangyayari sa pagmamasid namin. Kung sana'y narito na ang taga-PCU na may psychometric ability, mas mapapadali ang trabaho namin. Napatingin ako sa mop na hawak. Janitor talaga? Tsk. Ito lang ang bakante sa ospital no'ng nag-apply ako. Pumayag na rin ako kaysa wala. At least, malapit ako kay Milet. Mababantayan ko siya. Nilinga ko ang kahabaan ng 4th floor, busy ang mga nurse sa station nila, habang naglalakad-lakad ang iilaang pasyente kasama ang mga bantay nito. Nasaan na ba si Milet? Gabi na ah. Uuwi na kami.

Bumaba ako sa third floor para doon magpanggap na naglalampaso habang hinahanap ko si Milet. Wala pa rin itong nakukuhang impormasyon kahit natanggap itong Front Desk Clerk ng ospital. Sa Registration ito naka-assign.

"George." Nilingon ko ang tumawag sa akin. Ang Head Nurse ng Polymedic.

"Yes, Ma'am?"

"Pakitapon sa likod ang mga naipong basurang nasa bakanteng unit sa dulo. Kukuha bukas ng umaga ang truck," utos nito habang nagpapapungay ang mga mata at maluwang ang ngiti sa akin. Maganda naman ito kahit sobrang pula ng lipstick.

"Sige, Nurse Berna." Tumalikod na ako agad at baka kung saan pa mauwi ang pagpapa-cute nito.

Tinungo ko ang bakanteng unit at dinampot ang dalawang trash bag na punong puno. Magagaan naman dahil mukhang Syringe, gasa at bulak lang naman ang laman ng mga ito. Sumakay ako ng Utility Elevator pababa ng basement, mas malapit dito patungong likod ng ospital. Dito ko rin ipina-park ang motor ko.

Palapit pa lang ako sa tambakan ng basura sa likod ay amoy ko na ang sangsang ng mabahong basura. Hindi na lang ako huminga, binilisan ko na lang ang pagtatapon para makaalis na. Bawal ang mga pasyente sa gawing ito dahil for employees at for deliveries lang ang pwede sa area na ito. May isang truck na naka-park 'di kalayuan mula sa tapunan bg basura. Maaaring delivery ito ng supplies. Nagkibit-balikat na lang ako at minadali ang pagtatapon para makabalik na sa taas. Kailangan ko pang hanapin si Milet.

Naglalakad na ako sa basement nang makarinig ako ng mga yabag ng paa mula sa gawi ng fire exit, papalapit sa kinatatayuan ko. Tumatakbo ang mga ito na tila hinahabol ng kung ano. Nagtago ako sa likod ng isang kotse at sumilip sa mga ito.

"Bilisan natin, baka may makakita pa sa atin," sabi ng isang lalaki.

"Ikaw ba naman kasi, napakapabaya mo. May makakita ba naman sa'yo?" paninisi ng isa. May nakasuksok na baril sa baywang nito.

"Tama na ang paninisi," sabi ng kasunod nila na may pasan-pasang babaeng naka-uniform ng staff ng ospital. Mukhang wala itong malay. Patungo na ang mga lalake sa itim na kotse. Napagawi ang gilid ng mukha ng babae sa direksyon ko, nandilat ako sa nakita ko. Si Milet!

Umakyat ang dugo sa ulo ko. Susugurin ko na sana sila pero nakasakay na ang mga ito at madaling nakasibat palabas ng basement. Tinakbo ko agad ang motor kong naka-park 'di kalayuan sa pwesto ko. Nanginginig ang mga kamay kong dinukot ang susi sa bulsa ng pantalon ko saka sinusian ang motor. Sinuot ko ang helmet saka paharurot kong pinaandar ang motor.

Natanaw ko ang kotse na kumaliwa sa intersection. Kaunti na lang at maaabutan ko na sila. Sino sila? Bakit nila kinuha si Milet? May kinalaman ba ito sa mga nangyayari sa San Joaquin? Abot-abot ang kaba sa dibdib ko. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa kanya pero kailangan kong alamin kung saan nila dadalhin si Milet. Hinayaan ko ang sapat na distansya para hindi ako paghinalaan.

Nakaabot kami sa isang kalsadang hindi pa nasisimentuhan. Luad pa ang lupa dito at bako-bako. Kumanan sila sa makipot na kalsada kaya hindi ako maaaring sumunod. Paghihinalaan nila akong sinusundan ko sila. Inilagpas ko ang motor ko ng kaunti saka ipinarada sa pagitan ng matataas na damong nasa gilid ng daan. Siniguro kong walang makakakita sa motor ko at maghihinala na may ibang taong narito.

ENIGMATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon