Part 26: One Step Closer

4.2K 145 8
                                    

KINABUKASAN ay naunang lumabas ng silid si Gareth. Nagulantang ang buong tropa ng papa ni Jasmin sa bakery area na naunang gumigising dahil sa pandesal, pati ang mama niya na nakasanayan na ang maagang paggising—gulat na gulat na may lalaki sa silid ng kuya niya!

Kahit sabog pa ang buhok ay mabilis na napalabas ng silid si Jasmin para magpaliwanag.

Si Gareth naman ang bumasag sa katahimikan pagkatapos ng mahabang pagpapaliwanag na sinimulan ni Jasmin sa pagpapakilala sa bago niyang boss.

"Naamoy ko ho kasi ang pandesal n'yo," sabi ni Gareth, sa mama ni Jasmin nakatingin.

Nasa likuran na ng ina ni Jasmin ang pupungas-pungas niyang ama, na nagising din yata sa mga boses nila.

"Kaya hindi ko na ho nasunod ang usapan namin ni Jasmin," tumingin ito sa kanya. "Na sasabihin muna sa inyong hinayaan niya akong sa kuwarto ng kuya niya matulog."

"Sino ba ang binatang ito, 'nak?" tanong tatay ni Jasmin na na-late sa "komosyon." Wala pa ito nang ipakilala ni Jasmin si Gareth sa kanyang ina.

"Gareth Montalvo, 'Pa. Bago ko siyang boss. Anak ni Sir G. Nag-check lang siya ng building sa kabila, project pala si Sir G 'yon. Hindi na siya nakauwi kagabi, late na, eh. Inimbitahan ko na lang na matulog dito sa atin."

Tumango-tango ang ama niya, pinaliguan ng tingin si Gareth. "Anak ni Gaelle ang binatang ito?"

"Yes, 'Pa."

"Kung ganoon, ito na ngayon ang payatot na batang nagbigay sa 'yo ng ice cream noon?"

"'Pa!" shocked na bulalas ni Jasmin. Nagpa-panic na napabaling siya kay Gareth na wala namang reaction, bahagyang kumunot lang ang noo pagkatapos ng sinabi ng kanyang ama.

"Aba'y guwapong-guwapo na, ah. Kuhang-kuha niya ang charisma ng ama niya!" Ngiting-ngiti ang ama niya, inakbayan pa si Gareth. "Alam mo, hijo, napakabuting tao ni Gaelle. Sigurado akong magiging katulad ka niya. Paboritong assistant ng ama mo itong si Jasmin, alam mo ba kung bakit? Sinabi niya sa akin ang dahilan no'ng minsang nagkainuman kami—si Jasmin daw ang babaeng anak na hindi siya nagkaroon. Umaasa akong tinatrato mo ang bunso ko nang katulad ng trato sa kanya ng ama mo."

Walang nasabi si Gareth, nasa mga mata ang guilt nang sumulyap kay Jasmin.

"Bossing, magbubukas na kami!" anang isa sa mga panadero nila na ang tinutukoy ay ang tindahan na nasa ibaba.

Mabilis nang nagpaalam ang mga magulang ni Jasmin.

Naiwan si Jasmin sa itaas kasama ni Gareth. "Mag-almusal ka muna bago umuwi," aniyang sinadyang iwasan ang mga mata ni Gareth. "Gusto mo ba ng sinangag for breakfast o pandesal at coffee na lang?"

"Coffee na lang. Gusto kong tikman ang pandesal n'yo. Ang bango, naamoy ko kanina pa."

"Mainit sa kitchen kapag nagluluto sila ng tinapay. Dito ka na lang. Ihahatid ko ang coffee mo."

"Gusto ko sa 'baba."

"Sigurado ka?"

"Mas gusto kong may kausap habang nagkakape."

Tumango si Jasmin at niyaya si Gareth na sumunod na lang sa kanya. Dumiretso siya sa kusina samantalang si Gareth naman ay naharang na ng ama niya sa bakery area. Nagkakape rin ng ganoong oras ang mga panadero nila, pati ang mga magulang niya, at si Joey. Tulad ng dati, pasimuno na naman ang ama sa maingay at masayang kuwentuhan.

Bumalik kaagad si Jasmin pagkatapos ihanda ang kape ni Gareth. Hindi niya napigilang mapangiti nang makitang nakikigulo na rin ang asawa sa mga panaderong nagluluto ng pandesal habang nagkakape. Umangat ang mga kilay niya nang alukin ni Gorio—ang mas batang panadero nila—si Gareth na isawsaw ang kinakain nitong pandesal sa bagong timplang kape.

"'Di ko pa tinikman 'yang kape, Bossing, kaya wala pang germs," nakangising sabi ni Gorio. "Mas masarap kainin ang mainit na pandesal kapag isinawsaw sa kape!"

Napatingin si Gareth kay Tiago, ang isa pang panadero na nag-demonstrate naman—inilubog sa kape ang kalahati ng pandesal na hawak, saka sarap na sarap na isinubo.

Sa tingin ni Jasmin ay naaliw si Gareth. Tiningnan nito ang hawak na pandesal na may isa nang kagat. Tumikhim siya, naudlot ang sana ay pagsawsaw ni Gareth ng pandesal sa kape ni Gorio. "Coffee mo, Sir," nakangiting sabi niya. Kasama sa tray na dala niya ang bread knife, peanut butter, at dalawang piraso ng hinog na saging. "Wala kang puwesto dito, mainit pa—"

"It's fine, Jasmin. Mas gusto ko dito."

"Okay," aniyang pinandilatan ang dalawang panadero. "Boss ko 'yan, 'wag n'yong gagawan ng kalokohan."

Ang lakas ng tawa ng dalawa. Napapangiti pa rin si Jasmin nang iwan niya si Gareth kasama ang mga panadero.

Calle Amor PREVIEWTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon