KABANATA 20: Pagtatapat

413 33 6
                                    



"AMA ko si Buhawan..." Sinagot ni Hasmin ang alam niyang maaaring itanong sa kanya ni Moymoy.

Iniwas ni Hasmin ang kanyang tingin kay Moymoy. Ayaw mang ilabas sa bibig ni Hasmin ang sinabing iyon dahil mahirap at masakit tanggapin, naisip niyang walang dahilan para hindi pa niya iyon ipagtatapat dahil alam niya kung ano ang nasa isipan ni Moymoy—na may kaugnayan siya kay Buhawan dahil magkadugo silang dalawa.

"Ibinulong niya iyon sa akin ni Buhawan bago niya ako iniwan sa pagkakagapos sa talon."

Napalunok si Hasmin. Naalala niya kung papaano sinabi iyon sa kanya ni Buhawan. Isang bagay na ayaw sana niyang naaalala. At kapag naaalala man niya iyon, para niyang naririnig ang boses ni Buhawan. Para rin niyang nakikita ang nakakatakot nitong mukha, nakangising sinabi iyon ni Buhawan ang bagay na iyon:

"Magkadugo tayo, Hasmin. Anak kita. Kaya dapat, maging masaya ka sa amo (ama?) mo. Maging masaya ka, dahil magiging isa na akong Apo."

Napayuko si Moymoy. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa paligid.

Patuloy ang paglalayag ng kanilang balsa.

Pinahid ni Hasmin ang mapapait niyang luha. Nakita iyon ni Moymoy. Nakita niyang bumuntong-hininga ang dalaga at humugot ng lakas na tanggapin na lamang ang lahat. Sa kabila niyon, habang nag-uusap sila ni Hasmin, kanina pa iniisip ni Moymoy ang isang bagay—ibang-iba na ang kabuuan ng dalaga. Isang ganap na itong dalaga. Kung noon ang tingin niya kay Hasmin ay isa ring batang kagaya niya, ngayon matapos ang matagal na panahong hindi nila pagkikita, ito ay biglang naiba. Sa hapit na bestidang suot ni Hasmin na kulay-abo, kitang-kita ni Moymoy ang hubog ng katawan ng dalaga. Morena ni Hasmin. Lalo pang humaba ang buhok nitong nakabsak (nakabagsak?) at unat na unat kaya kitang-kita ang maamo nitong mukha. Kanina, habang nagsasalita si Hasmin, napansin kaagad ni Moymoy na may kung anong malaking pagbabago sa kanyang mukha—naging higit itong kaakit-akit. Ang kanyang nang-aakit na mga mata, ang makapal na labing mamula-mula, ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin, ang kanyang ilong na napakaganda ng tabas. Lahat ng mga iyon, pati ang kanyang katawan ay waring likha ng isang mahusay na iskultor.

Napalunok si Moymoy. Hindi niya maikaila sa sarili niya na habang pinagmamasdan niya si Hasmin ay sadyang naaakit siya rito. May kaba siyang nararamdaman sa kanyang dibdib. Naisip niya—tama ba ang sinabi noon ni Ella sa kanya na si Hasmin ang natatanging babaeng matimbang sa kanya kaysa ibang babaeng nakilala niya?

"Moymoy."

Matamang nakatingin si Moymoy kay Hasmin nang bigla siyang matigilan nang marinig ang pagtawag nito sa kanyang pangalan. Sa pangalawang pagtawag nito sa kanya tsaka lamang ito nakapagsalita para sagutin ang pagtawag na iyon ng dalaga sa kanya.

"Hasmin. Bakit?"

"Malapit na tayo sa bukana ng kuweba. Delikado ang lagay natin paglabas natin dito. Nalalaman na ng mga kalaban na nandito ka sa Gabun. Malakas ang pang-amoy ng mga bugani," nag-aalalang sabi ni Hasmin.

"Ano ang gagawin natin? Kung may lulusob man sa atin, wala tayong magagawa kundi ang lumaban," sabi ni Moymoy. "A-ako na lang. Baka mapahamak ka pa..."

Napatinging bigla si Hasmin sa kanya. Bigla naman siyang napayuko. Kumabog na muli ang dibdib niya. Naisip ni Moymoy, nahahalata kaya ng dalaga na naaakit siya sa kanya—na may nararamdaman siyang kakaiba? Nakita kaya ni Hasmin ang pamumula ng kanyang (mga) pisngi dahil ang totoo'y naramdaman niya ang pag-init ng mga iyon. Pero sa isip ni Moymoy, sinsero ang kanyang sinabi sa dalaga—ayaw niya itong mapahamamak. Hindi na baleng siya na ang masaktan dahil alam niyang di baleng siya ang masaktan. Isa pa'y natitiyak siyang ipagtatanggol talaga niya ang dalaga sa ano mang kapahamakan.

"Hindi ka na dapat pang pumunta kanina sa labanan sa palasyo," sabi ni Moymoy. "Kayang-kaya ko naman sila. Mapapahamak ka. Ako na lang."

Hindi siya sinagot ni Hasmin, muling ibinalik ng dalaga ang tingin sa dulo ng kanilang pupuntahan.

"May alam akong paraan para walang makakita sa ating kalaban pagkalabas natin sa yungib na ito," sabi ni Hasmin.

"Ano 'yon?"

"Ako ang bahala," sagot ni Hasmin.

Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon