Chapter 4

17 3 0
                                    

[Chapter 4]

Bago sa paningin ko ang isang pedicab na nakapwesto nasa gilid waiting shed. May mga paninda itong fishball, kikyam at pinutol-putol na hotdog. Umupo ako sa waiting shed at pinanuod ang pagpiprito ng payat at matandang lalaki.

Uwian na. Gutom na ako. Gusto ko sanang bumili ng fishball kaso pamasahe nalang ang natira sakin. May pailan-ilan paring estudyante ang bumibili kay Manong. Maya-maya pa ay isa-isa na ring nagsi-alisan ang mga ito. Nakita ko na dumungaw si Manong mula sa kayang lumang payong para tingnan ang langit.

"Uulan na neng, hindi ka pa ba uuwi?" wika niya, lumingon pa ako sa paligid para siguraduhin na ako ang kinakausap niya. Baka kasi nag-aassume lang ako.

"Naghihintay pa po ako ng jeep." sagot ko sa kanya nang makita kong kami nalang dalawa ang tao. Napansin kong pinatay na niya ang gamit niyang lutuan at akmang papadyak na sa kanyang bisikleta.

"Siguradong malakas yan." sambit niya at saka niya pinaarangkada ang bisikleta. Napasulyap ako sa langit. Nakita kong makulimlim nga ito at siguradong anumang oras ay maaaring umulan ng malakas.

Ibinaling ko ang tingin sa kalsada. Napangiti ako nang may nakita akong jeep, buti nalang. Kahit may dala akong payong ay ayoko parin abutan ako dito ng ulan. Akma sana akong tatayo para mabilis na makasakay pero hindi ito tumigil. Napansin kong puno na ang sasakyan at may nakasabit pang pasahero sa hulihan ng jeep.

"Bakit kaya wala masyadong dumaraan na jeep?" pag-aalala ko sabay tanaw ulit ang kabilang dulo ng kalsada. May mga dumadaang ibang sasakyan pero walang pampasaherong jeep.

Narinig ko ang pailan-ilang patak ng ulan mula sa bubungan ng waiting shed. Naalala ko bigla ang payong ko. Kinuha ko ang bag sa likuran ko at binuksan ang malaking compartment. Gusto ko nang ihanda ang payong ko kung saka-sakali.

Bumungad sakin ang mga notebook at tatlong makakapal na libro. Hinalungkat ko ang kailaliman para kapain ang payong. Puro notebook at libro lang ang nakakapa ko ay agad kong tinignan ng maayos ang loob ng bag ko. Isa-isa kong inilabas ang gamit ko at inilagay sa hita ko.

Itinaktak ko pa ito at sinilip ng maayos. "Naiwan ko ang payong ko!" sambit ko. Nanlumo ako at napatingin sa kalsada. Dahil sa sobrang lutang ko kaninang umaga, hindi ko na natingnan kung nay dala ba talaga akong payong. Bat kasi ang tagal ng jeep. Kinakabahan na ako dahil baka biglang lumakas ang ulan.

Saglit lang ay nangyari na nga ang kinatatakutan ko. Unti-unting bumagsak ang malalaking patak ng ulan sa bubong at sa kalsada. Dali-dali kong ibinalik ang mga gamit ko sa bag at saka medyo umurong sa bandang hindi ako maaabot ng tilamsik ng ulan.

Halos dumilim ang paligid sa lakas ng ulan at mas lalong naubos ang mga dumaraang sasakyan. May iilang estudyante pa akong nakitang dali-daling sumakay sa kahuli-hulingan tricycle na nakaparada sa tapat ng gate.

Kapag may dumaang jeep, siguradong basang-basa ako bago tuluyang makasakay.

Nakita kong tumitilamsik ang tubig kapag tumatama sa sementadong kalsada. Pagsulyap ko sa sapatos ko at sa puti kong medyas ay may pailan-ilan narin itong tilamsik ng putik.

Pilit kong itinaas ang paa ko para umiwas sa tilamsik ng ulan, pero parang mas lalo naman akong nababasa. Noong nangalay na ako ay ibinaba ko rin ang paa ko at hinayaan na itong mabasa.

Napabuntong-hininga ako at napatitig sa mabilis na agos ng tubig sa may gilid ng kalsada. Unti-unti akong natulala at napa-isip ng malalim. Lumabo ang pagkakaaninag ko sa umaagos na maduming tubig sa gilid ng kalsada at biglang tumahimik ang paligid.

******************
"Happy birthday to you, happy birthday to you, happy birthday, happy birthday, happy birthday Hannaaa!" pagbibirong kanta ng mga kaklase ko.

Reaching YouWhere stories live. Discover now