CHAPTER FOUR

1.4K 38 0
                                    

"LENA! Sabihin mo sa kanila sa kitchen, dalawang order ng student meal number 2!" walang kangiti-ngiti na utos sa assistant niya.

"Okay po," mabilis na sagot ni Lena at agad na tumalima. Pagkatapos magbayad ng dalawang estudyanteng customer ay ang iba naman customer ang inaasikaso ni Angelina.

Tanghalian iyon at ordinaryong araw kaya maraming tao doon sa Eatery niya. Madaling araw pa lang ay gising na siya at abala sa pagluluto. Ang kaibahan lang ngayon, mas napadali ang trabaho niya dahil katulong na niya si Andrew sa gawain. Noong una ay pinipigilan niya ito, ngunit hindi naman ito nagpatalo. Nasanay na kasi si Angelina na mag-isang kumilos. Pero hindi nagpatalo si Andrew at giniit na gusto nitong tumulong. Nagulat pa siya kung gaano ito kabilis kumilos at kung paano nito nalaman ang mga sahog sa lulutuin niya. Natatandaan pa niya ang sinagot nito.

Ikaw na ang araw-araw magbantay sa'yo. Siyempre makakabisado ko na ang niluluto mo, sagot nito.

Aaminin ni Angelina. Malaking tulong si Andrew sa buhay niya. Pakiramdam niya ay na-divert kahit paano ang kanyang atensiyon. Kahit na anghel ito, makulit din ito madalas. Di umubra dito ang pagiging masungit niya. Kaya tuloy minsan ay lihim na lang siyang natatawa. Hindi gaya noon paggising niya sa umaga at sa gabi bago matulog, puro problema pa rin ang nasa isipan niya.

Mula sa kusina ay lumabas si Andrew, sinulyapan lamang niya ito saka muling inasikaso ang customer na bagong dating.

"Hi Angge, isang order na menudo ulit. Alam mo naman na paborito ko iyon sa lahat ng niluluto mo," sabi pa nito. Ito ang jeepney driver na panay ang palipad hangin sa kanya.

Gaya ng dati, walang emosyon niya itong tiningnan at hindi sumagot sa sinabi nito.

"Ang suplada mo talaga, paano kita liligawan kung ganyan ka?" sabi na naman nito.

"Tanungin mo muna kung gusto kong magpaligaw," pasimple niyang pagtataray.

Iaabot na lang niya ang isang mangkok na may laman ng ulam na inorder nito. Bigla siyang hinawakan ni Andrew sa braso kaya napalingon siya sa binata. Kinuha nito sa kanya ang mangkok at saka hinila siya nito paatras kaya napunta siya sa likod ni Andrew.

"Liligawan mo siya? Hindi ba may asawa't anak ka sa probinsya n'yo? Bukod pa 'yong girlfriend mo doon sa kabilang bayan. Tapos gusto mong ligawan si Angge?" pormal na sabat ni Andrew.

Hindi nakakibo ang lalaki at umiwas ng tingin kay Andrew. "Wa-wala ah, saan mo ba nasagap ang balitang 'yan?" tanggi pa nito.

"Talaga? Ibig sabihin, sinungaling ako? Gusto mong banggitin ko ang pangalan ng asawa't anak mo?" banta ni Andrew.

"Teka nga, si-sino ka ba? Boyfriend ka ba ni Angge? Pa-paano mong nalaman 'yon?" nagtatakang tanong ng lalaki. Halata sa mukha nito ang labis na pagkagulat. Sa mga ganoon na pagkakataon, hindi pa rin maiwasan ni Angelina na mamangha kung paano nalalaman ni Andrew ang lahat. Sa ordinaryong pagkakataon kasi, parang normal na tao lang ang binata. Marahil, sa tinagal nito na nagbabantay sa kanya. Napag-aralan na rin ni Andrew ang kilos nilang mga tao. Kaya hindi na rin ito nahirapan. Pero minsan, hindi pa rin siya makapaniwala.

Parang may tumalon sa puso ni Angelina nang biglang hawakan ni Andrew ang kamay niya. Hinintay niyang sumagot ito ng oo ngunit hindi naman ito nagsalita. Napatingin ang lalaki sa kamay nilang magkahawak, pagkatapos ay nagmamadaling kinuha ang order nito mula kay Andrew, pumunta sa may mesa nito at tahimik na kumain.

Ang simpleng pagtalon ng kanyang puso ay nauwi sa kaba ng humarap na ito

sa kanya at saka sinalubong siya ng ngiti na umabot sa mga singkit na mata nito. Dapat ay umiiwas na siya ng tingin, ngunit natagpuan pa rin niya ang sarili na nakatingin sa magandang mata ni Andrew.

The Messenger's Trilogy Book 1: Surrender to an AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon