"Maglaro Tayo.."

16 0 0
                                    


Maglaro tayo ng tagu-taguan
Bawat kilos ay huhulaan
Walang salitang pakakawalan
Kukubli sa anumang paraan
Damdamin ay pilit itatago
Di pahahalata sa bawat tagpo
Hindi iimik o kikibo
Pag nagkaharap pipiliting lumiko
Ngunit pag natagpuan mo ako
Sa lugar na pinagkukublihan ko
Alam mo bang mo bang sasabihin ko sa iyo
Lahat ng nararamdaman nitong puso..

Maglaro tayo ng habul-habulan
Iwasang magkasalubong sa bawat daan
Bawat hakbang ay gawing magaan
Tumakbo ng tumakbo hangga't kailangan
Wag lilingon upang di malito
Wag hihinto ng kakatakbo
Magpaikot-ikot sa bawat kanto
Bilis at liksi ang sandata mo
Pero kung matataya ako dito
Hahabol ako sa'yo saan ka man patungo
Sumuot ka man sa maraming pinto
Pangako hindi ako hihinto..

Maglaro tayo ng unggoy-ungguyan
'Yong usong laro sa ilang kabahayan
Baraha ang tanging kagamitan
Sa bawat baraha ay mag uunahan
Bawal silipin at bawal makita
Hawak na baraha ng bawa't isa
Liban na lang kung nabunot na
O kaya'y may tumamang pares sa baraha
Ilang pares kaya ang tutugma sa damdaming nagtatago sa lungga?
Sino sa atin ang mauuna?
Sino ang maiiwan at magbabalasa?

Maglaro tayo ng tanung-tanungan
Konsekwensya ba o katotohanan?
Iyon lang ang tanging pagpipilian
Kahit anong tanong ay pwedeng bitawan
Gusto kong malaman kung bakit ka nawala
Umiwas at naglaho na parang bula
Bigla ba akong nawalan ng halaga?
At tila hindi mo na nakikita
Masasagot mo nga kaya?
Aamin ka kayang sadya?
O pipiliin mong gawin ang parusa?
At habang buhay akong magtataka..

Maglaro tayo kahit talo ako lagi
Maglaro tayo kahit walang nagwawagi
Maglaro tayong muli at muli
Maglaro tayo kahit di na maaari

Paulit-ulit akong susugal
Magmukha man akong hangal
Di alintana gaano man katagal
Ang pag amin at pagbalik mong dinarasal.

(03-02-18)

Spoken POETRY In WattyWhere stories live. Discover now