Chapter 4

62 31 0
                                    

Alexis

Paakyat na ako sa itaas upang magpahinga, hindi na siguro ako maghahapunan. Sina Janice at Gianne ang naatasan kong magluto sa aming pananatili dito sa Villa kaya naman okay lang na mauna na akong magpahinga.

Mayroong dalawang palapag itong Villa. At sa pangalawang palapag ang aming mga kwarto. Pagkaakyat sa isang grand stairway tatambad ang mahabang hallway kung saan nakahanay ang mga kwarto. Mayroong walong kwarto itong Villa na nahahati sa kaliwa at kanang bahagi. Masasabi kong ganito dahil napagigitnaan ito ng walong switches ng mga ilaw. At ang mga ilaw na ito ay nasa tapat ng bawat kwarto.

Sa kaliwang bahagi ang kwarto ng mga babae habang sa kabila naman ang mga lalaki.

Magkakasama sa unang kwarto sina Stacey, Emma at Cassey. Sa kasunod naman nitong kwarto ay sina Lorraine at Mindy habang sina Janice at Gianne naman ang sa pangatlo. Samantalang wala namang umuukupa sa panghuling kwarto.

Papasok na ako sa aking silid ngunit bigla akong nakaramdam ng pananakit ng ulo.  Marahil dahil lang ito sa pagod. Inayos ko ang suot kong salamin habang napaisip ng pwede naming gawin sa buong araw para masulit ang aming bakasyon dito.

Tumuloy ako sa aking kwarto at agad na humiga. Si Gregory ang kasama ko sa kwarto. Ngunit wala pa sya dito ngayon. Malamang ay nag ikot ikot muna sya sa paligid. Habang sa katabi namang kwarto ang kina David, Khris at Matt. Pero dahil sa nangyari kanina malamang lumipat na ng kwarto si David.

Sa pangatlong kwarto naman namamalagi Nathan. Hindi namin pinagplanuhan kung saang kwarto kami matutulog. Basta pagkarating namin dito ay nag kanya kanya na kami ng pasok sa mga kwartong nandirito.

Wala din naman akong problema na magkasama kami ni Gregory. Sa katunayan ay nagagalak akong may kasama ako dito sa kwarto at kahit papaano ay may makakausap ako.

Madaldal din si Gregory. Masayahin at palabiro. Kung minsan ay napagkakamalan nga syang bakla ng mga kaklase namin dahil sa mga expressions nya. Sinasabi nga nilang napakaganda daw nya kapag naging babae, maputi kasi sya, matangos ang ilong at maliit ang mukha. Medyo payat din ito kaya naman bagay na bagay talaga syang maging babae. Natatawa na nga lang ako kapag naiisip ko yun.

Malawak ang bawat kwarto ng Villa, may sariling banyo at malalaking closet. Magkalayo din ang kama namin ni Gregory. Nakaposisyon ang kama ko malapit sa bintana. Masisilayan ang silangan at ang isang napakagandang tanawin ng mga kalapit na burol. Luntian at buhay na buhay ang kakahuyan. Mapapamahal ka talaga sa kalikasan habang nakatitig ka dito. Kahit papaano ay nakatutulong ang napakagandang tanawing ito upang makapagrelax ako sa kabila ng mga iniisip.

Nasa kabilang dulo naman ang kama ni Gregory. Kaya naman nasisilayan nya ang araw na humahalik sa mga bundok habang lumulubog ito sa kanluran.

Inayos ko ang aking salamin at ginawang komportable ang sarili sa pagkakahiga sa aking kama. Marami nang nangyari sa araw na ito. Nararapat lamang na magpahinga muna ako. Ipinikit ko ang aking mga mata at hinayaang manaig ang aking antok.
.
.
.
.
.

Nagising ako na madilim ang paligid. Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Nawala na rin ang nararamdaman kong sakit ng ulo. Inayos ko ang aking salamin at iniikot ang paningin pero parang hindi ito ang kwarto ko.

Hindi ko alam kung bakit pero biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Hindi pamilyar ang paligid at hindi ko mawari kung saan ang lugar na ito at kung paano ako nakarating rito. Muli akong napatingin sa paligid upang maghanap ng malalabasan ngunit nabigo ako. Parang sarado ang buong lugar.

Kaya naman wala na akong magagawa kundi ang maglakad at magbakasakaling makalabas dito. Ilang hakbang lang ang aking tinahak ngunit agad rin akong napatigil nang makarinig ako ng boses ng mga kalalakihan.

Mas lalo pang bumilis ang pagtibok ng puso ko at nanginginig narin ang aking tuhod. Subalit kailangan kong lakasan ang loob ko. Tinungo ko ang pinagmumulan ng boses at sa hindi kalayuan ay may nakita akong tatlong lalaki habang may ginagapos silang isang binata. Dahan dahan akong nagtago sa kalapit na pader upang hindi nila ako mapansin.

"Tama na. Tigilan nyo na ako"

"Isang sapak na lang, tapos na kami sayo. Hahahaha"  sabi ni Matt.

Hawak nina Matt at David sa magkabilang braso ang isang lalaki na puno ng pasa ang mukha.

Nagulat ako sa aking nasaksihan. Sa pagkakataong ito ang takot ko ay agad na napalitan ng galit.

"Khris tama na yan!" hindi ko na napigilan ang aking sarili at agad na sinaway si Khris na nag aamba na naman ng suntok sa lalaki.

Lalo lang namang nag-init ang ulo ko nang tila hindi nila narinig ang sigaw ko.

"Matt, David! Ano ba?" muli kong sigaw. Ngunit hindi parin nila ako pinapansin.

Sinubukan kong mag isip kung ano ang pwede kong gawin hanggang sa namalayan ko na lang na sumusugod na ako patungo sa mga kaklase ko.

"Khris! Hindi nyo ba ako naririnig?" muli kong pagtawag sa kanya.

Nahihiwagaan ako sa nangyayari pero ipinag walang bahala ko na lang ito. Pinagpatuloy ko na lang ang pagtakbo. Pero parang may mali talaga. Wala na akong sinayang na oras at lalo pang binilisan ang takbo pero lalo atang lumalayo sina Khris mula sa kinaroroonan ko.

"Khris ! Tama na!!"  

Nagising ako at agad na bumangon mula sa hinihigaan. Mabilis ang aking bawat paghinga na parang bang tumakbo ako ng napakalayo. Namalayan ko na lang na sobrang hiningal na ako.

Dali dali kong iniikot ang tingin sa paligid at napagtantong nasa kwarto lang pala ako. Panaginip lang pala ang lahat.

Inayos ko ang suot kong salamin at kinalma ang sarili. Marahil nadala lang talaga ako sa kwento ni David sa kanila. Parang totoo talaga ang mga pangyayari. Sa isang saglit ay inakala kong nandoon talaga ako sa lugar na iyon.

Bigla naman akong naguluhan sa mga nangyari. Ano kaya ang dahilan kung bakit humantong sa ganoong pangbubugbog  sina Khris?

Ganun ba talaga kasama ang mga ito na kaya nilang gumawa ng mga ganoong bagay? At ano pa kaya ang kaya nilang gawin sa mga kaaway nila?

At higit sa lahat si Khris lang ba talaga ang may tinatago?

Bumalik naman ang aking kaba sa posibleng mangyari kapag nagkataon. Hindi ko pa pala talaga kilala ang aking mga kaklase. Pero bilang isang presidente ng klase alam kong responsibilidad ko ang kaligtasan ng lahat .

The Villa Monica IncidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon