CHAPTER FIVE

631 28 0
                                    


Tulad ng napag-usapan, alas-dose en punto, nasa tagpuan na si Lynette. Itinuro sila ng guest relation officer sa isang lalaking nakasuot ng polo shirt at maong. Tumayo ito nang lumapit si Lynette

"Miss Concepcion?" Iniabot ng lalaki ang kamay sa kanya na magiliw naman niyang tinanggap.

"Architect Morales, pleased to meet you." Naupo siya at tinapunan ng tingin si Aidan na nakasunod sa kanya. "Sige. Pakipatong na lamang sa mesa ang mga envelopes." Kumuha siya ng pera sa loob ng bag, inabutan niya ng isandaang piso si Aidan. "Mag-lunch ka sa labas."

"T-thank you, ma'am." Tila hiyang-hiya na tinanggap ni Aidan ang pera. Sinulyapan pa nga nito ang arkitekto bago tuluyang tumalikod.

"All right. Bago tayo um-order, gusto ko sanang makita muna ang mga dala mong sample ng trabaho," pormal na simula ni Lynette. "Gusto ko lang makasigurong hindi ako mapapahiya sa kliyente ko dahil may on-going proposal pa ako sa kanya. May dala ka bang company profile?"

"Hindi ko nadala ang company profile but I brought our license para malaman mo lang na legit ang aming firm," tugon ng kaharap, sabay abot ng tatlong rolyong plano. "Iyan ang mga on-going projects namin."

Binuklat niya ang isa. "Hmm... I'm impressed. Mahusay ang disenyo n'yo. By the way, sino ba ang may-ari ng M.V. Builders?"

Tumikhim muna ang kausap bago sumagot. "Isa ako sa may-ari and the other owner is Architect Villanueva."

"Ilang taon na kayong nag-o-operate?"

"Three years. And so far, hindi kami nawawalan ng mga big accounts."

"Good. Hindi nga nagkamali ang kaibigan ko sa pagre-refer sa inyo. I guess, puwede ko nang i-confirm ang meeting natin kay Mrs. Toscano. After lunch, I suggest that we take my car. Ihahatid ka na lang naming muli rito para makapag-usap pa tayo nang maayos."

"Your call," ani Architect Morales at saka iniabot sa kanya ang menu.

NAKITA ni Lynette ang inis at panakaw na sulyap ni Aidan sa rearview mirror habang nagkakaigihan sila ni Gene sa pag-uusap. Ewan kung ano ang nakain niya't lalo niyang napag-trip-ang asarin ang lalaki.

She flirted lightly with Gene, hindi masagwa pero siguradong mapapansin... lalo na ni Aidan na habang lumalaon ay nagdidikit pang lalo ang makakapal na kilay.

"Kung magkakasundo tayo, ikaw na ang kukunin ko tuwing may kliyente akong magpapa-renovate ng kanilang mga condo. Don't worry, may mga residential accounts din naman ako. I can recommend you, too. But don't forget, may cut ako for every deal." Business ang usapan pero malambing ang tinig ni Lynette. halos umabot sa magkabilang tainga ang gilid ng kanyang mga labi sa pagkakangiti.

"Iyon lang pala, no problem!"

"Good!" tugon niya. "Aidan, diyan sa Pacifica condo units tayo. Ibaba mo kami sa harapan ng building at doon mo na lang kami hintayin sa basement, okay?"

"Yes, ma'am." Ipinagdiinan pa ni Aidan ang huling salita, indikasyon ng pang-iinis at pagkainis.

Hindi niya inaasahan, lumampas ang kanilang sasakyan. "Aidan, sabi ko sa harapan!"

Bigla itong nagpreno. Mabuti na lamang at naitukod agad niya ang mga kamay sa likod ng upuan sa harapan.

"Sorry, ma'am," tiim ang mga bagang na sabi ni Aidan.

"Next time, mag-iingat ka. Kabibili ko lang nitong kotse'y gusto mo na yatang sirain!" Sumusubo na ang kanyang dugo sa iritasyon. Mabuti na lamang at pinagbuksan siya ng pinto ng doorman, kung hindi ay baka nakapagsalita pa siya nang higit na masakit kay Aidan.

No Money, No Honey (COMPLETED)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora