Chapter 7

2.6K 64 0
                                    

MAHIGIT dalawang oras din si Raizen na nag-drive bago niya narating ang San Miguel, Bulacan. Pagdating niya roon ay saka siya nagtanong-tanong kung saan ang Baranggay Sibol. Sa maliit na plaza sa harap ng baranggay hall siya dumiretso dahil ayon sa napagtanungan niya ay doon ginaganap ang outreach program na sinabi sa kanya ni Akira.

Inihinto niya ang kotse at saka siya bumaba. Puno ng tao ang plaza. Sa may bandang bungad ay naroon ang mga doctor at ang mahabang pila ng mga taong magpapatingin sa mga ito. Habang doon naman sa may stage ay may ginaganap na programa kung saan ay mga kabataan naman ang nanonood.

“Gusto pa ba ninyo ng isa pang kuwento?” narinig niyang sabi ng babae na nasa stage. Masiglang sumagot ang mga bata, halatang nag-i-enjoy ang mga ito sa programa. “Sige, may isa pa kaming kuwento para sa inyo, at ang magbabasa niyon ay si Ate Akira!”

Nakita niyang umakyat sa maliit na entablado si Akira. Napaka-simple ng ayos ng dalaga pero malakas pa rin ang dating nito. Naka-t-shirt na puti na may logo ng Foundation at pantalon na maong ang dalaga na tinernuhan ng kulay puting sneakers. Wala rin itong makeup.

“Palakpakan naman ninyo ako,” nakangiting sabi ni Akira nang maiabot na rito ang mikropono. Sumunod naman ang mga bata. “Isa pa, gusto ko mas malakas, 'yong todo ang energy!”

Pumaibabaw ang malakas na palakpakan na may kasama pang hiyawan ng mga bata. Hindi niya mapigilang mapangiti habang pinanonood ang tuwang-tuwa na si Akira. Contagious talaga ang ngiti at tawa ng babaeng ito.

“Ang kuwento ko sa inyo ay tungkol sa Alamat ng Buwaya…”

Nakatayo lamang siya sa may di kalayuan ng stage at tahimik na nakikinig at pinagmamasdan si Akira habang nagku-kuwento ito. Magaling na storyteller ang dalaga, tamang-tama ang pagbigkas at pati na rin ang expression ng boses at mukha nito.

Napahinga siya ng malalim habang pinagmamasdan si Akira. Ilang araw siyang hindi nagpakita at hindi nakipag-usap rito at iyon ay dahil sa nabasa niya sa journal ng dalaga. Hindi niya maintindihan kung bakit siya masyadong naapektuhan sa laman niyon. Inisip niya na marahil ay dahil iyon sa hindi niya mapaniwalaang ganoong klase ang babae. Oo at nasabi na sa kanya ni Ramil na may bali-balita na playgirl si Akira, pero hindi niya inaasahan ang mga natuklasan sa journal nito.

Pinagmasdan niya ang mukha ni Akira. Hindi niya maipaliwanag kung bakit parang may sumikad sa dibdib niya nang maalala ang ilang isinulat ng babae. Bakit ba parang may kung ano’ng halimaw na lumalamon sa kanya kapag naiisip niya kung paano idini-describe ni Akira ang mga ginawa nito kasama ang ilang lalaki na nakarelasyon.

Napakislot siya nang maramdaman ang pag-vibrate ng cell phone na nasa kanyang bulsa. Inalis niya ang tingin kay Akira at sinagot ang tumatawag.

“Good morning, Sir Raizen,” ani ng isang pamilyar na tinig buhat sa kabilang linya. Ang sekretarya niya iyon.

“What is it?” tanong niya.

“Ire-remind ko lang po ang lunch meeting ninyo with our supplier,” tugon naman ng babae.

“Yeah,” aniya na muling ibinalik ang tingin kay Akira. Alam niyang kaya tumawag si Kristine para ipaalala iyon ay dahil nagtataka ito na pasado alas nueve na ay hindi pa siya nagre-report sa opisina. “Darating ako sa meeting. Anyway, you should be there also kaya daraanan kita diyan sa office.”

“Okay, Sir,” agad naman na sabi nito.

Muli na niyang ibinulsa ang cell phone. Napahinga siya ng malalim habang pinagmamasdan si Akira. Naguguluhan siya sa nararamdaman para sa babae. Damn, but yes he likes her! Sinungaling siya kung sasabihin niyang hindi niya nagustuhan ang babae. Hindi naman mahirap magustuhan ang isang Akira Morales, kaya nga marami itong napapaglaruan na lalaki hindi ba? But after reading her diary… bakit nga ba ganoon ang naging reaksiyon niya? He hated the thought of what she’d been doing with other guys, at akala niya ay mawawala na ang anumang atraksiyon na nararamdaman niya para sa dalaga. Pero bakit heto siya ngayon? Bakit hindi niya mapanindigan ang sinabi niya sa sarili four days ago na lalayo na siya sa dalaga?

Posh Girls Series Book 2: Akira (Complete; Published by PHR)Where stories live. Discover now