Chapter 23

273 12 0
                                    


"A-ANG GANDA," iyon ang unang mga salitang namutawi sa mga labi ni Spring sa pagmulat ng kanyang mga mata at salubungin siya ng maaliwalas na kapaligiran.

Ang kulay asul na kalangitan. Ang puting-puting ulap na dati ay napagkamalan pa niyang maraming-maraming bulak noong siya ay paslit pa. Sa naalala ay napangiti siya. Naisip tuloy niya kung puwedeng maging bata na lang ulit. Dahil mabuti pa ang isang bata, walang ibang alalahanin bukod sa tiyan na dapat busugin o di kaya sa pagkaing dapat ubusin at hindi dapat sayangin.

Ngayon tuloy niya napagtantong ang pagiging matanda pala o ang pagbibinata at pagdadalaga ay may mga kaakibat na komplikasyon at mga responsibilidad. Responsibilidad na kahit hindi mo hiningi kung kanino o kung saan ay awtomatikong maipapatong sa mga balikat mo. At sa oras na nasaiyo na iyon, wala nang bawian. Hindi ka na puwedemg umurong. Wala ka ng ibang pagpipilian kundi ang panindigan iyon.

Maya-maya ay napakunot ang noo niya.

Nasaan ba ako?

Damang-dama niya ang init na nagmumula sa haring araw na bahagya nang nasa itaas at nagpapakitang gilas. Bahagya ng masakit iyon sa balat subalit para sa kanya ay ayos pa rin iyon dahil matagal-tagal din niyang hindi nasilayan iyon at naramdaman ang init na dulot niyon sa kanyang katawan.

Mula sa pagkakahiga sa isang pabilog na kama na punung-puno ng mga sariwa at makukulay at walang kasing bangong mga bulaklak ay naupo siya. Dumampot pa si Spring ng ilan sa mga iyon at inipon sa mga kamay bago iyon sinamyo.

"Ang bango!" bulalas niya. Napakabango niyon at hindi niya naiwasang muling mapangiti.

"Mabuti naman at gising ka na," narinig niyang sabi ng isang lalaki sa malagom at maawtoridad na boses. Kunot-noong hinagilap niya ito sa paligid. Nabigla pa siya ng makita itong nakaluhod sa damuhan ilang hakbang ang layo sa kanya.

"Sino ka?" nabibiglang tanong ni Spring.

Noon lang niya napansing wala siya sa gubat na naging kanlungan at kampo nila ng mga kasamahan, naroon siya sa isang napakalaki at napakalawak na hardin na punung-puno ng magagandang mga bulaklak. Hindi niya mapigilan ang humanga sa mga nakikita. Kulay berde ang mga puno at halaman. May mangilan-ngilan siyang nakikitang mga tuyong dahon na nalalaglag sa mga puno ngunit higit pa iyong nakadagdag sa ganda ng paligid para sa kanya. Pakiramdam niya ay normal na uri ang lahat.

Lumawak ang pagkakangiti niya nang masulyapan ang grupo ng mga ibong nasa mga sanga ng isang matayog na puno at may mayabong na mga dahon. Naririnig rin niya ang pag-aawitan ng mga ibong iyon. Ilang sandali pa ay may nakita siyang kunehong nanginginain sa isang tabi. Aliw na aliw na pinagmasdan niya ang pagkain nito ng mga carrots. Marahil ay naramdaman niyon ang pagtitig niya ay lumingon ito sa direksyon niya at dagling tumalon palayo sa kanya.

Natawa siya. "Hindi ko naman kukuhanin ang pagkain mo," wala sa loob na sabi niya. Nagulat pa siya nang makarinig ng malagom na pagtawa. Bigla ay naalala niyang may kasama siya.

Agad niyang nilingon ang lalaki na buhay na buhay ang pagtawa. Nababakas sa mukha nito ang edad subalit kung titingnan ay matikas pa rin. Malaki ang katawan nito at sa palagay niya ay puno ng awtoridad sa buong katawan.

"Bakit po?" magalang na tanong niya.

Noon naman ito tumikhim upang pigilan ang muling pagtawa subalit hindi pa rin maalis ang ngiti sa mga labi. At ang kislap sa mga mata nito.

"Paumanhin, Kamahalan," magalang na sabi nito.

Natigilan siya.

Bigla ay dumako ang kanyang tingin sa sarili. Nakasuot siya ng isang dilaw at mahabang bestida na abot sa kanyang talampakan. Ang tela niyon ay hindi basta-basta kundi napakagandang klase. Napakaganda rin niyon at napakalambot sa kamay.

Isla Encantacia Series Book 1 PRIMAVERA- The Missing HopeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon