Kabanata XV

2.5K 176 9
                                    

Kakaiba ang pakiramdam ni Sarah ng pumasok sa isang munting kubo kung nasaan ang mga kaibigan niya. Nauna namang pumasok si Samuel sa kanya at kasunod niya si Vic kaya napagitnaan siya sa bangko ng dalawang binata. Saglit niyang inilibot ang paningin sa paligid.

Iba ang presensya sa loob. Malamig ang paligid dahil na rin siguro sa bukas na bintana at makulimlim na panahon. Sa harapan nila ay nakatalikod ang isang matandang babaeng may makapal at mahabang buhok na tila alambre sa tigas. Nasa otsenta na ang edad nito at sinasabing isa sa pinakamatanda sa Sitio Aglibol.

"Narito na ba ang lahat?" tanong ng matandang babae na nakatalikod pa rin mula sa kanila.

"Opo Manang Abeng," tugon ni Vic.

Napakapit si Donna sa mga kamay ng katabing si Joyce. Natatakot na kasi siya sa matanda hindi pa man ito humaharap.

Samantalang iba naman ang kabang nararamdaman ni Miracle mula nang bahagya niyang makita ang mukha nito kanina habang naghihintay siya sa mga kasama. Ang kulu-kulubot na nitong balat sa mukha, ang bilugan nitong mga mata at ang malaking nunal nito na nasa pagitan ng dalawang mga mata. Napakapamilyar sa kanya lahat.

"Narinig kong nais mo raw pumunta sa may paanan ng bundok at makita ang mga taga-sidlan?"

Napapitlag si Sarah sa biglang pagtanong ng matandang babae na humarap na sa kanila at may hawak na umuusok na maliit na palayok. Nakasuot ito ng duster o bestidang tila lumang-luma na. Namumula ang bilugang mga mata at kulu-kulubot na ang mga balat. Hitsura ng mga matatandang mahilig manakot tuwing Halloween o horror movie. "Hahanapin ko po ang kapatid ko."

"Mabubuti ang mga taga-sidlan ngunit lubhang mapanganib sa labas... Nagkalat ang mga halimaw. Pati na rin ang mga kasapi ng Santa Virgen Muerte. Papasamahin ko sa inyo sina Kakang Lucio. Mamaya na ang simula ng unang Gabi ng Diablo."

"Ano po 'yung Santa Virgen... Basta kung ano mang word 'yun. Ano ba'ng ibig sabihin no'n?" tanong ni Samuel.

"Santa Virgen Muerte. Sila ang kulto ng mga birheng babae," si Miracle ang sumagot. Naisip niyang tama ang hinala niya na ang babaeng nakapula na palaging nagpapakita sa kanya ay miyembro ng isang kulto.

"Eh 'di kasamahan ka pala ng mga kulto, Miracle?" natatawang tanong Arman.

"Armand!" saway ni Vic. Ramdam nitong kanina pa inaasar ni Arman si Miracle.

"Ano po 'yung ibig sabihin ninyo na mamaya na ang unang Gabi ng Diablo?" si Donna naman ang nagtanong. Ayaw niya sanang maniwala na nasa isang kakaibang mundo sila kagaya ng sinasabi ng mga tao sa sitio na iyon pero sa mga nangyayari ngayon, hindi niya na alam kung saan papanig.

"Ang Sitio Aglibol ay isang isinumpang lugar. Bukod sa inyong mga dayo na dinadala mula sa lagusan ng isang puno na umedad ng isang dekada, dito sa lugar na ito isinisilang ang mga taong naging makasalanan sa inyong mundo. Isang beses sa isang taon ay nagpapakita ang tatlong nagdurugong buwan sa lahat ng makasalanang nilalang na kagaya natin. Siya lamang ang tanging magbibigay ng liwanag sa lugar na ito sa loob ng tatlong araw at gabi. Ang nagdurugong buwan na pumapagitan sa mundo ng buhay at patay."

"Wait lang po Lola, ibig ninyo po bang sabihin... Three days na walang araw dito sa lugar ninyo?" tanong ni Kevin. Kumunot pa ang noo nito. "Walang araw pero may tatlong blood moon?"

"La noche del Diablo..."

Lahat sila ay nabaling ang tingin sa muling nagsalitang si Miracle. Seryoso itong nakikipagtitigan kay Manang Abeng.

"May nabasa ako na isang mythological book sa bahay ni Lola Elma," panimula ni Miracle. Huli na para magsisi o sisihin pa niya ang mga kaibigan niya sa pagtuloy nila sa outing na naging dahilan para mapunta sila sa lugar na iyon. Huli na dahil alam niyang may malaking posibilidad na wala na siyang katawang lupa na babalikan pa sa mundo nila. "May isang lugar daw kung saan may tatlong gabi at araw na walang araw na magbibigay ng kahit anong liwanag at walang D'yos na maaaring dasalan. Ang lugar na ito kung nasaan tayo ay parang isang Limbo. Ang mundo sa pagitan ng mga buhay at patay. Ang mundo para sa mga naghihingalong kaluluwang kagaya natin. "

"Miracle, stop. You're not making any sense! Wala kong maintindihan sa mga sinasabi mo kaya tumigil ka na lang sa kakasalita mo, pwede!?" naiinis na sigaw ni Joyce na pilit nilalabanan ang takot na nararamdaman.

"Ang sabi ni Manang Abeng, ngayon ang simula ng unang Gabi ng Diablo. Ang ibig sabihin, tatlong gabi at araw na walang liwanag... Walang araw... Walang D'yos..." seryosong tiningnan ni Miracle isa-isa ang mga kasama. Muling namuo ang galit at inis sa dibdib niya. "Dapat kasi naniwala na lang kayo sa akin. Sana wala tayo ngayon dito. Sana buhay pa tayong lahat ngayon."

"Naririnig mo ba ang sarili mo Miracle? May scientific explanation ba 'yang mga sinasabi mo? Oh baka naman binulong lang 'yan ng mga invisible friends mo?" ani Kevin.

"Hindi ninyo ba nakikita? Wala na tayo sa mundo ng mga tao. Wala na tayo sa mundo natin. Sa lugar na ito lahat ng kababalaghan ay pwedeng mangyari. At sino man sa atin ang mamatay sa lugar ito ay hindi na makakabalik sa totoong mundo natin kahit kailan..."

"Paanong wala tayo sa mundo natin? Eh nasaan pala tayo? Nasa planet Mars?" ani Armand na may sarkastikong ngiti sa mga labi.

"You know what freak, walang sinoman sa amin ang nakakaintindi ng mga sinasabi mo. Ikaw lang! Actually, siguro nga ikaw ang may pakana kung bakit nandito kami. Siguro ikaw ang nagdala sa amin dito! Siguro –"

"Relax lang guys." Pumagitna naman kaagad si Vic sa mga kasamang nagtatalo-talo na.

"Magtapat ka nga Miracle, kamag-anak mo 'yung mga tao sa labas 'no? Kaya pare-pareho kayo kumilos at mag-isip?" nakatawa pang tanong ni Armand. Kahit kailan kasi ay hindi siya naniwala sa anumang klaseng kababalaghan, ngayon pa kaya?

"Bakit ba ayaw ninyong maniwala sa akin!? Wala akong kinalaman kung bakit tayo nandito. Kayo... Kayo ang may kasalanan dahil hindi kayo marunong makinig!" naiiyak ng sagot pa ni Miracle.

"Sabihin mo, baliw ka lang talaga Miracle! Idadamay mo pa kami sa kabaliwan mo!" Hindi na mapigilan ni Joyce ang sarili na mas tumaas ang boses. Nakahawak lang si Donna sa braso niya na takot magsalita dahil sa mga nangyayari sa paligid.

"Tahimik!!!"

Sabay-sabay na napapitlag ang lahat sa biglang pagsigaw ni Manang Abeng at pagbato nito ng hawak na palayok sa kawayang sahig. Kaagad na nabasag ang maliit na palayok at kumalat ang mga uling na laman noon. Samantalang ang matanda ay seryosong tinapunan ng tingin ang bawat isang nasa harapan nito. "Lahat ng sinabi ng inyong kasamahan ay pawang may katotohanan. Maaaring ang inyong mga katawan ay nasa mundo ng mga tao ngunit hindi ang inyong mga kaluluwa. At dito... Dito sa lugar na ito maaaring nakasalalay kung mabubuhay pa ba ang inyong mga katawan lupa o tuluyan na kayong mamamatay. Nandito sa isinumpang sitio ang huling hatol sa inyong mga kaluluwa."

Muling naghari ang saglit na katahimikan. Tila sinusubukan ng bawat isa na intindihin ang mga sinabi ng kaharap na matanda. Paanong mangyayari na ang katawan nila ay nasa kanilang mundo ngunit hindi ang kanilang mga kaluluwa? Nasaan ba talaga sila? Matatawag na ba nilang impyerno ang lugar na kinaroroonan nila ngayon?

"M-Manang Abeng... May tanong po ako..." Napalunok pa si Sarah na tila nahihirapang magsalita. Kanina pa siya walang imik dahil hindi niya alam kung anong dapat na sabihin. Pero kailangan niyang malaman kung tama ang hinala niya kahit parang napakaimposible. "Kaya po ba kami napunta sa lugar na ito dahil... Dahil sa malaking puno na nabangga ng aming sasakyan?"

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Wo Geschichten leben. Entdecke jetzt