KABANATA 40: Sa Harap ng Punong Mangga

1K 48 17
                                    


BAKASYON pa rin sa eskuwelahan. Nananatili pa rin si Moymoy sa bahay nila sa Balara. Sa kaloob-looban niya, para siyang may obligasyon na dapat gawin sa buhay. Sa kaloob-looban niya, parang ayaw niyang umalis—ayaw magliwaliw o mamasyal kasama sina Ella, Diego, at iba pang mga kaklase.

Matutulog sa gabi. Magigising. Maglilinis ng bahay. Kakain. Magbabasa ng libro. Pagkatapos ay matutulog. Ito lang ang ginagawa ni Moymoy at walang ibang kasama maliban si Spaghetti.

Sa mga araw na nagdaan, palaging iniisip ni Moymoy ang kanyang naging buhay—lalo na ang naging buhay niya sa Amalao. Naranasan niya kung papaano makisalamuha sa mga tao (buntawi.) Naranasan niya ang masayang pakikisalamuha sa sa piling ng mga ito. Naranasan niya ang maging malaya.

Naisip niya—kung naging lubos man siyang naging malaya sa Amalao, si Alangkaw na kapatid niya ay naranasan ang kung papaano ang hindi malaya—kung papaano ang nakagapos at nagdusa, hindi lang ng kanyang katawan kundi ang buong kaluluwa na literal na nakabaon sa lupa na alipin ng punong iyon.

Habang mag-isa si Moymoy sa bahay, ilang araw din niyang tinanong ang sarili—inabuso ba niya ang pagiging malaya habang kasalamuha niya ang mga tao sa Amalao? Kagaya ba siya noong (niyong?) ibon na sinabi niya (niyang?) maluwag ang pagkakahawak at walang pumipigil sa kanya para makontrol ang sarili—kung ano ang hangganan ng pagiging malaya? O, baka bilang kabataan ay normal lang na maging malaya sa ano mang posibilidad na ibinibigay ng buhay?

Inalis ni Moymoy iyon sa kanyang isipan. Tama na ang pagtatanong, lagi niyang sinasabi sa sarili. Ang dapat kong alamin sa sarili ko—kung pupunta nga ba akong Gabun.

Huminga nang malalim si Moymoy. Alam niyang malalim na ang gabi. Alam niyang kakaiba ang gabing iyon dahil napakatahmik. Kahit mga kuliglig ay waring natutulog at wala siyang ingay na naririnig. Kahit alam niyang oras na para matulog ay hindi niya iyon ginawa. Pinili niyang mag-isip-isip. Inisip niya nang gabing dumating si Montar at magpaalam sa kanya sina Alangkaw at Hasmin.

"Babalik ako sa Gabun," sabi ni Alangkaw nang gabing iyon.

Iyon din ang sinabi at naging desisyon ni Hasmin. "Kailangan kong bumalik sa Gabun." Ngumiti siyang kinausap si Moymoy. "Kahit noong nagpasya akong pumunta dito sa Amalao, nakatanim na naman sa isip ko na babalik at babalik ako sa Gabun. Kailangan kong magsilbi sa kilusan para sa ipinaglalaban namin."

"Gusto kong sabihin na masaya kami ni Moymoy sa pagpunta n'yo rito," sabi ni Ella.

"Gusto kong makita ang pagtatapos ni Moymoy. Gusto kong makita habang pinararangalan siya sa inyong eskuwelahan." Naroon pa rin ang ngiti ni Hasmin.

"Natutuwa ako," sabi ni Alangkaw kay Moymoy. "Natutuwa talaga ako na makita ang pagkakataon na nabigyan ka ng maraming parangal. At ako pa ang nagsabit ng mga medalya mo."

"Salamat," sabi ni Moymoy kina Alangkaw at Hasmin. "Salamat."

Napakagat-labi si Moymoy, wala na siyang ibang maisip pang sasabihin kina Alangkaw at Hasmin kundi ang salitang iyon—ang magpasalamat.

Nang gabi ring iyon, tahimik na lumabas at bumaba ng bahay si Moymoy. Nagtungo siya sa may puno ng mangga. Matamang tiningnan ang kabuuan niyon. Naisisip (Naiisip/Naisip?) niya habang papalaki nang papalaki ang puno ay yumayabong din ang mga dahon nito. Mula sa itaas ng puno ay humini (huminto?) ang kanyang paningin sa katawan nito.

Naglaro sa isip ni Moymoy ang mga mukhang dadatnan niya sa Gabun. Ang mukha ni Alangkaw. Papaano niya makakalimutan ang nakalulunos na hitsura ng kanyang kapatid sa ilalim ng punong iyon—nang maging ugat siya ng punong iyon. Si Hasmin. Noon lang niya nakita bilang isang kasapi sa isang kilusan at ngayon ay isa nang mandirigma. Hindi rin nakatakas sa kanyang isipan ang mga tibaro ng Salikot—kung papaano niya nakita ang kalagayan ng mga ito sa kanilang kuta—sina Lola Joy, Mr. Velasco, at ang sugatang mga tibaro na patuloy na nakikipaglaban. At ang mga tibaro ng Gabun... kailangan pa pala siya? Kailangan (na?) naman makipaglaban para sa kanilang kalayaan?

Hindi na tuluyang inisip ni Moymoy, kung kailan nga ba matatapos ang misyon niya sa Gabun. Napawi na niya ang sumpa at ngayon naman ay kailangan niyang tulungan ang mga tibaro laban sa kalupitan ng mga Apo sa pamumuno nina Buhawan at Amihan. Pero ang totoo'y hindi siya pinipilit na magtungo roon. Iniisip ng mga tibaro gaya ng pagtayo ng mga kilusan na kakayanin nila ang laban. Pero naisip ni Moymoy—kakayanin ba ng mga tibaro na kalabanin sina Buhawan at Amihan?

Malaya siya sa Amalao. Pero hindi ang mga kapwa niya tibaro na nasa Gabun. Tinatamasa ang kalayaang ipinagkait ng kapwa niya tibaro.

Napaisip na muli si Moymoy:

Saan ba siya magiging masaya?

Sa Gabun na patuloy na may labanan—ipinaglalaban ang kalayaan? At ang isiping siya lamang daw ang makasasagip sa pagiging alipin ng mga tibaro? Na kung mapagtagumpayan man niya ito, lahat naman ng mga tibaro ng Gabun ay mapapaligaya niya. Magiging maligaya rin kaya siya? Kung tutulong man siya—hindi ang sarili niya ang mapapaligaya niya kundi ang mga tibaro. Natanong din niya ito sa kanyang sarili—na iyon ba ang mahalaga sa kanya o ang kaligayahan niya sa sarili (pansariling kaligayahan?)?

Sa Amalao. May kalayaan siya. Patuloy siyang magiging maligaya. Kung may panukat man ang kaligayahan, hanggang saan at hanggang kailan ang kaligayahang iyon kung ang sarili lang niya ang pinaliligaya niya? Papaano niya matatagpuan ang halaga ng sarili?

May kaguluhan din naman dito. 'Yong iba'y 'di ko lang alam. Baka mas malala pa.

Muli pang tiningnan ni Moymoy ang malapad na katawan ng punong mangga.

Pagkaraan nang ilang saglit, lumabas na nang bahay si Spaghetti. Marahan siyang naglakad papunta sa puno ng mangga. Bago pa man ito nakapagmiyaw ay kitang-kitang sa bilog na mga mata nito na kulay-berde. Wala na sa kinatatayuan niya si Moymoy.

WAKAS

🎉 Tapos mo nang basahin ang Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED) 🎉
Moymoy Lulumboy Book 6: Ang Ugat at ang Propesiya (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon