Libo: Trenta Minutos

78 1 0
                                    

            Si Korbin Tagle. Isa sa mga pinaka suwerteng kabataan sa ating henerasyon. Di naman sila mayaman, ngunit may kaya sa buhay. Natutustusan ng mabuti ang kanyang pag-aaral, pagkain, damit at tirahan. Naibibigay naman sa kanya ang kanyang gusto kapag siya ay may kailangan.

            Sa kabila ng ganitong sistema sa kanilang buhay, may ugali si Korbin na hindi maganda sa paningin ng iba. Napaka spoiled na niya, napaka-salbahe, tamad mag-aral, puro kalokohan ang nasa isip, at masyadong mayabang sa ibang tao. Marami na ang naiinis sa kanya, pero imbes na damdamin ito ni Korbin, natutuwa pa siya dahil ang alam niya, kapag mas lalong may naiinis sa kanya, mas lalong nakikilala ang pangalan niya.

            Kasama niya sa buhay ay ang kanyang ina, si Rita Tagle. Isa sa mga pinakamabait naman na nanay na talagang hihilingin ng iba. Binibigay niya kasi agad sa anak niya ang mga gusto nito, lalo na sa mga luho nito sa gamit at damit. Walang reklamo dito si Rita dahil gusto niyang makitang masaya ang anak. Ngunit kapalit ng kabaitang ito, ang ay pagsagot at pagbastos sa kanya ng kanyang anak. Kapag di kasi naibibigay ni Rita ang gusto ni Korbin, naiinis na ito at kung ano-anong sinasabing masasama sa ina. Naintindihan naman ni Rita ang ganitong ugali ng anak; nagsimula kasi ito pagkatapos mamatay ang pinakamamahal na ama ni Korbin. Pinipilit ni Rita na punan ang nawawalang imahe ng ama, ngunit kahit anong subok niya, di parin ito mapapantayan ang tatay na hinihiling ni Korbin. Ayaw narin kasi ni Rita na mag-asawa muli dahil itinataboy naman ito palayo ng anak.

            “Ma pahingi nga isang libo!” sigaw ni Korbin sa nanay habang busy itong manood ng t.v.

            Di na umangal pa si Rita at ibinigay naman agad ito sa anak.

            “Wag mo sanang gagastusin agad yan bigla-bigla ah?”

            “Ano bang pakialam mo kung gagastusin ko to?” tanong ni Korbin.

            Di sumagot si Rita.

            Pagkatapos manood ay pinatay na ni Korbin ang telebisyon. Agad niyang kinuha ang bag niya at umalis ng bahay upang pumasok sa eskuwelahan. Mahigit isang oras ng late si Korbin, pero para sa kanya, wala siyang pakialam.

            Sumakay siya ng tricycle at ibinayad ang isang libo niyang pera.

            “Ay boy! Wala kaming barya,” sabi ng driver.

            Napakunot ng noo si Korbin.

            Bumaba agad siya ng tricycle at nagpapalit. Mukhang napatagal ang pagpapalit niya ng pera dahil bente at singkuwenta ang pinampapalit ng tindera. Nainip na ang driver sa kanya at umalis na. Sakto naman at natapos nang magbilang ang tindera. Naghintay nalang siya ulit ng bagong tricycle, at ng may huminto sa harap niya at sumakay siya agad. Inabot niya ang bente sa driver.       

            “Siguro naman po, may barya kayo sa bente no?” tanong ni Korbin.

            Same as old days parin ang gawain ni Korbin sa paaralan. Di siya nag-aaral, kumukopya nalang kapag may quiz, o minsan, kinukuha niya ang mga takda ng kanyang mga classmates at yun ang pinapasa niya bilang pagmamay-ari niya. Minsan pa nga, natulog lang siya sa buong klase at walang natutunan. Hanggang sa mag-uwian na at inimbitahan niya ang mga barkada niya na magcomputer.

            Pagkauwi niya, ay pinagbuksan siya ng pinto ng kanyang nanay. Mukhang napagabi at napasarap ang laro nilang magkakaibigan dahil halata sa mukha ni Rita ang pag-aalala. Di siya pinansin ni Korbin at dumaretso agad sa kuwarto; inilapag ang bag sa higaan, binuksan ang computer at naglaro ulit. Hanggang sa kinabukasan ay paulit-ulit niya itong ginagawa. Para na siyang zombies na kain, tulog lang ang trabaho sa bahay hanggang sa eskuwelahan. Kahit na bumaba rin ang grades niya sa paaralan, wala siyang pakialam.

PolaroidWhere stories live. Discover now