"Ate, si Amy." In-indicate ni Sakura—ang half sister ni Hiromi—ang teleponong hawak.
Sumenyas siya na sabihing wala siya. Ilang araw na niyang iniiwasan si Amy dahil nangungulit pa rin na tulungan niyang mahabol si Anton. Parang detach na sa reyalidad ang pinsan niya; kung umasta, parang ito pa ang agrabyado kahit sinabi na ni Hiromi na alam na niya na hindi naman ito totoong buntis at makabubuti pa kung mananahimik na lang ito.
"Makulit, Ate," pabulong na sabi ni Sakura.
Nang ipanganak ang kapatid niya, nakuha rin nito ang features ng mommy nila na parang Haponesa kahit wala naman silang dugong Hapon. Sakura na ang ipinangalan dito para daw tunog Hapon din, sabi ng Daddy Mario niya. Nineteen years old pa lang si Sakura at nasa college.
Nagpasya na siyang kausapin si Amy.
"Hello?" walang kabuhay-buhay ang bati ni Hiromi.
"How dare you, Hiromi! I thought you care about me. I need you. I have to get Anton back!" Hysterical ang boses ni Amy.
"Stop doing this to yourself, Amy. Forget Anton. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo? He's not the only man you're going to love!"
"I want him! I need him. I'm going crazy, please help me—"
"Nandiyan ba si Tita Mayette?" tanong na lang niya. "Gusto ko siyang kausapin."
"She's here."
Inutusan ni Hiromi ang pinsan na tawagin ang ina. Nang marinig niya ang boses ng tiyahin sa kabilang linya, hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa.
"Amy needs professional help, Tita. I know a psychiatrist. Kung interesado ka, ibibigay ko sa inyo ang phone number. I can also arrange for an appointment."
"Salamat sa concern mo, pero hindi pa nababaliw ang anak ko. Normal lang ang reaction niya at lilipas din ito," sabi ni Tita Mayette.
"Just in case you change your mind, call me." Nagpaalam na si Hiromi at ibinaba ang telepono. Hindi naman nagtagal, tumunog uli iyon.
"Sabihin mo, nakaalis na ako," sabi niya kay Sakura.
Sinagot nito ang telepono.
"Si Wesley, Ate," report nito.
Kinuha uli niya ang awditibo. "Hello?"
"Hi, sweetie, what's up? Listen, papunta na ako sa airport, pero may nadaanan ako rito na tindahan ng mga gitara. Naalala ko si Sakura. Okay lang kaya kung bilhan ko siya?"
Touched naman si Hiromi sa pagka-thoughtful ng boyfriend. "I'll ask her." Iyon nga ang ginawa niya. Tuwang-tuwa naman ang kapatid. "Thank you daw and yes, okay na okay. Tawagan mo ako pagdating mo. Dito ka na mag-dinner sa bahay," suhestiyon niya.
"I'll do that," sabi ni Wesley. Sinabihan pa siya nito ng, "I love you."
"You, too," sagot niya.
"Ano 'yon?" natatawang sabi ni Wesley.
"You, too," ulit ni Hiromi. Iyon lang ang ikinaiinis niya sa lalaki, kinukulit lagi siyang magsabi ng "I love you" rito. Hindi naman niya magawa iyon. Not that she didn't love him. Kaya lang, pakiramdam niya, lalabas siyang katawa-tawa kapag sinabi iyon. Kung siya naman ang tatanungin, hindi na kailangan ang mga salita dahil naipapakita naman niya sa ibang paraan ang pagmamahal kay Wesley.
"Sige na nga. I'll let you get away with it this time. Pero pagbalik ko riyan, humanda ka," biro nito. They chatted for a few minutes.
"Sasabay ka ba sa akin, Sakura?" tanong ni Hiromi sa kapatid nang maibaba ang telepono.
"Hindi, Ate. Pupunta ako sa Muntinlupa ngayon."
"Muntinlupa? As in bilangguan?"
Sunod-sunod ang tango ni Sakura. "I'm doing a paper, remember? I-interview-hin ko ang mga preso do'n. I wanna know why they did their crimes."
"Hindi ba delikado 'yon?"
"May kasama naman ako, Ate."
"Mag-ingat ka, ha?" Pumasok si Hiromi sa kusina para magpaalam sa ina. "Baka dito mag-dinner mamaya si Wesley, Mom."
"Okay, may bisita rin daw ang daddy mo. Ingat ka," bilin nito.
BINABASA MO ANG
Bud Brothers 5 - He's The One (COMPLETED)
Romance"Wala ka bang balak magpalit ng boyfriend, Lady Picachu?" Hindi na mapapalampas ni Hiromi ang latest na panggigipit sa kanya ng mga miyembro ng kakompetensiya sa negosyo-ang Bud Brothers. Kaya naman sumugod siya sa teritoryo ng kalaban na ang tangin...