CHAPTER FIVE

1.3K 40 0
                                    

HINDI maiwasan ni Andrew ang mapangiti habang pinagmamasdan ang himbing na natutulog na dalaga. Maingat niyang hinaplos ang tuwid at kulay itim na mahabang buhok nito. Sa bawat segundo na nakamasid siya sa maamo at magandang mukha ni Angelina, lalong lumalakas ang tibok ng puso niya. Noong hindi pa siya nagpapakita sa dalaga, nakagawian na niya na titigan ang kulay tsokolateng mga mata nito. Dati ay naiisip niya, ano kaya ang pakiramdam kapag pinisil niya ang matangos nitong ilong. At ngayon nga na naroon na siya at nakakasama ito, hindi maipaliwanag ni Andrew ang saya dahil nagagawa na niyang haplusin at maramdaman ang makinis at namumulang pisngi ng dalaga. At ngayon na wala itong malay, naisip niya, ano kaya ang pakiramdam ng tinatawag ng mga tao na "halik"? Napatingin siya sa kulay pulang labi ng dalaga, kung mararanasan man niya ang salitang iyon, gusto niya ay si Angelina ang una niyang mahalikan.

Nang masiguro ni Andrew na nakatulog na si Angelina. Nag-desisyon siyang lumabas muna ng bahay para magdasal at kausapin ang kanyang Big Boss in heaven. Eksaktong pagsarado niya ng pinto ay natigilan siya. Kahit hindi pa siya lumilingon, alam ni Andrew at nararamdaman niya na may anghel sa paligid. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya, huminga muna siya ng malalim bago humarap.

Pagtingala ay nakita ni Andrew na nakalutang sa hangin si Michael, ang kanyang superior. "Michael," usal niya.

Agad itong ngumiti sa kanya at bumaba. Matapos makatapak nito sa lupa ay lumapit ito sa kanya.

"Kumusta ka na, Andrew?"

"Maayos naman ako," nakangiting sagot niya.

"Nakikita ko nga. Palagi akong nakamasid sa inyong dalawa ni Angelina," wika nito.

"Salamat. Bakit ka nga pala nandito? Kailangan ko na bang bumalik sa langit?" tanong niya.

"Hindi pa naman. Pero nandito ako para paalalahanan ka," ani Michael.

Unti-unting napalis ang ngiti ni Andrew. Parang alam na niya ang ibig sabihin ni Michael.

"May nagawa ba akong labag sa utos ng Panginoon?" tanong pa niya.

"Alam ko na alam mo ang tinutukoy ko. Ang damdamin mo para kay Angelina," sagot ni Michael.

Bigla siyang napatungo at hindi agad nakapagsalita.

"Wala siyang alam," aniya.

"Andrew, hindi ka maaaring magpadaig sa personal na nararamdaman mo para kay Angelina. Hindi ka para dito sa mundo na ito, isa kang anghel at kapag nadaig ka ng pagmamahal mo para sa isang tao ay manganganib ka, ang kapangyarihan mo at puwede kang tuluyan maglaho sa mundong ito at mapaparusahan ka sa mundo natin. Alam mo ang puwedeng mangyari sa'yo, maglalaho ka pati sa kalangitan," ani Michael.

"Alam ko 'yon," mahina ang boses na sagot niya.

Tinapik siya ni Michael sa balikat kaya muli siyang napatingin dito, pagkatapos ay ngumiti ito sa kanya. "Hindi kasalanan ang magmahal. Gaya ng mga tao, nilikha tayo ng ating Panginoon na may puso at damdamin. Kaya lamang, hindi tayo para sa mundo na ito," paalala muli nito.

Marahan siyang tumango.

"Kaya hangga't maaga pa, tapusin mo na agad ang misyon mo. Nakikita ko na kay Angelina ang pagbabago, malapit na siyang bumalik sa dati kaya makakabalik ka na rin sa atin," aniya.

"Michael, hindi ba may mga anghel na rin ang mas pinili na maging tao?" hindi na nakatiis na tanong niya.

"Andrew, hindi lahat ng anghel ay maayos ang naging buhay dito sa mundo. Ang iba ay tuluyan nakakalimot at naliligaw ng landas. Ginagamit ng mga kaaway ang kahinaan nila bilang tao kaya hindi naging maganda ang buhay nila. Isa pa, alam mo na hindi madali ang proseso kung sakaling pagbigyan ka ni Supremo. Kaibigan kita. Ayokong mangyari sa'yo ang mga nangyari sa iba. Huwag kang magpadaig sa nararamdaman mo," sabi pa nito.

The Messenger's Trilogy Book 1: Surrender to an AngelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon