Chapter 3

2.9K 70 1
                                    

NAPABUGA ng hangin si Raizen nang tingnan ang kanyang cell phone, tumatawag na naman si Akira Morales. Mula pa kahapon ay wala itong tigil sa kakatawag at pagti-text sa kanya. Kahapon ay excited pa siya nang unang tumawag si Akira. Akala kasi niya ay may update itong ibibigay tungkol sa proposal nila sa kompanyang pag-aari ng pamilya nito pero tulad ng nangyari noong miyerkules nang makaharap niya ito ay muli lang siyang nadismaya. Sa halip na tungkol sa negosyo ang sabihin ng babae ay niyayaya siya nitong lumabas.

Kahit na nairita siya ay nagtimpi pa rin siya, pero tinanggihan niya ito at idinahilan na may importante siyang mga aasikasuhin kaya hindi siya puwede. Pero mukhang likas ang kakulitan ng dalaga, kaninang umaga at hanggang ngayon ay kinukulit naman siya nito na tanggapin ang imbitasyon nito na sumama sa outing sa Pagbilao bukas.

“Hindi mo ba 'yan sasagutin?” untag sa kanya ni Ramil.

Napakamot siya sa noo at sinagot nga ang tawag ni Akira. “Hello.”

“Hi!” masiglang bati ng babae. “Are you still busy?”

“No,” sagot na lamang niya kahit gusto sana niyang isagot ay ‘oo’. “But I’m still here in one of our site.”

“I see. So, napag-isipan mo na ba 'yong invitation ko?” anito sa napakalambing na tinig.

Pigil niya na mapabuga ng hangin. “Hindi talaga ako sure sa schedule ko kaya hindi ako makapag-commit.”

Hindi umimik ang babae pero narinig niya ang pagbuntong-hininga nito mula sa kabilang linya.

“I’ll let you know tomorrow kung makakasama ako,” dagdag pa niya.

“Okay,” ani Akira na nagbago na ang timpla ng tinig, para bang masama ang loob nito.

Marahas siyang napabuga ng hangin nang maputol na ang linya at saka naiiling na ibinulsa ang cell phone niya.

“Ano’ng problema?” tanong ni Ramil.

“Si Akira Morales, nangungulit pa rin na sumama ako bukas sa outing nila ng mga kaibigan niya.

Nakita niya ang pagsasalubong ng kilay ng lalaki. “Matagal na ba kayong magkakilala ng anak ni Mr. Morales?” tanong nito habang iniro-rolyo ang hawak na building plan. Junior design officer si Ramil sa kompanya nila.

Umiling siya. “We’ve just met last Wednesday.”

Lalong lumalim ang gatla ng noo ni Ramil. “Nitong Wednesday lang pero niyayaya ka na agad niyang lumabas?”

Hindi siya sumagot.

“Mukhang tinamaan sa 'yo ang babaeng 'yan,” sabi nito.

Napailing naman siya. Sa palagay nga niya ay tama ang kaibigan. Base sa ginawang pagtitig ni Akira sa kanya nang magkaharap sila at sa pangungulit nito ngayon ay mukha ngang interesado sa kanya ang babae. Hindi na iyon bago sa kanya. Hindi naman sa pagmamayabang pero marami talaga ang babae na nagkakagusto sa kanya at na-feature na rin siya isang beses sa magazine bilang isa sa mga sought after bachelors sa bansa.

“Bakit hindi mo pagbigyan?”

Salubong ang kilay na tiningnan niya ang kaibigan. “Sira ka ba? Kailan ko ba pinagbigyan ang mga babaeng katulad niya? Hindi ang tipo niya ang gusto ko.”

“But she can help you,” ani Ramil na mukhang seryoso sa sinasabi.

“What do you mean?”

“Mukhang gusto ka ng Akira na 'yan so why don’t you use that to our advantage,” deretsahang sagot ng lalaki.

Napatitig siya rito. Tahimik niyang dina-digest ang sinabi ng kaibigan. Malinaw sa kanya ang ibig nitong sabihin. Napahinga siya ng malalim. Oo nga at mahalaga sa kanila na makuha ang ‘yes’ mula sa presidente ng MDC, pero hindi naman yata niya kayang mang-gamit ng tao para makuha ang gusto.

Posh Girls Series Book 2: Akira (Complete; Published by PHR)Where stories live. Discover now