Wattpad Original
Ito na ang huling libreng parte

Chapter 7

118K 4K 3.9K
                                    

< Kuen Lacrosse Pereseo >

"HIHINTAYIN BA kita o susunduin?" tanong ni Kuya Picolo nang inihinto ang ginamit na motor sa gilid ng kalsada.

Siya ang mekaniko ni Bossing sa talyer. Pinakiusapan ko lang na ihatid ako. Bike lang ang kaya kong imaneho. Kung magcocommute naman, hassle. Nagpapapuno pa ang jeep ng mga pasahero. Kung motor, kinse hanggang biente minutos lang ang biyahe galing sa 'min.

Tumanggi ako. "Mauna ka na, Kuya. Walang bantay sa talyer." Bumaba ako't naglakad palapit sa police station.

"May pamasahe ka?" Sininyasan ko lang siyang umalis na. Hindi ko na rin naintindihan ang pahabol. "Sino ba nasa police station? At 'yang helmet, Kudos."

Kinagat ko ang labi habang tinatanaw ang station. Kailangan tumawid sa kabilang street. Hinintay kong pumula ang stoplight. Makikisabay sa nagkukumpulang tao na tatawid sa pedestrian lane.

Maraming tao. Maraming sasakyan. Traffic. Biyernes at lagpas alas-syete pa lang ng gabi. Rush hour. Uwian.

Nag-aagaw ang lamig ng hangin sa mga usok at mainit na singaw ng mga makina ng sasakyan. Humahalo sa hindi ko maipaliwanag na nararamdaman. Umaapaw nga lang ang takot at kaba.

Galing ako sa kaliwa. Ilang hakbang na lang ang layo ko nang lumabas ang isang lalaki sa istasyon. Malaking bulas. Nakasuit. Matikas ang tindig. Moreno. Aristokrato ang datingan. Bahagyang nakadikit ang mga kilay. Mukhang strikto. Hindi na yata binata pero hindi naman gano'n katanda.

Kasunod ang dalagang maiksi ang naghahalong itim at blonde na buhok. Mestiza. May dugong banyaga. Mukhang robot dahil wala akong emosyong nababasa. Diretso lang ang tingin. Hindi katulad ng lalaking sinusundan na halatang nagpipigil ng ngitngit at nagtatangis ang mga ngipin.

Lumiko sila sa kanan. Suminyas ang lalaki. May humintong itim na van sa kanilang harapan. Sasakyan na kung pagsasamahin ang lahat ng kita nina Bossing at Master sa talyer at palengke, hindi yata kami makakabili. Lumabas ang driver at pinagbuksan sila ng pinto sa likuran.

Natigil ako sa paglapit nang lumabas ang pamilyar na pigura mula sa istasyon. Humahangos na humabol sa kanila pero paika-ika. Buhok pa lang, at biglaang pag-aalburuto ng puso ko... kilala ko na.

"Sir, sandali lang po..." Humawak siya sa braso ng lalaki.

Tinabig siya nito. Malakas. Muntik na siyang mapaupo. Pero napasandal siya sa isang trashcan na mukhang maraming basurang laman.

Nakng!

Napatiim ako ng bagang. Pasunod na nang may humatak sa 'kin pabalik.

"'Wag, Boy!" Nilingon ko si Shield na may babala sa mga mata. Nandito pa pala siya. Akala ko umalis na nung binabaan ako ng tawag. "Tatay 'yan ni Train."

Umalpas ang kaba sa lalamunan ko. Biglaan ang pagbilis ng pulso. Tila bumigat ang hangin. Mahirap huminga. Bumalik ang titig ko sa lalaking nagsalita na napapalingon sa paligid. "Gumagawa ka ba ng eskandalo, Hija?"

Umiling-iling si AB. Yumuko. Mahina ang boses. "Hindi po, Sir. Gusto ko lang pong magpasalamat sa pagpiyansa n'yo po sa 'kin. Pero babayaran ko po kay--"

"May pangbayad ka ba?"

Hindi agad nakapagsalita si AB. Nagtatangis ang bagang ko sa pagtitimpi. "Kapag nakuha ko po 'yong sahod ko. Hulog-hulugan ko na lang po hanggang tatlong buwan, Sir."

"Hindi. Bayad ka na," maawtoridad na sambit nito. "Basta layuan mo lang ang anak ko."

"Bakit po? Bakit po hanggang ngayon kailangan kong lumayo?" Ngumiti siya. Pilit. Hindi umabot sa mga mata niya. Maski ang tinig pinipilit maging matatag. "Sinunod ko naman po ang gusto n'yo. Iniwasan ko po ang anak n'yo. Kung ano-anong masasakit na salita ang sinabi ko, para lang layuan niya ako. Matagal ko po siyang iniwasan. Magmula High School dahil iyon ang gusto n'yong gawin ko. Nirespeto ko po 'yon, ginawa ko, kasi ikaw po ang ama niya. At sabi n'yo rin po, kapag lumayo ako, magiging masaya siya. Pero bakit po gano'n? Bakit hindi po siya masaya?"

icon lock

Ipakita ang iyong suporta para kay Chix🐣, at magpatuloy sa pagbabasa ng kuwentong ito

ni Chix🐣
@chiXnita
Sequel/Book 2 (The MAIN STORY) of Love at First Read. Ano ang gagawin...
I-unlock ang bagong parteng ito o ang buong kuwento. Anupaman, ang iyong Coins ay makatutulong sa mga manunulat na kumita mula sa mga paborito mong kuwento.

Ang kuwentong ito ay may 39 natitirang bahagi

Tingnan kung paano masusuportahan ng Coins ang iyong mga paboritong manunulat gaya ni @chiXnita.
Targets of Destiny (Pereseo Series #1.5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon