Aswang

313 10 0
                                    


Hello ako po si Mike nais ko lang pong i-share ang isa sa mga nakakatakot kung experiences nawa'y ma-post nyo ito. I came from a materially poor family kaya during high school nakagawian ko ng magpasada ng pedicab tuwing gabi para pandagdag baon. Kadalasan nagpapasada ako mga alas 7:00 ng gabi hanggang 10:30 or minsan umaabot din ako ng 11:00 ng gabi saka ako uuwi. Isang beses mga bandang 11:00 na ng gabi napagdesisyonan kong umuwi na dahil parang wala ng masyadong pasahero at habang pauwi ako napadaan ako malapit sa palengke ng biglang may pumara sa aking isang matandang babae. Marami siyang dalang bayong na punong-puno ng gulay at ang damit niya typical na damit ng mga matanda ngunit pawang itim ang kulay ng palda at ng blouse. Dahil sa dagdag kita din iyon napagdesisyunan kong ihatid siya kaya dali-dali ko nang kinarga ang dala niyang gulay at pinasakay ko na siya ng pedicab. "Saan po kayo magpapahatid lola?" wika ko. "Doon lang ako sa pinakahuling kanto ng subdivision hijo, yung malapit sa ilog" sagot naman niya. Noong una'y wala naman akong napapansing kakaiba liban sa sobrang tahimik lang niya na parang hindi siya kumikibo. Ngunit sa kalagitnaan ay nagtataka na ako kasi sa tuwing dadaaan kami sa mga madidilim na parte ng subdivision na iyon ay bigla na lang naninindig ang balahibo ko at bumibigat ang aking pakiramdam ngunit hindi ko pinansin iyon. Noong narating na namin ang lugar na sinasabi niya napagtanto kong dead end na pala iyon at nasa gilid ng highway. "Nandito na po tayo lola" wika ko sa kanya. "Hijo pwede mo ba akong ihatid doon sa dulo?" tugon niya sa akin. Tiningnan ko ang tinuturo niya ngunit puro malalagong halaman at talahiban ang daanan patungo sa madilim na parte. Walang ilaw o bahay at malapit sa pangpang ng ilog. "Lola hanggang dito na lang po ako siguro kasi madilim na po diyan at wala ng kabahayan baka mamaya pagbalik ko may mga masasamamang loob diyan at kung ano pa ang mangyari sa akin." "Dodoblehin ko ang bayad ko sayo ihatid mo lang ako sa banda doon" tugon niya. "Sorry po talaga hanggang dito nalang po talaga ako" sagot ko sa kanya. Bigla siyang bumaba at inabot na sa akin ang bayad ngunit parang galit. Kaya binaba ko na rin ang mga bitbit niyang gulay. inikot ko ang pedicab at nilapit sa may gawing semento na daan at laking gulat ko paglingon ko sa likod wala ng tao. Wala na ang matanda at wala na rin ang mga bayong na may lamang gulay. Sa sobang kaba ko ay napatakbo akong hinihila ang manibela ng pedicab. Noong makarating ako sa bandang maliwanag at maraming bahay sumakay ako sa pedicab binilisan ko ang padyak at lahat na yata ng dasal inusal ko na sa sobrang takot. Mga pasado alas 12 ng madaling araw, pawis na pawis akong dumating ng bahay at bigla akong nakaramdam ng sakit ng tiyan, parang nasusuka at nilalamig. Tinanong nila ako kung anong nangyari kaya ikinuwento ko ito. Noong hinawakan ni nanay ang aking noo nagulat siya dahil parang inaapoy ako ng lagnat. Nagkataon namang malapit lang ang bahay ng matandang manggagamot na kakilala niya kaya dali-dali niya itong ginising para matingnan ang kalagayan ko. Noong nagsimula ng umusal ng dasal ang matanda biglang may narinig kaming may kumalabog sa bubungan na parang may malaking hayop na dumapo. "Nandito siya sinundan ka niya" sabi ng matandang manggagamot. Kaya biglang lumabas ng bahay ang tito ko dala-dala ang kanyang baril at flashlight. Laking gulat nya ng tinapat niya ang ilaw ng flashlight sa isang puno ay may nakita siyang malaking ibon na nanlilisik ang mga mata ngunit hindi niya maaninag ang mukha kasi nagkukubli sa dilim. Walang anu-ano'y pinaputukan niya ito. Parang baboy ang huni at mabilis itong lumipad palayo hanggang sa mawala na sa paningin niya. Noong pumasok siya pabalik sa loob ng bahay nagtaka siya dahil pawis na pawis ako. Wala na akong lagnat at nawala na rin ang sakit ng tiyan ko. Sabi sa amin ng matanda, aswang daw iyon at gutom na gutom. mabuti na lang daw mataas ang aura ko kaya hindi niya ako basta-basta nagalaw noong hinatid ko siya pero balak daw talaga nyang biktimahin ako. Pero salamat sa Diyos at walang nangyari sa aking masama. Minsan pag naaalala ko ang karanasang ito ay may mga pagkakataong natatakot pa rin ako.

-M.R.

Scary Stories 4Where stories live. Discover now