CHAPTER FOUR

4.4K 249 64
                                    


UMABOT pa naman ako sa dalawa pang subjects pagkatapos kong lumabas sa infirmary. Alam kong kung anu-ano na ang pinagsasasabi ng mga kaklase ko tungkol sa akin, pero wala na akong pakialam dun. Masakit, oo, pero syempre titiisin ko na lang iyon. Kahit pa ayokong pumasok, hindi rin pwede dahil ayokong mamiss ang mga lessons namin. Tsaka mas lalo lang nila akong pagtsitsismisan kapag wala ako.

Paulit-ulit lang naman kasi eh. Kesyo nag-iinarte daw ako, papansin, nagdadrama, at kung anu-ano pa. .Pero tiniis ko na lang iyon habang nasa klase ako eh.

Nasasaktan ako at naiinsulto, pero hindi ko naman magagawang ipagtanggol ang sarili ko dahil wala namang maniniwala. Isa pa, kahit naman ipaliwanag ko ang kondisyon ko, mahihirapan pa rin silang intindihin iyon. Karamihan naman kasi sa kanila, makitid ang utak o kaya naman ay mahina umintindi.

At tsaka wala namang makikinig sa akin. Sino ba naman ako para pakinggan nila? Buti sana kung maimpluwensiya din ako kagaya nitong si Raeken.

Napatingin ako kay Raeken na nasa tabi ko. Papalit-palit ang tingin niya - minsan sa papel, minsan sa professor namin. Aba. Kahit pala maangas ang mokong na ito, nag-aaral naman pala. Andami na sigurong nasulat na notes ng -

Ay, hindi na man pala.

Mukha lang siyang nakikinig, pero imbes na magsulat ng notes ay abala si Raeken sa pagguhit sa notebook niya. Sinasabayan niya pa ng pagtango-tango, para kunwari may naiintindihan siya sa tinuturo ng professor namin. Pero ang totoo ay wala naman talaga siyang natututunan at panay drawing lang ang ginagawa niya. Para lang siyang nagsusulat kaya hindi siya nasisita.

Pero mula sa pwesto ko ay halatang-halata na gumuguhit lang siya ng isang caricature ng professor naming na walang kaalam-alam na pinagtitripan na pala ang itsura niya.

Hindi ko na napigilan pang mapatitig sa ginagawa ni Raeken. In fairness kay mokong. Marunong siyang mag-drawing. Akala ko puro mukha lang ang meron siya. May talent naman pala.

"Galing mo ah."

Agad niyang sinara ang notebook na ginuguhitan niya, tapos ay tinitigan niya ako nang masama. "Huwag mo ngang tingnan ang ginagawa ko."

I rolled my eyes at him. "Paanong hindi ko yan makikita eh nasa tabi kita? Anong akala mo sa akin, bulag?"

Para siyang bata na inaagawan ng laruan sa ekspresyon ng mukha niya ngayon. "Kahit na. Huwag kang titingin. Baka mamaya mahalata pang pareho tayong hindi nakikinig."

"Hala siya. Ikaw lang yun, ano. Hindi ako," sabi ko, bago muling ibinaling ang atensyon ko sa professor namin na patuloy pa rin sa pagtuturo.

Habang nakikinig ako ay patuloy pa rin ang palihim kong pagsulyap sa ginuguhit ni Raeken. Hindi ko lang talaga kasi mapigilang mabilib, lalo na't wala naman akong talent sa pagguhit.

Mukha ring hilig niya talaga iyon. Pero kung sa pagguhit siya magaling at iyon ang gusto niyang gawin, bakit ito pa ang naging course niya? Pwede namang mag-concentrate na lang siya sa pagdrawing.

Napakibit-balikat na lamang ako. Baka naman hobby niya lang talaga ang gumuhit. At tsaka bakit ba sobrang pakialamera ko na naman?

Umiiling-iling na lamang ako, bago tuluyang itinuon ang atensyon ko sa harap ng klase. Kung anu-ano na naman ang iniisip ko.

Touching You, Touching Me [✔]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon