Kabanata 34

1.9K 86 6
                                    

Nagmadali ang lahat kunin ang kani-kanilang gamit habang ako nama'y tumutulong mag-impake sa mga gamit nila Sofia.

Walang kibuan. Wala ni isa ang nagsasalita. Tanging iyak ng mga bata lang ang maririnig. Sa mga nakikita ko, mas lalong nangingibabaw sa aking puso ang galit. Galit sa nangyayari sa bayan namin. Galit sa mga taong nasa likod ng lahat ng ito. Galit sa mga taong hangal ang kaluluwa pumatay ng tao para lang sa inaasam-asam na kayamanan at katanyagan.

Hindi pwedeng magwagi ang mga taong may pakana ng lahat ng ito. Kailangan may maisip ako. Kailangan may magawa ako. Hindi lang para sa akin o sa mga magulang ko, kundi para sa mga tao sa paligid ko.

"Ang babagal! Bilisan niyo magsikilos!" rinig kong sigaw ng isang sundalong nag-aabang sa labas.

Agad kaming kumilos palabas ng bahay. Ang mga matatanda at bata ang unang pinasakay kasama ang mga gamit. Isa na doon sina Nanay Juana at si Kiko. Magkakasama naman kami nina Sofia, Tonyo, at Emilia sa kabilang sasakyan.

"Ms. Carina, uminom po muna kayo ng gamot. Nakaligtaan niyo po itong inumin pagkatapos kumain." tinig ni Emilia.

"Ano'ng gamot ang pinapainom mo kay Ms. Carina?" Napatingin kami kay Sofia nang bigla itong magsalita.

"Ito po ang binigay ng doktor sa akin. Hindi ko rin po alam ang pangalan nito. Hindi po kasi ako marunong magbasa ng wikang ingles."

Hindi na muli pang nagsalita si Sofia. Kinuha ko na lang ang gamot sa kamay ni Emilia at ininom ito.

Malalim na ang gabi ngunit nasa byahe pa rin kami, sakay ng sasakyang pandigma. Lahat ay nanginginig sa takot dahil anumang oras ay posibleng may makakita sa amin at paulanan kami ng bala. Lahat ay nakatalukbong, yakap ang sarili at pamilya. Ang mga bata'y tahimik na natutulog sa bisig ng kanilang ina. Ang iba nama'y malalim ang iniisip, tila nagtatanong kung kailan matatapos ang gulong ito. Kung may kasiguraduhan bang masisilayan pa nila ang kinabukasan.

Nandito ako, nakikita ang totoong kalagayan ng mga tao. Pangalan lang ang dala ko, hindi ang seguridad ng kaligtasan nila. Wala akong kwenta. Walang kwenta.

Natigilan ako nang mahagip ng mata ko si Ben kasama si Calista. Magkatabi silang dalawa sa gilid dahil ginagamot ni Calista ang sugat niya. Nang magtama ang mata namin ni Ben ay tanging mapait na ngiti lang ang binigay niya.

"Ms. Carina," Napatingin ako kay Tonyo. Malawak ang ngiti nito sa akin na para bang hindi nanganganib ang buhay niya. "Huwag mo na po isipin si Kuya Jose. Babalik din 'yon."

Bahagya akong natawa. Sa sobrang dami kong iniisip, nakalimutan ko si Jose. Kumusta na kaya siya?

"Sabi sa akin ni Kuya, kapag nakita raw kitang malungkot, ibigay ko raw ito sa 'yo." aniya sabay lahad sa akin ng walkie-talkie. Kinuha ko ito sa kamay niya at mariin itong pinagmasdan. Makakausap ko na si Jose!

Muling bumalik sa kaninang pwesto si Tonyo upang iwan ako mag-isa. Agad kong pinindot ang button ng walkie-talkie at nagsalita, "Jose?"

Lumipas ang ilang segundo at minuto ngunit wala akong narinig na kahit anong sagot mula sa kabilang linya.

"Jose?" ulit ko. "Naririnig mo ba ako?"

Sa pangalawang pagkakataon, nabigo na naman akong marinig ang boses niya. Ayaw kong mag-isip ng kung ano ngunit hindi ko maiwasan. May masama na kayang nangyari sa kanya? Sana naman wala.

Mayamaya pa'y natigilan ako nang huminto ang sasakyan. Tumigil kami sa isang evacuation center. Sobrang dami ng tao at tila hindi alintana ang oras dahil gising pa ang lahat. Hindi sila makatulog sa init at sikip ng lugar. Nakakapanlumo itong tignan.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon