Part 3

2.4K 69 8
                                    

MATAGAL nang nakaalis si Grace ay apektado pa rin si Luis ng huling salitang binitiwan nito. Close na close. At ano ang eksaktong ibig sabihin nito doon? Tuwing umuulit iyon sa isip niya ay parang nakikita pa niya itong nakatayo sa harapan niya. Na pinamumukha sa kanya ang magkadikit na dalawang daliri nito. Ano ang gusto nitong palabasin? Na untouchable ito?

Ano ang meron dito at sa presidente? Napailing siya dahil wala siyang makapang sagot. Ayaw din niyang basta lumundag na lang sa isang malisyosong konklusyon. Inakala lang niya noong una na uma-attitude lang ito. Pero mukhang proud pa sa kanya na aminin kung ano ang meron ito at si KS.

Wala siyang masyadong alam sa personal na buhay ng presidente. Kahit na halos kaibigan na ang turing nito sa kanya ay hindi pa rin lumalagpas ang trato niya dito bilang boss at mentor. Siya ang kusang naglagay ng distansya sa pagitan nila.

Nanggaling siya sa ibaba. Hindi niya kinakalimutan ang pinagmulan niya. Anak siya ng mag-asawang driver at katiwala ng isang mayamang pamilya. Sinuwerte lang sila na mababait ang amo nilang sina Loi at Albert. Pinag-aral siya ng mga ito. Itinuring na halos pamilya. Pero alam pa rin nila kung saan sila lulugar. Kahit kailan, hindi nila inisip na kapantay na nila ang amo. Kahit ngayon na malayo na rin ang narating niya kung tutuusin.

Kaya ganoon din ang ginawa niyang patakaran sa sarili at kay KS sa kabila nang ramdam niya ang sinserong pakikipagkaibigan nito sa kanya lalo na sa mga bagay na labas ang mga usapang opisina. Naglalagay siya ng distansya sa pagitan nila. Ayaw niyang isipin nitong langaw siyang nag-ilusyon na mas mataas pa sa kalabaw.

Pero bakit ipinilit nito sa kanya si Grace kung ito ang close pala? Binata si KS, gaya ng alam ng lahat. Puwedeng-puwede si Grace sa opisina nito. Ano na lang ba yung gawan nito ng kunwaring posisyon si Grace para mas maging close pa ang mga ito. Bakit sa opisina pa niya?

Again, he couldn't find an answer.

Ibinalik niya ang tingin sa computer. He studied the several figures there. Itinuon niya ang konsentrasyon doon. Mahabang oras din na napagtagumpayan niyang ibaling sa trabaho ang atensyon. Naabala lang siya ng isang tawag sa cell phone.

Kinabahan siya nang makita kung sino ang caller. Ang inay niya.

"Luis, anak. Si Lara." At hagulgol na nito ang sumunod na narinig niya.

Gumapang ang nakakakilabot na lamig sa buong katawan niya.

*****

SEVEN MINUTES. 

Iyon ang mga huling sandali ni Lara na inabutan niya. Everyone was around her. Ang mga magulang nitong sina Loi at Albert at ang kapatid nitong si Rachelle Love kasama ang asawang si Jake. Pati sarili niyang mga magulang ay nasa tabi rin ni Lara.

Siya ang huling dumating. Nang matanaw siya ng inay niya, lumapit ito sa kanya at agad siyang niyakap. Pigil na pigil ng kanyang ina ang pagtangis. Tinapik siya ng kanyang ama sa kanyang balikat. Nasa buong anyo nito ang simpatya sa kanya.

"Sige na, hijo. Baka ikaw na lang ang hinihintay niya," pigil din ang emosyon na sabi sa kanya ni Albert.

Parang hinawi ang mga ito na kusang nagbigay ng espasyo sa kanya nang lumapit siya sa hinihigaan ni Lara. Napakabigat ng mga paghakbang niya. Kasing-bigat ng isang invicible na bagay na nakadagan sa dibdib niya.

Umangat ang kamay ni Lara. Hirap na hirap ito. She was so weak. Napabilis ang paghakbang niya. Hinawakan niya ang mabutong kamay nito. Hindi na halos mababakas ang Lara na kilala nila dahil sa malaking pagkahulog ng katawan nito.

"Mamamatay na ako," sabi nito sa kanya sa mahinang boses.

Lalong naramdaman ni Luis ang bikig sa lalamunan niya. "Huwag mong sabihin iyan."

"We all know this will happen. It's just a matter of time. Ito na iyong oras ko, Luis. Hanggang dito na lang ako."

Nag-unahang gumulong ang luha sa mga mata niya. "Mahal kita, Lara," halos hindi lumabas sa bibig niya ang mga salitang iyon. Parang mauupos ang pakiramdam niya sa labis na emosyon sa dibdib niya.

"Salamat sa pagmamahal mo, Luis. Alam ko iyan. Ipinaramdama mo sa akin. I'm sorry that I'm sick. I would love to love you back." Kahit nanghihina ay dinala ni Lara sa mga labi nito ang kamay niya. "Thank you for loving me, Luis. Minahal din naman kita."

He made a sharp breath. Inihaplos niya ang isang kamay sa mukha nito. Hindi niya makuhang magsalita. Tulo lang nang tulo ang luha sa mga mata niya.

"Kiss me."

Mas lalong gusto niyang magpalahaw ng iyak. Unti-unti ay umuko siya. Marahan niyang iginawad ang halik na hiling nito. Naghinang ang mga paningin nila at malungkot siya nitong nginitian.

"I love you, Lara."

"I love you, too, Luis. I'm really sorry that I'm too weak to show you how much I love you."

Marahan siyang tumango. "Sapat na sa aking malaman na mahal mo rin ako, Lara. Masaya na rin ako na pinagbigyan mo akong mahalin ka."

"I'm so tired, Luis. Ayoko na. Hindi ko na kaya. Ang sakit-sakit na ng buong katawan ko."

Hinigpitan niya ang yakap dito. "Mahal kita, Lara. Mahal na mahal. Marami kaming nagmamahal sa iyo dito. We don't want you to go."

"Babaunin ko ang lahat ng pagmamahal ninyo." Pinagmasdan siya nito. "Magmahal ka uli, Luis. Aalis ako at hindi na babalik pa. You deserve to be loved, too. Masuwerte ang babaeng mamahalin mo pag-alis ko."

"Lara---"

"Promise me. Hindi mo isasara ang puso mo. Promise me."

Masakit na masakit ang kalooban niya na tumango siya. "Promise."

She made a weak smile at him. At mayamaya ay pumikit na ito.

Lumukob ang nakakaginaw na kilabot sa katawan niya. Tinapik niya ang pisngi nito. Kasabay ng hindi nito pag-imik ay ang pagkahulog ng kamay nito na hawak niya.

"Lara!" he called her in full anguish.

Ang sumunod na sandali ay ang malakas na palahaw ni Loi na pumupuno sa kuwartong iyon.

- itutuloy -

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame: Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

A Brand-New Christmas For LuisOù les histoires vivent. Découvrez maintenant