Si Sandra ay isa sa pinakamalapit kong kaibigan, pwede mong pagkatiwalaan ng iyong pinakamadilim na sikreto. May kaprangkahan sa pananalita, kung loloko-loko ka ay pihadong makakatikim ka ng salita para umayos ka, kaya naman malapit ako sa kanya, hindi siya kasi hipokrito, marahil ito ay sa kadahilanang nangyari sa kanya nung nasa kolehiyo pa lamang siya. Biktima siya ng panggagahasa at sa kasamaang palad ay napaslang niya yung gumawa ng kahayupan sa kanya, itinarak niya ang patalim na pitong pulgada ang haba sa pagitan ng leeg at balikat ng demonyong humalay sa kanya, nung makakuha siya ng pagkakataon. Tapos ng kursong Nursing si Sandra, mahusay magtusok ng hiringgilya, kahit pagkaliit-liit na sanggol ay kaya niyang hanapin ang ugat para lang kabitan ng swero, yan ang kanyang kurso, kaya naman alam niya kung saan niya itatarak yung patalim na hawak niya, alam niya kung saan padadaanin yung punyal, yung pihadong tatamaan yung puso ng humalay sa kanya. Pinatapang man ng kanyang karanasan sa buhay ay mayroon pa ring pangyayari sa buhay niya na naglagay ng hilakbot sa kanyang buong pagkatao. Simulan na natin.May planong pumunta sa ibang bansa si Sandra, dahil malaki ang pangangailangan ng mga nurse sa mga karatig bansa, higit sa lahat ay yung alok na sweldo ng mga dayuhang bansa ang nagbibigay inspirasyon sa bawat nangangarap na umangat ang buhay.
Nagtrabaho bilang nurse si Sandra sa isa sa sikat na hospital sa Marikina, taga-Pasay si Sandra ngunit sa kagustuhang makakuha ng
dalawang taong eksperyensiya bilang nurse, na siyang pangunahing kwalipikasyon upang matanggap sa trabaho sa ibang bansa kung kaya't kahit malayo ay napilitang mamasukan sa hospital sa Marikina. Nakakita naman ng mauupahang kwarto sa di kalayuan sa papasukang hospital, isang malaking bahay na yari sa kahoy at tila ba panahon pa ng kastila noong ito ay maipatayo, may mga lumang larawan nang kanilang mga ninuno. Ang malaking espasyo sa baba ay hinati-hati sa maraming kwarto para paupahan, sa taas naman ang kwarto ng may-ari ng bahay at isang medyo may kaliitan na kwarto sa tabi nito ang ibinigay na silid samin ng makakasama niya sa trabaho, ngunit higit na kapansin-pansin ay ang sinauna nitong hagdanan sa sentro ng bahay na yari sa kahoy, at mismong katapat ito ng kwarto ng mag-iinang may-ari ng bahay.Isang matandang may sakit ang may-ari ng bahay, laging tumataas ang presyon at kolesterol, may diabetis at rayuma pa. May dalawa itong anak na nag-aaral pa lang sa kolehiyo, na siyang nag-aalaga sa matandang may sakit na kadalasan ay madalas ibilin ang ina sa kanilang labandera na si Manay Roda. Makikita mo palagi ang matandang may-ari ng bahay na nasa kanyang kwarto sa itaas sa may tapat ng hagdanan at nanonood ng telebisyon. Lagi niyang iniiwang nakabukas ang pintuan at tila ba laging nakamatyag sa kanyang nasasakupan. Madalas ay wala ang mga anak dahil masyadong abala sa pag-aaral, kaya madalas ding nandun si Manay Roda para maglaba at tumingin din sa matandang may sakit. Sa katagalan ng kanilang pagtira doon sa bahay ay marami na din silang nakakasundong ibang nangungupahan din, at minsan ay siya na din ang tumitingin sa matandang may sakit, yamang may alam siya pagdating sa usaping pangkalusugan, siya na din ang regular na kumukuha ng presyon ng matanda at paminsan-minsan ay nagpapayo ng dapat kainin kung may libreng oras. Nakapalagayan niya ng loob ang matandang may-ari ng bahay, at sila ay madalas nagkakabiruan pa kung minsan.
Isang araw ay nabanggit ng matandang may-ari ng inuupahang bahay kay Sandra, ang tungkol kay Manay Roda. Minsang nagising daw siya sa siyesta ay nahuli niyang inaamoy ni Manay Roda ang sikmura niya, wika pa ng matanda ay pinagdududahang aswang sa lugar ang labandera dahil minsan ding nahuli nila ito na nakasabit sa bakod ng bahay na may anim na talampakan ang taas ng minsang magdapithapon at ang dinahilan ay gumagawa lang siya ng sampayan. Ano nga ba naman ang gagawin ng singkwenta y anios na ginang sa ganoong kataas na bakod? Wika pa ni Sandra habang ibinabahagi niya sakin 'to. Dahil laking Pasay si Sandra at may angking tapang, hindi ito yung tipo ng kuro-kurong magpapatiklop sa kanya.
Minsang walang pasok sa hospital si Sandra ay naisipan nitong maglaba, nag-aagaw na ang liwanag at dilim ng maisipang hanguin ang mga nilabhan upang isampay, nang may napansin siya sa bakod na bato na may anim na talampakan, may nakadungaw na itim na pusa na napakalaki, at nakititig sa bintana sa may kwarto ng matanda. Dumampot ng bato si Sandra at nang akmang lilingunin na siya ng pusa ay bigla niyang pinakawalan ang malaking bato mula sa kanyang kamay, sapul sa mukha ang malaking pusa na naging dahilan para kumaripas ito ng takbo. Naikwento niya sa kasamahan niya sa kwarto ang nangyari at kinabukasan ay pareho silang nag-abang kay Manay Roda kung may sugat ba ito sa mukha, makapananghalian na ng dumating sa Manay Roda upang ipagluto ang matandang may-ari at may napansin si Sandra, walang galos sa mukha si Manay Roda, ni katiting man.
Ang haka-hakang aswang ang labandera ay malinaw na kwentong barbero at pihadong tsismis lang, hindi totoong aswang ang labandera turan pa ni Sandra. Pagkatapos asikasuhin ang matanda nagpaalam ang labandera sa may-ari ng bahay dahil uuwi ito ng San Mateo Rizal sa may Guitnang Bayan, upang doon magdiwang ng pasko.
Dumaan ang pasko. Katakot-takot na pagkain marahil ang nilantakan ng matandang may-ari ng bahay noong nagdaang Noche Buena dahil nung umuwi si Sandra sa Marikina pagkatapos ng pasko, nangangapal na batok at pinapawisan ng malamig ang matanda, siguradong tumaas ang presyon nito. Inasikaso agad ni Sandra ang matanda, nung mga panahong iyon ay walang katao-tao sa paupahang bahay dahil lahat ay nagsipag-uwian sa kani-kanilang pamilya, umalis saglit ang mga anak ng matanda nung dumating si Sandra. Alas otso na ng gabi ng kumalma ang matanda at nakatulog sa kanyang higaan.
Habang tulog ang matanda ay tila ba may naisipang gawing nakakakilabot itong si Sandra. May nabasa siyang artikulo tungkol sa mga aswang na talastas nila ang isipan natin, kaya nilang madinig anuman ang ituran mo sa iyong isipan.
Kaya naman itong si Sandra ay nagbiro at sinambit sa kanyang isipan na...
"Manay Roda, pumanaog ka nga dito at pakitingnan mo si Nanay, magpapahinga lang ako saglit."
Ang mga sumunod na pangyayari ay nagpatayo ng balahibo niya. Narinig niyang lumalangitngit ang hagdanang gawa sa kahoy, tila ba may humahakbang paakyat, patungo sa taas sa kwarto kung nasaan sila ng matandang tulog. Hindi alam ni Sandra kung lalapit ba siya o kung isasara niya ang pintuang naiwang bukas, naiwan niya pang patay ang ilaw sa hagdanan. Sigurado si Sandra na may umaakyat ng hagdan, ngunit blangko sa kadiliman ang parteng iyon ng hagdanan, nagpatuloy sa paghakbang paakyat ang mga yabag at huminto sa tapat ng pintuan.
Matagal nakatitig si Sandra sa bukas na pintuan kahit walang naaninag ang mga mata ay patuloy na nakatunghay habang hawak ang kamay ng matandang natutulog,May tao sa tapat ng pintuan sigurado siya. Hindi nga lang niya makita. Sinubukan niyang tawagin ang pangalan ng isa sa mga anak ng matanda, pero nagulat siya sa tugon na nakuha niya, mula sa madilim na parteng iyon ng hagdanan ay may nagsimulang pumasok sa loob ng silid ding iyon, hanggang sa nalantad sa kanyang harapan.
Ang babaeng may malagong buhok at may kakapalang mga kilay, at kulay pulang mga mata. Ang labanderang si Manay Roda at sa hitsura niya nang mga oras na iyon ay masasabi mong wala siya sa kanyang katinuan.
Hindi kumikibo nakatitig lang sa kanya. Hindi niya alam ang gagawin, tatlo lang sila sa silid na yun, matandang tulog, siya at yung labandera. Tila ba wala siyang tataguan, hindi niya alam ang gagawin, kulong na siya. Matagal silang nagtitigan. Nang biglang sabihin ni Sandra..."Manay Roda, ako na po muna ang magbabantay kay nanay, umuwi na po muna kayo, Meri Krismas po."
Sa di malamang kadahilanan ay sumunod ang labandera sa kanya
pero bago tuluyang lumisan ay may pahabol pang tingin mula sa mukha nito na walang ekspresyon, hindi mo alam kung tao pa ba siya mag-isip sa mga oras na iyon. Walang nakakaalam at tuluyan ng lumabas ng silid si Manay Roda.PS. Hindi na daw bumalik pa si Manay Roda kahit kailan doon sa Marikina, kung saan siya nagpunta? Walang nakakaalam. Pagkatapos daw noon ay naging tuloy-tuloy na ang paggaling ng matandang may-ari ng paupahan.
PPS. Sabi din ni Sandra na kahit malayo ang aswang malalaman daw nila kung pinag-uusapan natin sila dahil may tenga daw sila sa lupa. Binubulong ng lupa sa kanila ang mga naririnig nito.
PPPS. Hindi po ako nagbabasa ng wattpad at pihadong hindi ko sila ginagaya, ako po ay trenta y tres anios na at siguradong matanda pa ko sa mga tagasulat nila ng istorya. Inaayos ko lang po ang pagkakakwento, ang mga binabahaging karanasan sakin ng mga taong malapit sakin. Ito po ay sarili kong istilo.
PPPPS. Sa mga nagsasabing hindi totoo o kathang-isip lang ang mga pinapadala ko. Hindi ko din alam, dahil maging ako ay tagapakinig lang din sa mga taong nakaranas nito pero kung sila ang tatanungin mo. Ito ay lehitimong karansan.- The Man from Manila

YOU ARE READING
Scary Stories 4
HorrorThe stories you're about to read are not mine. These are all from the popular Facebook page "Spookify". Enjoy reading! 😊 ciao /sheree