Kabanata 17

2.6K 94 0
                                    

"Ano'ng ginagawa mo rito, kuya?" tanong ni Dalia pagkagaling sa kusina. Iniabot niya ang hawak niyang orange juice kay Julius. Umisod ako ng kaunti papunta sa dulo ng sofa upang bigyan siya ng espasyo upang tabihan ako.

Ininom muna ni Julius sa kanyang orange juice bago nagsalita, "Tinanong ko kay Mama kung nasaan ka. Sinabi niya sa 'kin na nagpunta ka rito sa Catalina kasama si Carina."

"Kaya sumunod ka?"

"Nag-aalala ako dahil puro kayo babae rito sa bahay. Kaya mananatili muna ako rito hanggang bukas."

Nabigla ako. Hindi pwede! Paano ko na magagawa 'yong misyon ko kung nandito siya?

Nagtama ang mata namin. Ramdam ko ang pag-aalala at determinasyon niyang protektahan kami.

"Kuya, ang OA mo!" reklamo ni Dalia. "Kaya namin ang sarili namin. At saka, bukas ay aalis na rin kami. Hindi mo na kailangan pang mag-stay rito."

Ibinaba ni Julius ang basong hawak niya sa center table bago muling hinarap ang kapatid. "Kilala mo ako, Dalia. Kahit ano'ng sabihin mo, ako ang masusunod."

Walang nagawa si Dalia kundi bumuga ng hangin at taasan ng kilay si Julius.

"Julius apo?" boses ni Lola Esmeralda. Tumayo si Julius upang lapitan ang kanyang Lola at yakapin ito ng mahigpit. "Ang laki-laki mo nang bata ka. Sobrang bilis nga naman talaga ng panahon." nakangiting wika ni Lola habang pinipisil ng bahagya ang braso ng apo.

Ngumiti lang si Julius bago iginiya si Lola papunta sa sofa upang umupo at masahiin ang balikat. "Namiss mo ba 'to, Lola?"

"Haay. Matagal-tagal na ring hindi ako nakakatikim ng masahe mo. Ito talaga ang paborito ko kapag nandito ka." ani Lola.

"Kaya ko rin 'yan, Lola!" biglang sambit ni Dalia.

Tumawa sina Lola at Julius.

"Tumigil ka nga, Dalia. Sigurado akong mababali lang ang buto ko sa 'yo."

Nawala ang ngiti ng aking katabi. Napailing na lang ako.

Ilang saglit pa kaming nag-kwentuhan hanggang sa dumating si Nene. Nabigla kaming lahat nang makitang kasama niya si Aling Salve. Bumaba agad ang tingin ko sa binti niyang nababalutan ng benda.

Nag-aalalang tumayo si Lola upang lapitan si Aling Salve at suriin ang sugat nito. "Jusmiyo! Ikaw ba ang na-hostage kanina sa kapehan?"

Napatingin muna sa 'kin si Aling Salve bago muling ituon ang atensyon kay Lola. "H-Hindi po. Nadapa lang po ako kanina sa bayan dahil sa dami ng tao." pagsisinungaling niya.

Hindi pa rin nawala ang pangamba sa mukha ni Lola Esmeralda pero mukhang nakumbinsi siya ni Aling Salve dahil hindi na siya nagtanong pa. Inalalayan na lang niya ito papunta sa sofa upang maupo. Itinabi niya ito sa 'min.

"Ano'ng sadya mo rito, Salve?" tanong ni Lola na ngayo'y katabi si Julius.

"Ah, Lola Esmeralda.." Napatingin kaming lahat kay Nene. "Pwede po bang dito muna si Aling Salve manatili? Mainit po kasi ang ulo ni Donya Victoria ngayon kaya baka mapagbuntunan niya lang ito."

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Lola. Napatingin muna siya sa 'min ni Dalia bago muling tignan si Aling Salve at nagsalita, "O sige pero bukas dapat umuwi ka na sa inyo, ha. Walang kasama si Donya Victoria sa bahay niya kapag hindi ka umuwi."

Tipid na ngiti lang pinakawalan ni Aling Salve. Inakbayan naman siya ni Dalia at marahang hinaplos ang balikat.

Mayamaya pa'y dinala na siya ni Nene sa kwarto nila. Wala silang choice kundi mag-share sa isang kwarto dahil nandito si Julius.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon