Chapter 24

25.7K 658 7
                                    

"Bek, pumasok ka muna sa loob," aniya sa pinsan. Anoman ang sasabihin ni Melchiorre ay ayaw niyang marinig nito. Tila noon lamang natauhan ang pinsan niya at tila naging mali-mali habang bitbit pataas sa dibdib ang walang lamang balde. Urong-sulong ito ngunit sa huli ay lumutang din ang isip bagaman sa halip na pumasok papasok ng bahay ay lumabas sa shop. "M-may kailangan kayo, Sir?" aniya sa lalaki.

Napalunok siya dahil titig na titig ito sa kanya. Bakit kung kailan kaunti na lang ay mukha nang basahan ang damit niya ay saka ito nagpakita? Bagaman malaki ngang talaga ang improvement ng hitsura niya at hindi pa rin masasabing kamukha siya ni Casilda. Ang ilong niya ay hindi na kasing-tangos ng noon, bagaman hindi tulad ng orihinal na hugis-balumbalunan ng manok sa mga butas. Ang mga mata niya ay naging mata ng sosyal, ang mga labi niya ay umimpis at lalo pang iimpis sa pag-andar ng mga araw. Ang magandang hugis ng kanyang mukha ay balik na rin sa normal, hindi na bakas na bakas ang panga niya ngayong wala na ang implants doon.

Ngunit higit doon, ang suot niya ay isang lumang daster, palibhasa ay paglilinis lang naman ang siyang pakay niya sa araw na iyon. "S-Sir?" pukaw niya sa lalaking hindi naalis ang mga mata sa kanya.

"Are we going to play this game, Mira?"

Napasinghap siya nang marinig ang pangalan niya mula sa mga labi nito. Tumahip lalo ang dibdib niya, halos hindi makapaniwalang sinambit nito ang pangalan niya. Gayunman, kailangan niyang sabihin, "S-sir?"

"Fine. We'll play your game."

Hiling niyang sana ay tantanan na nito ang pagtingin sa kanya sa ganoong paraan—na para bang nais nitong basahin ang kaluluwa niya. Hindi niya magawang salubungin ang tingin nito kahit dikta ng isip niya na iyon ang gawin niya.

"My name is Melchiorre Sandejas. And you are?"

"M-Mira po, Sir," pakilala niya, at nais niyang muling itanong dito kung ano ang kailangan nito ngunit naunawaan na niya ngayon kung gaano ka-absurd ang lahat. Alam na nito, pero hindi pa rin niya ito madirekta.

"It's funny, we've been together for four months and it's only now that we've been properly introduced. It's not really my habit to sleep with women whose name I don't know. But that's your fault for not telling me."

Animo siya tumakbo sa ikli ng agwat ng paghinga niya. Muli siyang napatingin dito. Mayroong talim sa mga salita nito. Nakuha niyang sabihin, "H-hindi ko po alam kung a-ano ang... ang..." Hindi na niya nagawang tapusin pa ang sinasabi niya dahil lalo na siyang nangliit. Naisip niyang kailangan niyang harapin ang lahat ng ito kaya itinuwid niya ang likod, saka ito muling hinarap, may bagong pagtatapang-tapangang nakapa sa dibdib. "Ano ang kailangan mo, Melchiorre?"

"That's more like it. No need for the mask now, really, Mira." Isang papel na nakatupi ang inabot nito sa kanya na agad niyang binuklat. Isa iyong demand letter mula sa isang abogado de kampanilya, na nagsasabing mayroong mga demandang nakahandang isampa sa kanya.

Para siyang sinuntok sa sikmura, higit sa problemang hatid ng ilang demanda roon ay ang katotohanang handa si Melchiorre na idemanda siya. Sa isang maliit na panig ng isipan niya ay naitanong niya sa sarili kung bakit kailangan pa niyang magtaka gayong hindi ba at ang posibilidad ng demanda ang unang pumigil sa kanyang sabihin dito ang lahat? Bakit ngayong nakaharap na siya roon ngayon ay parang hindi pa siya makapaniwala? At ngayon ay ano siya? Ano ang magagawa niya roon?

Natensiyon siya ngunit agad na naisip na hindi tanga si Casilda. Pinlano ni Casilda ang lahat mula simula at natitiyak niyang hindi ito basta-basta maglalabas ng ebidensiya. Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi pa nakakaabot sa korte ang lahat. Hindi naman subpoena ang ibinigay ng lalaki sa kanya, kundi isa lamang demand letter.

"Hindi pa umaakyat sa husgado ang kaso," aniya. Kakaunti lang ang alam niya sa batas ngunit isa roon ay ang katotohanang bailable ang mga kaso niya sakaling maisampa iyon sa korte.

Melchiorre and Mira - Dreams of Passion 1 (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon