11: Ang Kapangyarihan ng Itim

816 43 1
                                    

CARMENCITA
KABANATA 11: ANG KAPANGYARIHAN NG ITIM

NAPALUHOD si Romuel sa lupa. Sinabunutan niya ang kanyang buhok sa ulo. Parang binibiyak ng isang matalim na tabak ang kanyang bungo.

"Aaahhh... aaahhh..." sigaw siya nang sigaw. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang nararamdaman.

Ang sakit mula sa kanyang ulo ay gumapang sa kanyang sikmura. Siya ay nagsuka nang nagsuka. Tumutulo ang kanyang laway sa bibig. Wala siyang ibang maramdaman kung hindi ang matinding sakit na sumasakop sa kanyang buong kalamnan. Kinalkal niya ang basang lupa gamit ang kanyang kamay. Tila ba siya ay nababaliw. Tumayo siya at binabangga niya ang kanyang katawan sa mga puno na nasa paligid.

"Aahhhh..." muling sigaw niya.

Para siyang isang mabangis na hayop kung magwala. Nilalabanan niya ang misteryong bumabalot sa kanyang katawan. Ngunit, siya ay biglang natahimik nang tuluyan ng maging itim ang kanyang mga mata. Wala siyang maramdaman.

Nag-iba ang itsura ng paligid habang siya ay tulala. Madilim na madilim. Mainit. Walang hangin. Kusang humakbang ang kanyang mga paa papunta sa isang maliit na butas. Nagpatuloy ang kanyang mga paa sa paglalakad hanggang siya ay nahulog sa butas.

Samantala, naiwan na nakatayong mag-isa si Carmencita sa kagubatan. Lumuluha ang kanyang mga mata. Dahil sa pagtaboy niya kay Romuel. Ang hindi niya alam ay nasa panganib na ang binata. Ito ba ay kagagawan ni Lucid?

"Carmencita," narinig ng dalaga ang boses ni Lucid.

"L—lucid," ganting tawag ni Carmencita.

"Carmencita!" sigaw ni Renato. Hinihingal ito mula sa kanyang pagtakbo. Kaagad niyang niyang niyakap si Carmencita.

"Ama—"

"Buti ligtas ka anak ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag may nangyaring masama sa 'yo," pag-alala ni Renato sa kanyang anak. Atsaka na siya kumawala sa pagkakayakap.

"Nasaan na ang binata?"

"Wala na po siya, ama. Umalis na si Romuel."

"Tama ang naging desisyon mo, anak. Hindi siya nararapat sa lugar na ito. Alam kong naiintindihan mo ang nais kong ipahiwatig. Para na rin sa kapakanan niya."

"Naiintindihan ko po, ama. Ayaw ko siyang mapahamak nang dahil sa akin. Marami siyang naitulong sa akin at higit sa lahat minahal niya ako ng totoo," malungkot na sagot ni Carmencita.

"Hayaan mo na anak, mas maayos ang buhay mo kung tayo lang dalawa. Nakakatakot lang isipin na baka may makaalam na buhay ka at ang lahat ng taong nakapaligid sa 'yo ay mapapahamak."

"Kung ganun, ama. Kailangan niyo rin lumayo sa akin."

"Hindi anak, hindi kita iiwan kahit buhay ko pa ang kapalit. Matanda na ako at alam kong hinihintay na rin ako ng iyong ina," ngiting sabi ni Renato kahit bakas sa kanyang mga mata ang kalungkutan.

"Ako ba ang pinag-uusapan ninyo?" biglang sulpot muli ni Romuel.

"R—romuel?"

Hindi sumagot ang binata, isang pilyong ngiti ang kanyang pinakita.

"Ano pa ang ginagawa mo dito, binata? Umalis ka na sa lugar na ito," utos muli ni Renato.

"Huwag kang makialam, tanda. Kung gusto mo akong umalis dito sa lugar na ito, isasama ko si Carmencita. Matagal ko na rin siyang gustong kunin mula sa inyo," seryosong sagot ni Romuel. Nagulat si Renato sa pagkawalang-galang ng binata. May nararamdaman itong kakaiba kay Romuel. Atsaka naisip ni Renato si Lucid.

"H—hindi kaya ikaw si..."

"Umalis ka na, Romuel. Hindi ko palalampasin ang ginawa mong pambabastos sa aking ama. Bakit ka pa bumalik?" si Carmencita na ang nagsalita.

"Aalis ako pero isasama kita, Carmencita!"

Nakakatakot na halakhak ang binitawan ni Romuel. Humakbang ang kanyang mga paa palapit kay Carmencita. Nang marating niya ang kinatatayuan ni Carmencita, kinaladkad niya ang dalaga.

"Bitawan mo ako!" sigaw ni Carmencita.

"A—anak..."

Mabilis kumilos si Renato, kumuha siya ng isang bato at binato niya kay Romuel. Tinamaan ang ulo ng binata at nagdugo. Kahit nasagutan ang ulo ni Romuel, hindi man lang ito nakaramdam ng pagkahilo. Ngumiti pa ito.

"Sinabi ko nang huwag kang makialam, tanda!"

Sa isang kumpas ng kanyang kamay, tumilapon ang katawan ni Renato sa lupa. Tumama ang ulo ni Renato sa isang malaking bato at naging malaki ang dulot nitong pinsala. Maraming dugo ang lumalabas.

"A—ama... ama!" sigaw ni Carmencita. Gusto niyang lapitan si Renato, ngunit mahigpit ang hawak ni Romuel sa kanya.

"A—anak," pilit inaabot ni Renato ang kanyang kamay kay Carmencita.

"Bitawan mo ako, Romuel! Bitawan mo ako!"

"Kung iyan ang nais mo, masusunod Carmencita. Pagmasdan mong mawalan ng buhay ang iyong ama," sagot agad ni Romuel at humalakhak ito. Nagmadali si Carmencita na tumakbo sa kanyang ama.

"Ama, l—lumaban ka. Parang awa mo na, ama!" nagmamakaawa si Carmencita habang buhos ang kanyang luha. Ngunit, sa tindi ng tama ng ulo ni Renato, sa sobrang dami ng dugo ang lumalabas, parang hindi na niya kayang mabuhay. Hinaplos na lang niya ang pisngi ni Carmencita, dahil hindi na niya kayang magsalita.

"Ama, hindi... huwag mo akong iiwan!" iyak nang iyak si Carmencita. Panay ang yakap niya sa kanyang ama.

"Tama na 'yan, sumama ka na sa akin at mamamatay na rin ang iyong ama."

"Ikaw! Hayop ka!" sigaw ni Carmencita. Susugurin sana ni Carmencita si Romuel, ngunit pinigilan ni Renato ang anak gamit ang natitira niyang lakas. Nakikita na rin ni Renato ang kanyang asawa. Ngunit pilit pa rin lumalaban si Renato dahil nasa kapahamakan pa ang kanyang anak.

Nang biglang lumakas ang hangin. May maraming maliliit na liwanag ang lumitaw sa harapan ni Carmencita at Renato. Hanggang sa naging anyong nilalang. Kahit nakatalikod ito, nakilala siya ni Carmencita.

"L—lucid," bigkas ng mga labi ni Carmencita.

"Hindi ba ang sabi ko sa 'yo tawagin mo ako kapag ikaw ay nasa panganib," sagot ni Lucid kahit siya ay nakatalikod.

"Inaasahan ko ang paglitaw mo, Lucid. Mahal kong kapatid!" pagbati ni Romuel. Nagulat si Carmencita sa kanyang narinig.

"Umalis ka sa katawan ng mortal na 'yan. Bakit mo ginagawa ito?"

"Akala mo ba ikaw ang dapat maluklok sa trono. Carmencita hindi mo ba alam na ginagamit ka lang nito dahil—"

"Tumigil ka! Hindi ko ginagamit si Carmencita. Kung gusto mo ang trono sa 'yo na. Lisanin mo ang katawan ng binatang iyan at ikaw ay magbalik sa ating kaharian."

"Sino ang nililinlang mo aking kapatid. Kukunin ko pa rin si Carmencita."

"Hindi mo magagawa iyon dahil ako ang iyong makakalaban. Hindi trono o kapangyarihan ang habol ko. Ang gusto ko ay pag-ibig," gigil na sabi ni Lucid.

"Isa kang hangal! Walang pag-ibig sa ating kaharian. Alam mong iba si Carmencita. Alam mong may taglay siyabg kapangyarihan na lalong magpapalakas sa 'yo kaya mo siya—"

"Ama!" biglang sigaw ni Carmencita. Binawian na ng buhay si Renato. Sumuko na si Renato dahil naramdaman niyang hindi pababayaan ni Lucid si Carmencita.

ITUTULOY...

*****
NO PLAGIARISM
All rights reserved - Copyright 2018
Isinulat ni: MC27 (MysteriousCharm27)

Immortals - CARMENCITA (Season 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon