Ika-limang Kabanata

461 37 7
                                    

Ika-limang Kabanata

Umulan ng pakikiramay sa pamilya Magbanua sa mga sumunod na araw. May dumating na mga kamag-anak si Joshua upang asikasuhin ang lamay at libing nito. Gayunman, wala ni isang nakita o nakilala si Anna sa kanila noong dumalo ito sa pinaghimlayan ng mga labi ni Joshua.

Paanong hindi? Ni hindi siya nakalapit.

Suot ang kulay itim na elegante niyang bestida at maliit na laced-pandora hat, nakadungaw lamang siya sa malayo. Ramdam ni Anna ang bawat pagpatak ng nagbabadyang pag-ulan ngunit hindi siya natinag. Pinanood niya ang padasal hanggang sa tuluyan na ngang inilibing ang kabaong ng lalaki na nagmahal sa kanya ng lubos sa lumipas na taon. Kinakain siya ng hiya at sisi. Wala siyang mukhang maihaharap doon.

Umiiyak ang puso ni Anna sa lungkot ngunit wala kang makikita sa mukha niya kundi blankong emosyon.

Bakit? Bakit kailangang humantong ang lahat sa ganito?

"Lumalakas na ang ambon Anna, hindi ka puwedeng magkasakit. May mga guesting ka pa bukas at sa mga susunod na araw."

Tumingala si Anna sa isang itim na payong na nakatapat sa ulunan niya. Pero magkasakit man o hindi, sa totoo lang, walang pakialam si Anna sa kung ano ang mangyayari.

Pinagmasdan ni Anna ang dala na itim na handbag. Naaalala niya kung gaano niya ito kapaborito. Kung gaano niya hinahangaan ang kakaibang bulaklakin na disenyo nito. Ang pagmasdan ito ay kasiyahan niya dahil isa ito sa mga mamahaling bag na pinapangarap niya. Ngunit bakit ngayon, wala itong talab sa kanya? Doon niya lang napagtanto, na walang materyal na bagay ang tutumbas sa buhay ng isang tao.

"Hindi niya sinabi sa iba."

"Ang alin?"

"Na iniwan ko siya. Na wala na kami."

Ilang araw mula noong mabalitaan ng lahat ang pagkamatay ni Joshua ay marami ang nakiramay kay Anna. Hindi nila alam na wala na silang koneksyon sa isa't isa.

May malungkot na ngiti sa mga labi ni Toby. "Kilala mo Joshua. Poprotektahan ka niya hanggang sa makakaya niya."

"At ano ang naging kapalit? Kamatayan niya?"

"Wala kang kasalanan. Pinili niya ang buhay na iyon."

"Ako ang nagtulak sa kanya."

"Siya ang may hawak ng tali ng buhay niya. Pwede siyang kumapit at lumaban. Pero pinili niya ang bumitaw at sumuko."

Huminga ng malalim si Anna bago tumingala sa makulimlim na kalangitan. "Umpisa pa lang... naging totoo na ako sa kanya. Wala siyang mapapala sa akin. Wala akong maibibigay sa kanya. Bakit ba kasi ako? Sana iba na lang ang minahal niya."

"Minsan... sadyang hindi talaga matuturuan ang puso. Ito ang pinili niya. Nasa sa iyo na kung ano ang pipiliin mo para sayo." Tinapik nito ang kaibigan sa balikat. "Halika na. Hinihintay na tayo ni Uncle Tonyo sa kotse. Baka mapagalitan pa tayo niyan."

"Susunod na lang ako."

"Sigurado ka?"

Malungkot na tumango si Anna. Iniwan na lamang ng kaibigan sa kanya ang payong at nauna nang tumungo sa kotse.

Ibinalik ni Anna ang tingin sa mga tao na pinagmamasdan niya kanina. Naghintay pa siya ng ilang minuto bago umalis. Gayunman, naipit sa putikan ang suot niyang itim na heels kaya yumuko siya agad upang linisan ito gamit ang basang dahon sa tabi.

Sa paanan niya ay may isang basang papel. Binasa niya ang nakasulat,

Maruyo Shop: Metaphysical Books and Gifts.

Isandaang Halik (Montealto Brothers #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon