Fate

573 18 0
                                    

"Hoy bata! Magnanakaw ka 'no?"

"N-Naku hindi po. Hindi po." Nagtatakbo si Totoy palayo. Hinabol siya ng tindera. At dahil paslit pa, maliliit pa ang kanyang paghakbang. Kung kaya't naabutan siya ng babae. Namumukol pa sa bulsa ng bata ang mga ninakaw niyang mansanas.

Ang kanyang damit ay nahila ni ate. Halos masakal siya. Pero pumiglas pa rin siya. Para makatakas. Para sa munting pagkain na hapunan niya sana. Hapunan para kahapon. Dahil dalawang araw na siyang palaboy-laboy at nais lang naman niya ay malamnan ang kanyang tiyan.

"Magnanakaw ka! Ang bata-bata mo pa lang, makati na ang kamay mo!" Matalas ang kuko ni ate. Kaya ramdam ni Totoy ang sugat sa kanyang braso.

At nangyari na nahagip ni ate ang buhok niya. Nasabunutan siya, nasakal, napalo, nangudngod sa lupa. Kahit nasaktan, hindi ininda ni Totoy. 'Di bale nang masaktan ang katawan. Kung magiging kapalit naman nito ay magkalaman ang kanyang tiyan.

Patuloy siyang pumiglas. Ibig makawala sa mahigpit na hawak ni ate. Pinagtitinginan na sila ng maraming tao. Halos mapaos na si ate kakasigaw sa kanya. Doon na nanlaban si Totoy. Kinagat niya ng ubod lakas ang kamay ni ateng nakahawak sa damit niya. Minura siya nito at dinagukan sa ulo. Parang nahilo si Totoy. Subalit ang hilo na nararamdaman niya ay balewala. Basta lang makatakas siya mula kay ate. Kasi, gutom na siya. Gutom na gutom na siya.

Nakatakbo si Totoy. Nagpakalayo-layo kay ate. At sa isang sulok ng kalye, inilabas niya ang natira sa mga ninakaw niya. Isang pirasong mansanas. Ninamnam ang tamis niyon. Kailan nga ba siya huling nakatikim ng mansanas? Noong nabubuhay pa ang nanay niya. Kaso, wala na siya eh. At ang tatay naman niya, may kinasama nang ibang babae. Sa malas, ayaw sa kanya ng madrasta niya. Kaya pinalayas siya. At hanggang ngayon, wala siyang alam kung hinahanap siya ng kanyang ama.

Ang tamis at sarap ng mansanas ay panandalian lamang. Ngunit ang mga sugat, ang mga galos na braso ni Totoy, ang sakit sa kanyang leeg at ulo ay pangmatagalan ang epekto sa kanya. Hindi niya alam na ilang panahon na lang, kapag hindi nagbago ang buhay niya, pangmatagalan na rin siyang makakalimutan at mawawalan ng hininga.

Si Totoy ay halimbawa ng isang batang kalyeng nabuhay ng ilang panahon lamang. Epekto ng mga magulang na walang puso. Sabi nila, walang kasalanan ang mga magulang kung bakit lumaki ang mga anak nilang walang modo, walang kinikilalang mabuti at walang matinong kinabukasan. Sabi nila, lahat ng natututunan ng isang bata ay gawa ng kanyang kapaligiran. Dahil sa mga nakapalibot sa kanya. Dahil sa mga taong nakakasama niya sa kalsada.

Ikaw na magulang, nasaan ka ba? Hindi ba't isa ka sa nakapalibot sa kanya?

Bakit maraming batang nasa kalsada pa rin at nagiging palaboy? Bakit may mga Totoy na pinapalayas at hindi inaalagaan? Bakit may mga amang nag-aasawa pang muli nang hindi sinisino ang tunay na katauhan? Bakit may mga batang panandalian lamang na nabuhay pagkatapos ay masasaktan at wala rin namang patutunguhan?

A person's a person, no matter how small. That was Dr. Seuss once said.

Ikaw ate, nakita mo ang batang paslit. Alam mo ang gutom niya. Alam mo rin na mali ang ginagawa niya. Ngunit alam mo rin ba kung ano ang mga pinagdadaanan niya? Sana, ibinigay mo na lamang. Isang mansanas lang po ang makatitighaw ng gutom niya. Mali ang ginawa niya. Ngunit tama ba ang ginawa mo? Gaano ka kalaki ate kumpara sa kanya? Tao ka. Tao rin siya. Kung malulugi ka, kung tingin mo kinukunsinti mo ang kasalanan niya, kung ikaw ang nasa kalagayan niya at malaman mong may sakit siya, mapapatawad mo pa kaya ang sarili mo kapag nakita mo siyang nakahandusay na?

Wess Stafford, President Emeritus of Compassion International stated, "Every child you encounter is a divine appointment." Ang bawat bata na makatagpo mo ay isang banal na ugnayan. Every child you meet, rich or poor or whatever status they could be... is holiness, a blessing from up above so special like a reward and opportunities. May karapatan silang maging masaya. Karapatang mabuhay.

Sana lang, walang katulad ni Totoy na hanggang ngayon ay nakikipaglaban para mabuhay. Sana lang, may mga taong may puso pa para mapansin siya. Dahil si Totoy ay may karapatang mabuhay. At may karapatan na maging masaya.

~Mar Mojica

You Deserve to be HappyWhere stories live. Discover now