Chapter 2

7.5K 123 0
                                    


PASADO alas-nuwebe na nang nagising si Althea. Napabalikwas siya nang maalalang Biyernes nang araw na iyon at may appointment siya kay Danielle at sa fiancé nito.

Nagmamadaling naligo siya at nagbihis. Ni hindi na siya nag-abalang magpatuyo ng buhok. Ayaw niyang mauna pang dumating sa shop ang mga kausap kaysa sa kanya.

Pagbaba niya ay naabutan niya si Lawrence na nasa kusina, nag-aalmusal habang nagbabasa ng diyaryo.

"Bakit parang nagmamadali ka, Ate?" puna nito sa kanya.

Nagmamadali kasi siyang magtimpla ng kape. Sa pagmamadali niya ay muntik pa siyang mabuhusan ng mainit na tubig. "May appointment kasi ako ngayong umaga."

"May appointment ka pala, bakit tanghali ka nang gumising?" sermon nito.

"Puwede ba, Lawrence, hindi ito ang tamang oras para manermon ka. Para kang si Daddy," aniya bago inumin ang kape.

"Eh, kasi naman hanggang ngayon tamad ka pa ring bumangon nang maaga. Mabuti sana kung hindi ka inaabot ng isang oras sa paliligo."

"Ah, ewan ko sa iyo! Aalis na ako!" Dumampot siya ng tinapay bago nagmamadaling lumabas ng kusina. Tuluy-tuloy siya sa labas ng bahay. Nakasunod naman ang kapatid niya. Pasakay na siya sa kotse nang magsalita ito.

"Hey, Ate! Hihiramin ko ang kotse mo mamaya, ha? May lakad kasi kami ng barkada."

Hindi niya masyadong naintindihan ang sinabi nito. Tumango na lamang siya bilang tugon at sumakay na sa kotse.

Habang nasa daan ay tumunog ang cellphone niya. Hinagilap niya iyon sa loob ng kanyang bag habang nakatutok pa rin ang mga mata sa daan.

Mula kay Danielle ang text message. Mahuhuli raw itong dumating pero naroon na sa kanyang shop ang fiancé nito. Siya na lang daw muna ang bahala.

Lalo niyang binilisan ang pagpapatakbo ng kotse. Pagdating niya sa boutique ay agad na sinalubong siya ni Jasmine.

"Ate, may naghihintay po sa inyo sa opisina ninyo. Pinapasok ko na po kasi ang sabi may appointment siya sa inyo. Iyon yata ang mapapangasawa ng pinsan ni Miss Karen."

"Kanina pa ba siya? Tinanghali kasi ako ng gising."

"Hindi naman po, kani-kanina lang. Dadalhan ko ba kayo ng kape roon?"

Tumango siya bago tuluyang tumalikod dito.

Tahimik na kinastigo niya ang sarili. Kung hindi kasi siya nagbabad sa panonood nang nagdaang gabi, hindi sana siya tatanghaliin ng gising. Nakatalikod ang bisitang naghihintay sa kanya pagbukas niya ng pinto ng kanyang opisina.

"Good morning. Sorry kung pinaghintay kita nang matagal," hinging-paumanhin niya rito.

Humarap ito sa kanya. Para siyang natuklaw ng ahas nang makita ang mukha nito. Napatitig din ito sa kanya, tulad niya ay gulat na gulat.

Ilang taon na ang nakararaan pero hindi siya maaaring magkamali. Natitiyak niyang hindi siya namamalikmata lamang.

"Ikaw?" aniya nang makabawi sa pagkabigla.

"Althea..." anito na hindi inaalis ang tingin sa kanya.

Magsasalita sana siya nang bumukas ang pinto at pumasok si Danielle.

"Hi, Althea!" nakangiting bati nito bago nito nilapitan ang lalaki at bahagyang hinagkan sa mga labi.

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa mga ito. Gustong manlamig ng buong katawan niya sa realisasyong iyon.

"Althea, this is Hubert Gonzaga, my fiancé. Honey, siya ang ini-recommend ni Karen na wedding organizer, si Althea del Mundo," pagpapakilala ni Danielle sa kanila.

Pareho sila ni Hubert na hindi makapagsalita. Agad namang napansin iyon ni Danielle.

"May problema ba?" tanong nito, kay Hubert nakatingin.

"Wala," sagot ni Hubert at binawi ang tingin sa kanya. "Actually, magkakilala na kami ni Althea. Dati ko siyang schoolmate. Ahead lang ako ng two years sa kanya. Taga-Bulacan din siya."

"Really? So marami pala akong malalaman about you from Althea." Nakangiting bumaling sa kanya si Danielle.

Matipid na ngiti lang ang iginanti niya. "H-hindi naman kami masyadong malapit sa isa't isa ni Hubert." Sinulyapan niya ang binata pagkasabi niyon at kitang-kita niya ang pagtatagis ng mga bagang nito.

"Masyado kasing malihim ito. Matagal na kaming magkasama pero marami pa ring bagay na hindi ko alam tungkol sa kanya," ani Danielle.

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon