Part 20

21.9K 638 27
                                    


KAHIT na hindi siya natakot sa mga banta ni Maki, nagdesisyon pa rin si Allen na huwag na bumalik sa old building. Sa kaswal na pagtatanong, nakumpirma niya kay Carla na tambayan nga ng frat boys ang gusali na iyon. Nandoon pala kasi ang opisina ng mga fraternity at iba pang university organization na kaunti lang ang members kaya hindi nabigyan ng mas magandang office. Kasing tanda raw ang gusali na iyon ng lumang ancestral house sa loob ng campus na siyang cultural center naman ng University at tambayan ng mga theatre at mass communication students.

Pero hindi ibig sabihin niyon ay titigilan na niya si Maki. Tama naman ito na hindi na sila tulad ng dati. Ibang mga tao na sila ngayon. Hindi na sila mga bata. But she can't just leave him alone. Kaya tinetext niya ito palagi. Hindi nga lang ito sumasagot. Nakakainis.

Tinetext na naman niya si Maki isang umaga, habang sabay silang nag aalmusal ng papa niya dahil sa wakas ay day duty na ito. Nagulat siya nang mag reply ito sa wakas. Stop it. You're annoying. Tumaas ang kilay niya pero hindi nainis. Katunayan napangisi pa nga siya.

"Kamusta ang college? Mukhang nag e-enjoy ka ah," biglang komento ng tatay niya. Napatingala siya at nakita niyang nakaangat ang mga kilay nito at nakatingin sa cellphone niya. "Umamin ka nga sa akin, may boyfriend ka na ba, Allen?"

Napanganga siya at nanlaki ang mga mata niya. "Papa! Wala po."

"Nagsasabi ka ba ng totoo?" seryosong tanong nito.

Natawa siya. "Opo. Hindi ba may promise tayo sa isa't isa? Walang sikreto at walang kasinungalingan. Hindi ko po itatago sa inyo kung may boyfriend ako."

"Eh sino 'yang ka-text mo?"

Ngumisi siya. "Si Maki po. Nasa university din siya papa! Hindi ba nakaka-amaze ang coincidence na nagkita kami uli ngayong college na kami?"

Halatang nagulat ang tatay niya. Pagkatapos umaliwalas ang mukha nito at halatang natuwa. "Aba, eh 'di isama mo rito sa bahay natin. Tamang tama off duty ako sa sabado. Dalhin mo siya rito para makita ko naman at makapagkamustahan kami."

Ngumisi si Allen at sunod-sunod na tumango. Hindi na lang niya sinabi na mas mahirap gawin ang gusto ng kanyang ama kaysa akala nito. Duda siyang sasama agad sa kaniya si Maki.

Tumitig sa mukha niya ang papa niya. Pagkatapos nagulat siya nang bigla nitong haplusin ang buhok niya at masayang ngumiti. "Nagbalik na si Maki sa buhay mo. Kaya naman pala nakikita ko na naman ang sigla sa mukha mo na katulad noong bata ka pa. Naging malungkutin ka mula noong mag high school ka. Naging parang palaging galit sa mundo. Kinabahan ako nang sabihin ng doktor mo na malapit na mapunta sa clinical depression ang kalagayan mo noon alam mo ba? Mabuti na lang may martial arts lessons sa nag-iisang gym sa bayan natin, kung hindi, hindi ko alam kung anong gagawin ko para matulungan kita."

Napangiwi siya, hinawakan ang kamay nitong nasa pisngi niya at lalo pang humilig doon. "Sorry pinag-alala kita, papa."

Tumango ang kanyang ama at nagpatuloy sa pagsasalita. "Alam ko na hindi lang ang pagkawala ng mama mo ang dahilan kaya nagbago ka, Allen. Alam ko na dinibdib mo rin ang pag-alis ni Maki. Sobrang close kayo sa isa't isa. Kaya masaya ako na nagkita kayo uli. At nasa iisang university pa kayo. Pangalawang beses nang nagtagpo ang mga landas ninyo mula nang una kayong nagkita noong five years old kayo. Hindi na lang coincidence ang tawag 'don, anak."

Ngumiti siya at uminit ang kanyang pakiramdam. Kasi pareho sila ng naiisip ng tatay niya. Hindi na lang ito coincidence. Pinaglalapit talaga sila ni Maki ng tadhana. Kaya hindi niya hahayaan na basta siya nito iwasan. "Papa, alam ko matutuwa siya na makita ka. Love na love ka ni Maki eh."

Tumawa ang kanyang ama at binawi na ang kamay. "Malapit din naman ang loob ko sa batang 'yon. Isa siya sa mga dahilan kaya nasiguro ko na tama ako ng desisyong maging pulis. Masarap makapagligtas at makatulong sa ibang tao. O siya, tapusin mo na ang pagkain mo. Mamaya na ang pag te-text baka ma-late ka sa klase mo."

Ibinaba ni Allen ang cellphone sa lamesa at mabilis na kumain. Pagkatapos sabay na silang lumabas ng apartment ng papa niya. Nakasuot na ito ng police uniform habang siya naman nakasuot ng straight cut maong jeans at puting blouse. Ang mahaba niyang buhok naman nakapusod sa tuktok ng ulo niya.

Niyakap siya ng kanyang ama at hinalikan naman niya ito sa pisngi. Pagkatapos naghiwalay na sila, naglakad sa opposite direction. Siya papunta sa campus habang ito naman papunta sa police station kung saan ito nakadestino.

Sa ibang building ang klase nila sa araw na iyon kasi ang first subject nila ay CS 100 – related sa computer. Sa classroom at puro lecture lang ang ginawa sa klaseng iyon sa unang mga session kaya lahat sa block nila excited na mula ngayon sa computer laboratory na gagawin ang klase. Sabi ni Carla, maganda raw ang computer lab sa university nila. Last year nga lang daw, nag donate ang alumni ng Alpha Omega fraternity ng mga bagong computer unit. Mabilis din daw ang internet connection. Iyon nga lang, hindi puwedeng gamitin kapag hindi naka-schedule ang klase.

Pagpasok pa lang ni Allen sa building nakita na niya agad si Carla at ang iba pa niyang blockmates. Nasa tapat ng pinto ng computer lab ang mga ito. Kumunot ang noo niya kasi parang may kung anong sinisilip ang mga babae sa loob ng lab habang naghahagikhikan. Mataas ang glass window pero walang pakielam ang mga ito kahit nahihirapan na tumingkayad at nagkakandahaba na ang leeg.

"Anong ginagawa niyo?" tanong niya nang makalapit sa mga ito.

Nilingon siya ni Carla at ngumisi. "Mga taga-computer engineering ang nagkaklase sa lab bago tayo. Maraming pogi sa department nila."

Tumaas ang kilay ni Allen. "Ah, okay," hindi interesadong sagot niya. Tumalikod na siya. "Tawagin mo ako kapag turn na natin sa computer lab. Tatambay lang ako sa labas."

"Teka lang! Huwag ka na umalis. Tapos na yata ang class nila. Nagtayuan na 'yung iba eh," pigil sa kaniya ni Carla. "Ugh, tuktok lang ng ulo ng boys ang nakikita ko."

Napailing siya at humarap uli sa mga kaklase. Tiyempo namang bumukas na ang pinto ng computer lab at naglabasan ang mga estudyante. Naging pa-cute ang mga kaklase niya kaya curious na tiningnan niya ang mga lumabas. Gusto niya matawa pero pinigilan niya ang sarili. Totoo naman kasing may hitsura ang mga computer engineering students. Pero sa tingin niya hindi naman enough para mamilipit na parang mga bulate ang mga kaklase niya.

Tumambay pa sa labas ang mga lalaki kaya wala pang girls sa block nila ang pumapasok. "Carla, mauuna na ako sa loob. Ise-save na lang kita ng computer," sabi ni Allen sa kaibigan na tumango lang. Ni hindi siya tiningnan. Napailing na lang siya uli at pumasok sa laboratory.

Maluwag sa loob, aircon at high tech nga ang feel. Naglakad siya papunta sa pinakadulong row, malayo sa white board na siguradong pagpupuwestuhan ng professor nila. Natigilan siya nang makarating siya roon. Kasi may natira pa palang estudyante. Nakaupo sa harap ng pinakadulong computer. Tumalon ang puso niya at bigla siyang na-excite. Kasi pamilyar ang build ng katawan ng lalaking iyon. Pamilyar ang porma na hooded jacket, kupas na maong at chucks taylor na sapatos.

I found you, Maki!

Bachelor's Pad series book 13: THE MYSTERIOUS HEIRWhere stories live. Discover now