PASADO alas-siyete ng gabi nang dumating si Gareth. Patay ang ilaw sa silid kaya malayang nasilip ni Jasmin ang pagdating ng kotse ni Gareth. Gusto niyang magpasalamat sa ginawa nito kagabi pero hindi niya alam kung paano iyon sasabihin nang tama. Pakiramdam niya ay hindi normal ang sitwasyon ngayong mabait sila sa isa't isa. Malinaw na sinaktan nila ang isa't isa noong tinuhod niya si Gareth pero wala sa kanila ang nag-sorry. Ano iyon, bigla ay magiging okay na lang sila nang ganoon lang?
Pero kahit ano pa talaga ang isipin, kailangan niyang magpasalamat sa asawa.
Napatingin si Jasmin sa pinto nang may kumatok. Si Tascia iyon, para ibigay ang hiningi niyang hot milk. Tinungo niya ang pinto at marahang binuksan.
Nabura ang kanyang ngiti nang si Gareth ang mabungaran niya.
"May hinihintay ka?" kaswal na tanong ni Gareth. "Nawala ang ngiti mo nang makita mo ako kaya siguradong hindi ako 'yon." Napaatras si Jasmin nang damhin nito ang noo at leeg niya. "Fever's gone."
"Si... Si Tascia."
"Why?"
"Magdadala siya ng hot milk..."
Tumango ang asawa at pumihit na para umalis.
"Gareth?"
Naudlot ang paghakbang nito palayo. Marahang lumingon. "Yeah?"
"Kagabi... thank you. Masarap 'yong soup mo."
Ilang segundong tinitigan lang siya ni Gareth sa mga mata na para bang binabasa ang iniisip niya. Mayamaya ay marahan itong ngumiti—unang ngiti na nakita niya, na literal na nagpahinto saglit sa kanyang paghinga.
Wala na si Gareth sa harap ni Jasmin pero nasa dibdib pa rin ang kanyang palad, hinahagod iyon para ipanatag ang naging abnormal na pintig ng kanyang puso...
YOU ARE READING
Calle Amor PREVIEW
Romance"Lahat ng mga ginagawa ko, lahat ng bagong pangarap ko, binubuo ko nang kasama ka..." Gareth and Jasmin.