Chapter 4

6.3K 110 2
                                    


HULING gabi na iyon na makakasama ni Althea si Hubert. Bukas ay aalis na ang binata patungo sa California para pagbigyan ang kahilingan ng ina nito na manatili muna roon nang dalawang taon.

Mahigit isang taon na rin silang magkasintahan at mahal na mahal nila ang isa't isa. Nang gabing iyon ay naroon siya sa apartment nito. Bukod sa kanila ay naroon din ang tiyuhin nito at isang pinsan. Nagyaya si Hubert na uminom bilang despedida nito. Pagkatapos ng kasayahan nila ay inihatid na siya nito sa bakanteng silid para doon siya matulog.

"Magpahinga ka na. Baka tanghaliin tayo ng gising bukas," bilin nito at saka hinalikan siya sa pisngi.

Nakangiting tumango siya. Binitiwan na nito ang kamay niya. Papalabas na ito ng silid nang tawagin niya ito. "Saan ka pupunta?"

"Sa kabilang kuwarto, tabi na lang kami ng pinsan ko. Sa sala na lang daw matutulog si Uncle."

"Puwede bang dito ka na lang matulog sa tabi ko?" malambing na sabi niya bagaman napalunok siya pagkatapos niyang sabihin iyon.

Matagal na niyang pinagplanuhan iyon. Gusto niyang ibigay ang sarili rito bago ito umalis bilang pabaon dito at nang gabing iyon niya iyon balak gawin.

Kinakabahan siya. Natatakot din siya sa gagawin, pero ngayon pa ba siya aatras?

"Sa kabila na lang a—"

Pinutol niya ang pagtutol nito sa pamamagitan ng halik. Mapusok ang halik na iyon. Nang madama niya ang pagtugon nito ay ikinawit niya ang braso sa batok nito.

Iyon ang unang beses na lalampas sila sa kanilang limitasyon. Sa mahigit isang taon ay kontento na sila sa mga halik at paghahawak ng kamay.

Tuluyan na nga silang nadala sa kanilang nadarama. Bago pa niya namalayan ay pareho na silang nakahubad. Binuhat siya nito patungo sa kama. Nangilabot siya habang malayang hinahawakan at hinahagkan nito ang kanyang katawan. Napapikit na lamang siya upang ikubli rito ang takot na nadarama.

"Hubert..." anas niya sa pagitan ng pag-ungol.

Damang-dama niya ang sakit nang tuluyan nang mapag-isa ang kanilang katawan, ngunit bale-wala iyon. Mas nangibabaw ang pagmamahal na nadarama niya para sa kasintahan.

"I love you..."

Kinabig siya nito at hinagkan sa noo. "I love you more, Althea" punung-puno ng sinseridad na sabi nito.

Yumakap siya nang mahigpit dito. Nang marinig niya ang mga salitang iyon, kahit paano ay nabawasan ang pangamba sa puso niya.

"Sana kahit wala ako, kahit magkalayo tayo, walang magbago sa atin," anito.

"Natatakot ako, Hubert. Ang daming pumapasok sa isip ko. Paano kung—"

"Sshh. Dalawang taon lang naman akong mawawala, eh. At wala kang dapat ikatakot. Kapag sinabi kong babalik ako, makakaasa kang babalik talaga ako. Kailan ba ako sumira ng pangako sa iyo?"

Napakagat-labi siya upang pigiling mapaiyak. "Marami ang puwedeng mangyari at magbago sa dalawang taon na iyon."

"Babalikan kita," paniniguro nito sa kanya. "Wala ka bang tiwala sa akin?"

"Meron." Tuluyan na siyang naiyak.

"Iyon naman pala, eh. Basta ipangako mo rin na hihintayin mo ako."

Yumakap uli siya rito. "Maghihintay ako, Hubert. Maghihintay ako kahit gaano katagal."

Niyakap din siya nito. "Tama na nga ang iyak mo. Wala pa nga tayo sa airport, umiiyak ka na. Bukas na lang umiyak."

A Promise of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon