Part 4

2.4K 70 2
                                    

NAPAKAGANDA ng bulaklak na ni-receive ni Grace sa delivery boy. Gaya ng bilin ni Luis ay binigyan niya ito ng tip. Itinabi naman niya ang sukli.

"Vina, grabe si Lui manligaw, oh. Ang bongga pala talaga itong flowers kaya ang mahal."

"Hindi na bago iyan. Weekly siya nagpapagawa ng ganyan. Ayan ka na naman. Baka marinig ka noon na tinatawag mo siyang Lui."

"Lui pag hindi siya kaharap. Suwerte ni ate girl. Kilala mo ba kung sino ang binibigyan nito?" curious na tanong niya.

"Ang alam ko lang Lara ang pangalan. Nakita ko kasi siya dati, sumusulat siya doon sa card. Lara iyong nabasa ko."

"Anong oras kaya niya ito babalikan? Napansin mo ba kanina? Parang hinahabol ng dragon nung umalis?"

"Wala akong idea. Magpa-five na, Grace. Mag-a-out ako ng five. Ikaw?"

"Paano itong mga flowers? Anong gagawin ko dito?"

Nginitian siya ni Vina. "Kayang-kaya mong diskartehan iyan. Sa iyo ibinilin iyan."

Siya na lang nag naiwan sa opisina nang lumampas ang alas-singko. Nakatitig siya sa mga magagandang bulaklak. Nanghihinayang siyang iwan iyon doon. Hindi rin niya alam kung bakit bigla na lang umalis kanina ang masungit na boss. Ngayon lang iyon nagmamadaling umalis na walang binilinan sinuman sa kanila.

Naisip niyang tawagan ang tiyo. "Uncle, missing in action ang boss ko. Bigla na lang umalis kanina."

"Katatawag lang niya sa akin. Nanghingi siya ng isang linggong bakasyon. Umuwi ka na. Hindi na iyon babalik diyan."

"Sayang naman iyong flowers dito. Hindi niya ito babalikan?"

"What flowers?"

"I don't know. Sabi lang ni Vina dito baka para ito doon sa Lara. Iyon daw ang palaging binibilhan nito ng bulaklak."

"Mary Grace, listen. Si Lara ang dahilan sa biglaan niyang bakasyon. Hintayin mo na lang si Dario na kunin niya sa iyo ang bulaklak. Sumabay ka na rin sa akin. May pupuntahan tayo bago umuwi."

"Okay, Uncle."

Hindi na siya nagtanong pa. Na-excite siya na sabay silang uuwi. Langit sa kanya na makasabay ito sa pag-uwi. Ibig sabihin ay hindi siya mahihirapang mag-commute. Hirap na hirap siyang makakuha ng taxi kapag rush hour. At mas dusa ang pagsakay niya sa bus dahil kailangan din niya uling lumipat ng taxi para naman makapasok siya sa executive village na tinitirhan nito.

"How's your work?" tanong sa kanya nito habang nagdi-dinner sila.

"The truth, Uncle? I'm bored to death. Parang wala naman akong ginagawa doon. Kayang-kaya ni Vina na maging secretary ng masungit na boss."

"Iyong posisyon ni Luis, dalawa talaga ang secretary. Isang gaya ni Vina at isang gaya ng trabaho mo."

"Taga-timpla ng kape? Taga-order ng bulaklak para sa nililigawan niya? Interesting, Uncle. From being a señorita, demote na demote na ako ngayon."

"May choice ka, Grace. Remember?"

She sighed. "Uncle, dito na lang ako sa iyo. Hindi ko magagawa ang magpakasal ako sa taong hindi ko mahal."

"Buhay-reyna ka sa lalaking pinili sa iyo ng mama mo, Grace. Mas gusto mo pa bang maging empleyada kesa magpasarap sa buong-buhay mo?"

"Paano sasarap ang buhay ko kung hindi ko naman gusto ang lalaking kasama ko araw-araw?"

Tinitigan siya ng tiyo niya. "Ikaw ang may sabi, boring ang buhay mo dito."

"Mas gusto ko na rin ito kesa bumalik ako kay Mommy. I earn my keep. Pinaka-dusa ko na iyong mag-commute araw-araw. Sa magandang bahay pa rin ako nakatira. Gamit ko pa rin ang mga talagang gamit ko."

"Grace, alam mong hindi kita mapapabayaan. Nag-away kami ng mommy mo dahil sa pagpapatira ko sa iyo dito. Pero ano ang gusto niyang gawin ko? Hayaan kang umupa sa kung saan na lang? Delikado ang panahon ngayon. Hindi kakayanin ng konsensya ko na mapahamak ka kung kaya naman kita protektahan, in the first place."

"Thanks, Uncle."

"Pagtiyagaan mo na lang iyang trabaho mo. Ayoko rin na malayo ka sa akin. I know, may pinag-aralan ka. Kaya mong maghanap ng ibang trabaho. Pero mas gusto ko na natatanaw kita. Puwede nga rin na pumirmi ka na lang sa bahay ko at kakain ka naman sa maghapon, pero alam kong lalo kaming mag-aaway ng mommy mo kapag ginawa ko iyon."

"Thank you for helping me, Uncle."

"Hindi kita matitiis. Pamangkin kita. Grace. Malaking bagay na nasa tabi ka ni Luis. Marami kang matututuhan sa kanya."

"Magtimpla ng kape? Na-perfect ko na ang gusto niyang timpla. Hindi niya ako halos kinakausap. Alam ko naman na ayaw niya ako sa tabi niya."

"May pinagdadaanan lang iyong tao. Pagtiyagaan mo pa siya. Lalo na ngayon."

"What do you mean by that?"

"Mas masakit ang pinagdadaanan niya ngayon. Kailangan niya ng pang-unawa. He's my protégé, Grace. I know him so well kaya nauunawaan ko siya ngayon. Naniniwala akong pag nakabangon siya, he'll be better than his best. He's the best trainer for you. Gusto kong matutuhan mo rin ang KSI. Baka nakakalimutan mo, wala pa akong tagapagmana."

"Mahina ako sa math, Uncle."

Walang appeal sa kanya ang kumpanya nito. Hindi siya interesado sa anumang yaman ng tiyo niya dahil alam niyang meron din naman siya. Meron siyang trust fund at hindi biro ang halaga niyon. Alam niya, kahit galit sa kanya ang mommy niya ngayon ay mapapasakanya pa rin naman iyon balang araw. Pagtuntong niya ng edad treinta. At limang taon na lang iyon mula ngayon.

Malamang ay nagdidiwang ang mommy niya na hindi nito ginawang twenty-five years old siya para mapasakanya ang trust fund na iyon. Kung nagkataon ay malayo na malamang ang naging lipad niya. Bukas naman sa kanilang pag-usapan ang tungkol doon. Sabi nga ng mommy niya, tama na na pag thirty years old na siya ay saka niya hawakan ang pera niyang iyon. Umaasa ito na mature na siya pagdating ng panahong iyon.

Nagkaproblema lang silang mag-ina nang ipilit nitong ipakasal siya sa anak ng best friend nito. Matagal na niyang sinasabing ayaw niya at akala niya ay naiintindihan siya nito. Pero ipinilit pa rin hanggang sa mag-away sila. Pinalayas siya nito.

Pero sa lahat naman ng pinalayas, siya itong sinundo pa ng van ng Uncle Kevin niya. Nakapagdala pa siya ng mga gusto niyang gamit. Ipinag-shopping pa siya ng uncle niya ng iba pa niyang gamit nang makitang kulang ang bitbit niya. Branded, of course. Hindi naman siya tinitipid ni Uncle Kevin.

At alam niyang magkakaayos din sila ng mommy niya. Alam niya tinitikis lang din siya nito dahil masyado itong napahiya sa amiga nito. Sino ba naman kasi ang may sabing ipagkasundo siya sa anak ng best friend nito? Habang panahon na wala siyang kagana-gana sa Lance Montellano na iyon. Hindi siya nai-impress sa kahit anong achievement nito sa buhay.

"Lahat naman ng bagay ay napag-aaralan," narinig niyang sabi ni Uncle Kevin. Idinampi nito ang napkin sa bibig nito at uminom na ng tubig. "Are you done? Pupunta pa tayo sa Arlington."

"Arlington? Iyong funeraria? Sino ang namatay?"

"Si Lara. Nagluluksa ngayon si Luis."

Wala siyang maapuhap na sabihin. 

- itutuloy -

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame: Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

A Brand-New Christmas For LuisWhere stories live. Discover now