Part 17

30.1K 709 26
                                    


HINDI nagkaroon ng pagkakataon si Brad na kausapin ng masinsinan ang kanyang ina at para na rin sabihin na gusto niyang ikansela ang dinner kasama ang pamilya ni Mathea. Bago pa kasi siya makarating sa bahay ay tinawagan na siya nito para sabihing dumeretso na lang sa restaurant.

Pagdating niya sa restaurant ay naroon na ang kanyang ina kasama si Mathea at ang mga magulang ng dalaga na noon lang niya pormal na makikilala. Sa tuwing may event kasi sa kompanya ng mga ito ay palaging nasa ibang bansa siya kaya hindi nasasamahan ang mommy niya. Nang lumapit si Brad sa lamesa ay matamis na ngumiti si Mathea, tumayo at sinalubong siya ng halik sa pisngi. "I'm glad nakapunta ka," sabi nito.

Masigla siyang ngumiti kahit na lihim siyang napapabuntong hininga at napapaisip kung paano malalampasan ang gabing iyon ng matiwasay. Saka siya bumaling sa mommy niya na tumayo na rin. Hinalikan niya ito sa pisngi. "Good, nandito ka na," sabi pa nito sa tinig na tila ba pilit lamang na pinapasigla.

Kumunot tuloy ang noo ni Brad at napatitig sa mukha ng kanyang ina. Mukhang tensiyonado ito. Itatanong pa lamang niya kung bakit ay kumapit na ito sa braso niya at tuluyan siyang hinigit palapit sa lamesa kung saan magkatabing nakaupo ang mga magulang ni Mathea at ipinakilala siya.

"Sa wakas ay nagkita rin tayo ng personal Brad. Araw-araw, sa loob ng ilang taon ay bukambibig ka ng unica hija namin. Pero palagi kang wala sa bansa kapag sinasabi namin sa mommy mo na ipakilala ka naman sa amin. Masaya akong nakarating ka ngayong gabi," ngiting ngiti na sabi ng ina ni Mathea.

Gumanti siya ng ngiti. Mukhang mabait at palangiti ang may edad na babae kung pagbabasehan ang laugh lines sa gilid ng mga mata at mga labi nito. Hindi man ito kahawig ni Mathea ay ka-aura naman. Sumunod na bumaling si Brad sa ama ng dalaga na tumayo habang titig na titig sa kaniya.

"Dad, this is Brad. Brad, meet my father, Edgar Navarro," pakilala ni Mathea.

Hindi pa rin tuminag ang matandang lalaki mula sa pagkakatayo at matiim na pagtitig sa mukha niya kaya si Brad na ang kusang ngumiti at inilahad ang kamay. "I'm glad to finally meet you, sir," magalang at palakaibigang sabi niya.

Kumurap si Edgar Navarro at tumikhim. Pagkatapos ay nakipagkamay ito sa kaniya. "I'm also glad to finally meet you, Brad."

Pinanatili niya ang ngiti sa kanyang mga labi kahit pa gusto na naman niyang mapakunot noo dahil may nahimigan siyang panginginig sa boses ng matandang lalaki. Hindi na lamang din niya pinansin na masyadong mahigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niya bago iyon bantulot na pinakawalan.

Kahit nang kumakain na sila ay nararamdaman ni Brad na may kakaiba sa lamesa. At mukhang hindi iyon napapansin ni Mathea at ng ina nito. Napansin niya na ang sarili niyang ina ay mukhang tensiyonado kahit na pilit pinapasigla ang tinig habang ibinibida siya. Nakakapagtaka iyon dahil mula noon hanggang ngayon na may sakit ito ay palagi pa ring confident ang kanyang mommy. Ang ama naman ni Mathea ay tahimik at pangiti-ngiti lang pero nararamdaman niya na palagi itong nakatitig sa kaniya.

Naalis lamang ang isip niya sa pakikiramdam nang pasimple siyang tapikin ng mommy niya. Napalingon siya rito. Ngumiti ang kanyang ina. "Hindi ba may sasabihin ka sa kanila, Brad? Lalo na kay Mathea?"

Napalunok si Brad dahil alam niyang senyales iyon para sabihin ang intensiyon niyang pakasalan ang dalaga. Pero kung noon ay mabigat ang loob niyang gawin iyon ay mas lalo na ngayon. Hindi lang dahil gusto niyang maging responsible sa naging pagpapakasal nila ni Almira kung hindi dahil sinasabi ng instinct niya na bigyan niya ng pagkakataon ang marriage na iyon kahit pa hindi iyon nagsimula sa tamang paraan. Dahil sa career niya ay natutunan niyang paniwalaan ang instinct niya. Iyon ang dahilan kung bakit nananalo siya ng mga awards at nagiging maganda ang kinahahantungan ng mga proyekto niya. Kaya gusto rin niyang pagkatiwalaan ang instinct niya sa sitwasyon niya sa kasalukuyan.

Bukod sa ang totoo, habang nakikilala at nakakasama ni Brad si Almira ay nagugustuhan niya ito. There is something about her that relaxes him and makes him lower his guard. Hindi nga ba at sa harap lamang ng babae niya nagawang ipakita ang kahinaan niya? Idagdag pa ang posibilidad na baka may nabuo sa isang gabing pinagsaluhan nila. That is enough reason for him not to abandon Almira.

"Brad? Anong sasabihin mo?" nakangiting tanong ni Mathea.

Ngumiti siya at mabilis na pinagana ang isip kung ano ang pwede niyang sabihin na hindi mapapahiya ang kanyang ina. Huminga siya ng malalim. "Gusto kong magpasalamat sa pag-imbita niyo sa amin ni mommy ngayong gabi."

"Iyon lang?" tanong ni Mathea na halata ang pagkadismaya sa tinig. Ang kanyang ina ay natigilan sa tabi niya pero nanatiling nakangiti si Brad at tumango.

Pagkatapos ng dinner ay hinatid niya ang mommy niya sa bahay nito. Tahimik ang may-edad na babae buong biyahe. Saka lang ito nagsalita nang nasa bahay na sila. "Anong ibig sabihin nito, Brad? Akala ko magsasabi ka na tungkol sa plano mo para kay Mathea?" kunot noong tanong nito.

Napahugot ng malalim na paghinga si Brad at napahawak sa batok. "Mom, I'm sorry. Pero hindi ko na pwedeng pakasalan si Mathea."

"What? Why?" manghang bulalas ng kanyang ina.

Lumapit siya at ginagap ang mga kamay nito bago nagsalita, "Committed na ako sa ibang babae, mom. I met her in Las Vegas. We are... serious about each other." Hindi naman talaga iyon purong kasinungalingan pero may bumikig pa rin sa lalamunan ni Brad. Lalo na nang makita niyang halos lumuwa ang mga mata ng kanyang ina sa pagkagulat sa sinabi niya.

"Las Vegas? Pero last month pa nang bumalik ka galing doon! Isang buwan ka nang may itinatagong babae sa akin, Brad? And all along you've been dating Mathea right? Are you two-timing her?!" galit na sabi ng mommy niya.

Napangiwi siya at umiling. "Hindi ganoon ang nangyari. Nawalan kami ng contact nang bumalik kami sa Pilipinas. Akala ko hindi na kami magkikita pa. And I want to make you happy that's why I dated Mathea. Heck mom, I am even willing to marry her for you. Ganoon kita kamahal. Pero nagkita kami ulit at...at siya ang gusto kong makasama sa buhay ko. Ayokong iwan siya para magpakasal kay Mathea. I'm sorry mom. Gusto kitang maging masaya pero hindi ko talaga kayang gawin ang gusto ninyo. Please understand me," paliwanag ni Brad.

Matagal na napatitig lang ito sa kaniya. Pagkatapos ay huminga ng malalim at may bumakas na determinasyon sa mukha nito. "Gusto ko munang makilala ng personal ang babaeng gusto mong ipalit kay Mathea at sa maganda mong hinaharap kasama siya kung susundin mo ang orihinal nating plano at pakakasalan siya."

Napabuntong hininga na lamang si Brad. "Okay. Plano ko naman talaga na ipakilala kayo sa isa't isa."

"Good. Pagod na ako. Magpapahinga na ako. Dito ka ba magpapalipas ng gabi?" Umiling siya. Tumaas ang noo ng kanyang ina at bumitaw sa pagkakahawak niya. "Then, goodnight." Iyon lang at tumalikod na ito at umakyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng bahay kung nasaan ang mga silid.

Napabuntong hininga na lang si Brad habang nakasunod ng tingin sa kanyang ina. Mukhang mas mahirap kaysa akala niya na kumbinsihin ang mommy niya na tanggapin ang relasyon niya kay Almira. Hiling niya na sana ay magbago ang isip nito kapag nakilala na nito ng personal ang babae.

Bachelor's Pad series book 7: MARRIED TO MR. FAMOUS (Brad Madrigal)Where stories live. Discover now