Part 15

21.4K 538 5
                                    


TINANGKANG habulin ng guard ang estranghero pero pinigilan ito ni Allen at pinaliwanag ang nangyari. Kahit ang babaeng iniligtas niya nagbigay din ng statement. Nilarawan nila ang mga lalaking nang harass sa babae at pagkatapos mangako ang guard na makakarating sa kinauukulan ang reklamo nila ay hinatid pa sila nito hanggang sa loob ng auditorium.

Nagpasalamat sa kaniya ang babae bago nagpaalam para puntahan ang mga kaibigan nito. "My God, that was scary," pabuntong hiningang sabi ni Carla. Napatingin siya sa mukha nito. Namaywang ang babae. "Allen, nakakabilib na matapang ka pero delikado pa rin ang ginawa mo, okay? Please don't do that again. May iba't ibang klase ng frat boys sa University na 'to at karamihan sa kanila ay bad news. Hindi sila madisiplina kahit ng supreme student council at mga professor. Ang mga matataas na posisyon lang sa fraternity nila ang sinusunod nila. And most of those high ranking officials are cruel and merciless. Kaya mas makakabuti kung iiwasan sila imbes na labanan, okay?"

Bigla niyang naalala ang lalaking nakasuot ng hooded jacket. Kung mga nag-aambisyong member ang mga lalaking nakaengkuwentro niya at ganoon na lang ang takot ng mga ito, ibig sabihin may mataas na posisyon sa kung anong fraternity ang estranghero na iyon.

"Allen? Nakikinig ka ba sa akin? Please, please, don't ever get involve with frat men. Sa four years ko sa laboratory high school, hindi ko na mabilang kung ilang frat war ang nabalita at ilang estudyante ang nasuspinde at na-expel. Normally, hindi nila ginagalaw ang mga normal na estudiyante pero hindi rin tayo nakakasiguro. Tingnan mo nga ang nangyari kanina, 'di ba?"

Kumunot ang noo niya sa mga paalala ni Carla. "Kung ganoon sila kadelikado, bakit tinotolerate sila ng school? Bakit hindi sila i-abolish or something?"

Biglang nawala ang takot at worry sa mukha ng babae at ngumisi ito. "Kasi sila ang nag-o-organize ng the best events sa campus. Katulad nitong concert. Tapos kada anniversary ng fraternity, nagdo-donate ang alumni nila ng malaking halaga sa school o kaya iniisponsor ang pagpapatayo ng building at pagbili ng mga bagay na kailangan ng mga estudyante. Malaki ang naitutulong nila sa university at lalo na sa mga estudyante. Besides, walang mairereklamo ang university pagdating sa high ranking officials ng mga fraternity dito sa atin. Kasi lahat sila achievers at may excellent grades. Lalo na sa Alpha Omega na kasama sa requirements ang mataas na IQ para magkaroon ng mataas na posisyon."

"Hmm..." Tinitigan niya si Carla. "Ang dami mo talagang alam, 'no?"

Tumawa ito at kumapit sa braso niya. "Yup. Gossip was our past time back in high school. Anyway, ienjoy na lang natin ang gabing 'to. Punta tayo sa harapan para mas malapit sa banda."

Hinayaan ni Allen na hilahin siya ng kaklase. Naroon na rin siya kaya i-e-enjoy na rin niya ang gabing iyon.

ISANG buwan ang lumipas at naka-adjust na ang freshmen sa college life. Regular na ang mga klase at mas komportable na rin ang lahat sa mga bagong kakilala. Dahil sa nangyari noong live concert pagkatapos ng freshmen orientation, naging buddy sina Allen at Carla. Magkatabi na sila palagi sa klase, magkasabay kumain kapag lunch at magkasama kapag free time kung hindi ito kailangan sa mga school organization na sinalihan nito.

Pero bukod sa kaniya marami pa itong kaibigan, sobrang dami actually na madalas napapaisip siya kung paano nito natatandaan ang pangalan ng lahat ng mga taong iyon. Kaya hindi nakakapagtaka na mabilis na naging popular sa buong Psychology Department si Carla.

Si Allen naman, hindi sumali sa kahit na anong school organization. Nakakausap niya ang mga kaklase niya pero hindi siya sobrang close sa kahit na sino sa mga ito. Imbes na magpaka-active sa kung anu-anong activity, mas kuntento siyang maglakad-lakad sa buong campus o kaya tumambay sa mga park, magreview ng lessons na mas mahirap kaysa inaasahan niya o kaya tumitig sa kawalan.

"Bakit hindi mo subukan sumali kahit sa isang organization o club, Allen?" palaging tanong ni Carla sa kaniya kapag nagkikita sila.

"Hindi ako kasing talino at versatile ninyo. Hindi ko kaya pagsabayin ang studies at extracurricular activities," katwiran niya palagi. Pero ang totoo, wala lang talaga siyang interes sa kahit anong organization sa university.

Well actually, mayroong isa. Pero kahit gusto man niya sumali hindi naman puwede. May mga araw nga lang na hindi niya maiwasan makaramdam ng longing sa tuwing nakikita niyang nag wa-warm up at nag ja-jogging paikot sa campus ang members ng taekwondo team. Katulad sa araw na iyon na tapos na ang lahat ng klase pero hindi pa siya puwedeng umalis kasi may naka-schedule silang meeting para sa group report ng alas sais ng gabi. Iyon lang kasi ang oras na available ang lahat ng group member. Naglalakad si Allen papunta sa university main library nang dumaan ang taekwondo team, nakaisang linya at tumatakbo.

Huminto siya sa paglalakad at sinundan ng tingin ang mga ito. May kirot siyang naramdaman sa dibdib niya. Bago pa niya namalayan, kusa nang gumalaw ang katawan niya at humakbang pasunod sa mga nag ja-jogging. Natauhan lang siya nang lumiko ang mga ito sa pathway sa pagitan ng likod ng auditorium at ng mataas na pader na barrier naman ng Olympic pool.

Huminto si Allen at nakuyom ang mga kamay kasi naalala niya na doon niya nakitang hinaharass ang babaeng tinulungan niya noong freshmen orientation. Mula kasi noon iniiwasan na niyang mapadpad sa lugar na iyon. Pero naririnig niya pa rin ang taekwondo team kahit nang lumiko na ang mga ito at mawala sa kanyang paningin. Lumingon muna siya sa magkabilang side at nang walang makitang kahina-hinalang mga tao ay naglakad siya sa pathway hanggang makita niyang may maluwag palang espasyo sa dulo niyon. Sa hilera ng gilid ng auditorium, nagsisimula nang mag stretching ang taekwondo team habang ang trainers ay may hawak nang kicking target.

Bumilis ang tibok ng puso niya at gumana ang adrenalin niya kasi nangangati siyang mag stretching din at sumipa. But she has been out of practice for so long. Pakiramdam niya wala siyang karapatang bumalik sa isang bagay na tinalikuran na niya. Kaya umatras siya hanggang hindi na niya nakikita ang mga nag-e-ensayo pero hindi tuluyang umalis. Patalungko siyang umupo sa gilid at sumandal sa pader, nakapikit na pinakinggan ang bawat 'hiya' at bawat tunog ng sipa na tumatama sa target. Ni hindi niya namalayan ang oras kasi ang isip niya napunta na sa nakaraan, noong panahon na ang mga tunog na iyon lang ang sentro ng buhay niya. How happy and naïve she was back then.

Bumalik lang sa kasalukuyan ang kamalayan ni Allen nang maramdaman niyang may palapit sa puwesto niya. Dumilat siya at ang una niyang nakita ay ang mga binti ng grupong naglalakad mula sa opposite side ng practice area ng taekwondo team. Ibig sabihin may lagusan pala sa side na iyon na puwedeng daanan ng mga estudyante. Isang buwan na siyang college student pero marami pa rin talagang parte ng campus na hindi niya nae-explore.

Na-tense siya nang mapatitig siya sa binti na naka-faded jeans at itim na chuck taylor. Nahuhuli ito ng ilang hakbang kaysa sa mga kasama nito. Alam niya na maraming lalaking estudyante ang nagsusuot ng mga iyon pero bigla niya pa rin naalala ang estranghero na nakaengkuwentro niya sa gabi ng freshmen orientation. Nagtawanan ang mga lalaki, may pinag-uusapan na tungkol sa gimik daw mamayang gabi kaya napatingin siya sa wristwatch niya. Nanlaki ang mga mata niya kasi alas singko na pala ng hapon. Dapat kanina pa siya nasa library at naghahanap ng research material para sa report nila. Huminga siya ng malalim at tumayo.

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon