Chapter 1

20.8K 226 4
                                    


Makailang beses na umiwas si Cassiel sa dinaraanan tuwing sinasabi ng mga tao na may paputok daw sa tabi niya. Makailang beses din siyang yumukod, ngumiti, at bumati ng 'happy new year' sa mga taong nakasalubong niya bago ang bawat isa sa mga ito ay napatigil at tumuro sa kanya. Kung bakit, hindi niya alam.

Ipinagpatuloy lang ni Cassiel ang paglalakad sa loob ng subdivision habang napapasunod ang tingin sa mga paputok. Napapangiti na lang siya tuwing sasabog ang magagandang ilaw sa kalangitan.

Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaranas ng dilim dahil kailanman ay hindi dumadating ang gabi sa dati niyang tirahan—ang Tierra Celes. Kaya naman tuwing magliliwanag ang kalangitan dahil sa paputok, napapangiti siya. It was like catching a glimpse of Tierra Celes.

Mayamaya lang ay napaubo na siya. Hindi niya alam kung anong klaseng amoy ang nalanghap niya pero habang tumatagal ay nahihirapan siyang huminga.

Marahil ay galing sa paputok. Iwasan mo na lang siya sa susunod, Cassiel. Sa ngayon, magtakip ka na lang muna ng ilong, anang boses ng Keeper.

Ang Keeper ang tagapagbantay nila. Alam ng Keeper ang lahat ng mga nangyayari, ginagawa, at iniisip nila. Ang Keeper din ang gumagawa ng paraan tuwing may nakakaalam o nakakakita sa kung ano talaga sila.

Nagtakip na lang si Cassiel ng ilong tulad ng mga taong nakakasalubong niya. Naglakad pa siya papasok sa subdivision at hinanap ang kalsada kung saan siya mananatili sa mundo ng mga tao. Palinga-linga siya, hindi lang para hanapin ang bahay na titirhan niya kundi dahil sa pagkamangha sa mga nakikita.

Ibang-iba kasi sa paningin ni Cassiel ang mundo ng mga tao kompara sa Tierra Celes. Dati-rati ay nakikita lang niya ang mundo ng mga tao sa isang lawa sa Tierra Celes. Ang lawa na iyon ang koneksyon nila sa mundo ng mga tao. At ngayong nakikita na niya nang personal ang mundo, hindi niya mapigilan na mamangha.

Masaya siya sa Tierra Celes pero natutuwa siya sa nakikita sa bagong mundong kinaroroonan—sa mga ilaw na nagbibigay liwanag sa mga tahanan, ang mga paputok na ginagamit ng mga tao na tila bituin na sumasabog sa kalangitan. Hindi na tuloy siya makapaghintay sa pagdating ng umaga dahil alam niyang mas marami siyang makikitang kulay.

Napatigil na naman si Cassiel sa paglalakad nang makita na ang tahanang tutuluyan. Dalawang palapag iyon na puti ang pangunahing kulay, samantalang brown at itim ang mga hamba. May mababang bakod din na kulay-matingkad na asul. Sa loob naman ng bakod ay may munting hardin sa bandang kanan habang may garden set sa kaliwa. Muli ay hindi niya mapigilang ikompara iyon sa Tierra Celes. Sa Tierra Celes kasi ay tila pinaghalong liwanag at tubig ang kapaligiran at mukhang diyamante ang mga establisimyento.

Pinagmasdan pa ni Cassiel ang kabuuan ng bahay. Napansin niyang tila hindi nakikisali sa kasiyahan ang may-ari niyon. O baka wala lang tao sa loob dahil nasa labas ang mga iyon? Napatunayan niyang tama ang una niyang hinala nang makakita ng pigura sa bintana.

Lumapit na siya sa pinto at kumatok. Hindi nagtagal ay bumukas ang pinto at iniluwal ang dalawang matanda na marahil ay mag-asawa.

"Magandang gabi, ho." Yumukod si Cassiel. "Dito ho ba nakatira sina Mr. and Mrs. Teng?"

Nagkatinginan ang mag-asawa bago ngumiti nang matamis ang matandang babae. "Ikaw, tawag na lang sa amin Mama at Yeeyee. Ikaw, pasok na bahay. Usok sa labas, baho."

Ngumiti si Cassiel at tumuloy na sa tahanan. Ngayon ay hindi na siya nagtataka kung bakit hindi nakikisaya ang mag-asawa sa pagsalubong sa bagong taon—Chinese ang mga ito at matatanda na rin.

Angel Creed Trilogy Book 1: Angel's Tale COMPLETED (Published by PHR)Where stories live. Discover now