Part 15: News

4.3K 138 6
                                    

"SIGURADO kang kasama ako, Dan?" paniniyak ni Jasmin. Tinawagan siya ng kaibigan para sabihing pumunta siya sa conference room nang alas-dos ng hapon, ang oras na free daw ang kababalik lang nilang temporary boss—na ngayon ay kumpirmado nang mananatili sa Rayos bilang kapalit ni Sir G, si Gareth. Nabalitaan niya kay Daniel na kasamang bumalik ni Gareth sa Pilipinas si Miss Glaire.

"Yes," sagot ni Daniel. "Conference room, Jas, two o'clock sharp." Hindi na ito ang kaibigan niya kundi ang pinagkakatiwalaang abogado ni Sir G.

"Okay," sagot ni Jasmin, napapakunot-noo. Kung tama ang hula niya, reading ng last will and testament ni Sir G ang mangyayari sa conference room nang alas-dos ng hapon. Bakit kasama siya? Ano naman ang kinalaman niya sa mga naiwan ng mabait niyang boss? Imposible namang iniwanan siya ni Sir G ng bahagi ng yaman nito. Wala itong dahilan para gawin iyon.

Ipinilig ni Jasmin ang ulo. Masasagot din naman ang mga tanong niya mamaya. Sa ngayon ay haharapin muna niya ang mga hindi natapos na trabaho nang nagdaang araw.

Nag-lunch out siya kasama ang marketing team. Ginagawa nila iyon para magkaroon man lang ng break mula sa nakaka-suffocate nang department dahil sa pagbabalik ni Gareth Montalvo. Gusto na nilang bumuo ng puwersa na mag-i-impeach hindi sa mismong boss kundi sa opisina nito. Gusto nilang magpalaganap ng petisyon para lumipat ng opisina si Montalvo at hindi na sa isang bahagi ng department nila.

Pero paano ba nila gagawin iyon sa bagong boss?

"Kuyugin na lang natin," naalala ni Jasmin ang reaksiyon ng kanyang mga kasamahan sa suhestiyon ni Elvina na nanlalaki pa ang mga butas ng ilong. "O kaya tuhurin?" Saka ito ngumisi.

"Si Jas ang magaling diyan!" sabi naman ni Connie. "Kung tuhod lang pala, ipaubaya na natin sa kanya."

Natatawang umiling-iling na lang si Jasmin. Hindi na siya nagsalita para hindi na humaba ang usapan.

"Kumusta pala 'yong final draft ng ads na ginawa mo, Elvz?" tanong ni Jasmin. "May negative comment na naman si Montalvo?" Dumaan sa kanya ang draft na tinutukoy at in-approve na niya. Bilang kapalit ni Sir G ay kay Gareth magmumula ang final approval.

"In-approve na niya."

"That's great!"

"Ano'ng great? In-approve niya nang hindi tinitingnan!" malakas na bulalas ni Elvina. "Tulala ang lolo mo. Gusto ko ngang maawa, eh, pero kapag naaalala ko ang ginawa niya sa akin bago siya lumipad ng US, naku, kumukulo ang dugo ko!"

"Ikaw, Jas?" Si Connie. "Wala ka bang wicked plan para gantihan siya? Sabagay, tinuhod mo naman kaya okay na 'yon."

"Wala pa namang bagong ginagawa sa akin kaya behaved din ako," sagot ni Jasmin. "Nasa state of grief pa 'yon kaya tahimik at tulala, pagbigyan na natin."

"Nakaka-miss talaga si Sir G...." Si Elvina.

Huminga nang malalim si Jasmin. "Hanggang ngayon nga, parang hindi pa rin nagsi-sink in sa akin na wala na talaga siya. Nakaka-miss 'yong magaan niyang mood sa umaga, at 'yong bilin niya lagi ng 'ingat sa pag-uwi.'"

"At 'yong freebies," dugtong ni Connie. "Pero wala na talaga si Sir G. Kailangan na nating mag-move on—"

"At maghanda sa malasumpang kamandag ng anak niya," agaw ni Elvina. "Bakit nga kaya galit sa mundo ang isang 'yon?"

"Baka walang love life." Si Connie uli.

"Sa sama ba naman ng ugali, malabong magka-love life'yon." Nakangisi si Elvina.

"Malay n'yo naman, baka mabait 'yon kapag nagpapa-cute," nasabi ni Jasmin. Naalala niyang pangalan ng mga babae ang binabanggit ni Gareth habang may kausap sa cell phone noong nasa brainstorming room sila.

"Puwede. Kung sa pisikal lang, hot si Boss, ha." Pilyang ngumisi rin si Connie. "Walang babae ang tatanggi sa 'hotness' niya."

"Hindi ka ba tatanggi?" tanong ni Pop na kanina pa tahimik pero panay naman ang sulyap kay Connie.

"Hindi ako babae, bro, sorry," sagot ni Connie na ikinatawa ni Jasmin.

"Ikaw, Elvz? Hindi ka tatanggi?"

"Hindi," ani Elvina, seryoso. "Hindi ko siya bibiguin."

Hinampas ni Connie si Elvina ng cell phone. Tawanan na ang kasunod.

Nawaglit sa isip ni Jasmin ang pupuntahan niyang meeting sa conference room mamayang alas-dos ng hapon.

Pagbalik sa Rayos ay hindi na nakapagtrabaho nang maayos si Jasmin. Paulit-ulit niyang iniisip kung bakit napasama siya usapan, at ang muli nilang pagkikita ni Gareth pagkatapos ng huling eksena sa pagitan nila. Tatlong araw na itong nakabalik sa Rayos pero hindi pa sila nagkaharap uli. Nagkakataon na may mga appointment sa labas si Gareth tuwing nasa office siya; at kapag naman may lakad siya sa labas ay saka naman ito nasa opisina lang, kaya ngayon pa lang sila muling maghaharap. Hindi niya maintindihan kung bakit parang kinakabahan siya sa muli nilang paghaharap.

Bago mag-alas-dos ay nagtungo na sa conference room si Jasmin. Inabutan niyang nasa labas si Daniel, hawak ang cell phone. Relieved na huminga ito nang makita siya.

"Wala pa namang two PM, ah," ani Jasmin na sinipat ang wristwatch.

"Maaga silang dumating. Ikaw na lang ang hinihintay."

"Sinong sila? Nasa loob na silang lahat?"

"Yeah. Si Gareth, si Glaire, at si Papa kasama ng ilang taong inimbitahan ko rin na hindi mo kilala."

Kumilos na si Daniel para buksan ang pinto pero pinigilan ito ni Jasmin. "Bakit ba kasi kasama ako, Dan?"

"Pumasok ka na para malaman mo." Binuksan ni Daniel ang pinto para sa kanya.

Lalong kinabahan si Jasmin nang tumutok sa kanya ang tatlong pares ng mga mata. Si Miss Glaire ay kumunot ang noo nang makita siya pero kaagad ding umaliwalas ang mukha at tumango. Ang papa naman ni Daniel ay ngumiti. Si Gareth ang bukod-tanging walang reaksiyon, dinaanan lang siya ng tingin bago nababagot na sumandal sa kinauupuan. Ang apat pang hindi pamilyar na mukha ay kaswal lang siyang tiningnan.

"May meeting ako after an hour Daniel," sabi ni Miss Glaire. "Go! Basahin na ang dapat basahin para matapos na." Sa anyo ng babae ay parang napipilitan lang itong umupo roon at makinig sa kung anumang babasahin ni Daniel.

Si Jasmin naman ay tahimik lang sa kanyang puwesto. Hindi niya pinakinggan ang mga detalyeng binabasa ni Daniel tungkol sa mga property ni Sir G sa kung saan-saan mang lugar sa Pilipinas. Lalo namang hindi siya interesado sa kabuuang yaman ni Sir G at sa ginawang paghahati into particular percentage. Nakayuko lang siya at inaabala ang sarili sa cell phone.

Natigilan at tumingala lang si Jasmin nang marinig na binanggit ang pangalan niya. Nakaawang ang bibig na nag-angat siya ng tingin kay Daniel na nakatutok naman sa binabasa ang atensiyon.

Kung nagulat siya sa pagbanggit sa kanyang pangalan, lalo siyang nagulat sa sinabi ni Daniel na mana niya. Pero hindi lang pala iyon ang sorpresa. Nagulantang nang husto ang mundo niya nang marinig ang mga huling binasa ni Daniel...

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon