Eleven

44 6 0
                                    

Dahil sa pagiging excited ko na gawin ang aking misyon ay hindi ko namalayan kung paano lumipas ang mga araw at agad na nagdaan ang isang linggo.

Nagbihis ako ng maayos at komportableng damit, wala akong dinala na kahit na ano maliban lamang sa aking sarili. Alam ko naman na kahit na anong bagay ay hindi ko magagawang maipasok pabalik sa nakaraan kaya hindi na ako nag-abala pang mag-empake ng mga gamit.

Sumakay ako ng tricycle at nagpahatid sa bahay ni tita Rebecca, ito na ang takdang araw para sa aking misyon. Kinakabahan man ay baon ko pa rin ang determinasyon sa aking puso, magtatagumpay ako.

Pagdating ko sa bahay ni tita Rebecca ay agad akong nag-doorbell upang malaman niya na may tao sa labas at wala pang ilang segundo ay nasa harapan ko na siya, ang bilis naman.

Nginitian niya ako at saka niyakap, sigurado akong masaya siya na tumupad ako sa aming pinag-usapan.

"Nakahanda ka na?" Bungad niya sa akin.

Tumango lamang ako at saka sumunod sa kanya papasko ng bahay.

Panay ang hinga ko ng malalim, kinakabahan talaga ako. Ewan ko, pero unti-unting nawawala ang excitement sa aking puso, para bang may mga bagay na hindi pa ako handang matuklasan sa oras na tumira na ako sa nakaraan. Ano nga kaya ang naghihintay sa akin sa panahon nina Ralph at Desiree?

"Sigurado ka bang okay ka lang?" Untag ni tita Rebecca.

"Kinakabahan po kasi ako," pagtatapat ko.

"Wala kang dapat alalahanin, Destly. Basta maging handa ka lang at siguradong magiging maayos ang lahat."

Muli ay tumango ako sa kanyang tinuran.

Nagtungo kami sa library na nasa basement, doon raw namin gagawin ang ritwal para makabalik ako sa nakaraan at may mga mahalagang bagay lang raw siya na kailangan ibilin sa akin.

"Tandaan mo hija, wala kang babaguhin sa kahit na anong sitwasyon na dadatnan mo sa nakaraan. Sasabay ka lamang sa agos, dahil ang misyon mo ay tuklasin ang pagkawala ni Ralph at hindi upang baguhin ang mga bagay na naganap na. Lahat ng mga pangyayari na iyong masasaksihan ay bahagi ng isang tunay na kwento kaya wala kang dapat pakialaman," importante niyang bilin sa akin.

"Opo, tita Rebecca. Naiintindihan ko."

"Mainam. Nasabi ko na sa'yo na dapat ay makabalik ka sa kasalukuyan bago maupos ang kandilang itim dahil kung hindi, kamatayan ang magiging kapalit nito," mariin niyang turan sa akin.

Tumango lamang ako bilang pagsang-ayon.

"Kung gayun, umpisahan na natin ang ritwal," nakita kong inilabas niya ang itim na kandila mula sa loob ng baul.

"Hawakan mo ang kamay ko at pumikit ka," sinunod ko agad ang kanyang mga sinabi.

"Ikaw, Destly Mariano, ang siyang inatasan sa panahong ito para maglakbay sa nakaraan upang tuklasin ang lihim na nakabalot sa pagkawala ng kapatid kong si Ralph, nasa kamay mo ang kanyang magiging kapalaran sa hinaharap," binitawan ni tita Rebecca ang mga kamay ko kaya napadilat ako.

"Sisindihan ko na ang kandila, ipikit mo lamang ang iyong mga mata."

Ginawa ko ang kanyang mga sinabi kaya muli akong pumikit.

"Ang ningas ng kandilang itim ang siyang magdadala sa'yo pabalik sa kahapon. Tandaan mo na sa misyon na ito nakasalalay ang pag-asa ng kasalukuyan at kapag nabigo ka, kamatayan ang magiging kabayaran," biglang lumukob sa akin ang kakaibang kilabot matapos bitawan ang mga huling salitang kanyang tinuran.

"Pagmulat mo ng iyong mga mata ay nasa taong 1998 ka na, dalawampung taon bago mag-2018 bilang si Desiree Aquilles," pagkaraan noon ay nakaramdam ako ng mabigat na pwersa na tila humahatak sa aking diwa sa kung saan at hindi ko magawang labanan.

Soulmate From The PastTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon