1

6 0 0
                                    


Lumalamig na ang ihip ng hangin. Takip-silim na at kailangan na niyang pumasok sa bahay dahil tiyak na nag-aalala na ang kanyang ina. Hindi man niya gustong umuwi ngunit ayaw niyang lumala ang kondisyon ng kanyang may sakit na ina.

Masama pa rin ang loob ni Alena sa naging desisyon ng kanyang lola. Gusto siya nitong ipakasal sa bunsong anak ni Heneral Damaris. Bukod sa hindi pa siya handang magpakasal, wala siyang ideya kung ano ang hitsura o kung ano ang pagkatao ng lalaking itatakdang ipakasal sa kanya.

May kaya ang pamilya ni Heneral Damaris at tiyak siyang matutulungan nito ang kalagayan ng kanyang ina. Tuwang-tuwa naman si Gng. Eudora dahil sa pagpayag ng heneral kaya agad niyang inanunsyo ang magandang balita sa mag-ina.

Walang sinambit na kahit anong reklamo si Alena ngunit ang puso niya'y naghihinagpis. Mahal niya ang kanyang lola at malaki ang pasasalamat niya rito dahil hindi sila nito iniwan.

"Alena, halika na rito sa loob," tawag ni Gng. Eudora sa apo.

"Opo, nariyan na po," tugon naman ni Alena saka tumayo at pinagpagan ang suot niyang bestida.

Sabay-sabay silang kumain ng hapunan nang gabing iyon. Masayang nagkwento si Gng. Eudora tungkol sa nalalapit na pagpupulong para sa kasal ng apo. Tanging tango lang naman ang itinugon ng dalaga upang hindi sumama ang loob nito.

"Ano ang masasabi mo, Gaia? Hindi ba maganda kung ipagpapatahi natin ng bagong saya ang apo ko?" halos mapunit na ang ngiti sa labi ng matanda habang hinihintay ang sagot ng kanyang anak.

"Ina, mukhang hindi po kumportable si Alena kung ipagpapatahi pa natin siya ng bago," nanghihinang sagot naman ni Gng.Gaia.

Nawala naman ang ngiti ng matanda. "Nagkakamali lang ba ako o talagang hindi kayo masaya sa desisyon ko?" Bahagyang tumaas ang boses ng matanda na nakapagpatahimik sa paligid.

"Lola..." nagsusumamong sambit ni Alena.

"Sabihin niyo lang sa akin kung mali ang desisyon ko. Alam niyong pareho na ito na lang ang naiiisip kong paraan para makaginhawa naman tayo nang kaunti. Ikaw, Alena, hindi mo ba naiisip ang kalagayan ng iyong ina?"

Napabitiw sa hawak na kubyertos ang matanda at tinitigang mabuti ang nanginginig na sa takot na apo.

"Hindi naman po sa ganoon, Lola. Pero kasi..."

"Pero kasi? Ano? Ayaw mo pang mag-asawa? Mas gusto mo ba talagang naggagala sa kagubatan kasama ang kaibigan mo? Hindi ka na bata, Alena. Tumatanda na kami ng iyong ina at gusto lang namin na masigurong magkakaroon ka ng magandang buhay."

"Ina, huminahon muna po kayo. Pakiusap, ina..." Hinawakan ng ginang ang kamay ng kanyang ina.

Pumikit nang mariin ang matanda saka huminga nang malalim.

"Nakakahiya kay Heneral Damaris kung malalaman niyang ganyan ang rekasyon mo tungkol sa kasal. Hindi niyo ba alam na kilala ko na ang heneral na 'yon at nakasisiguro akong mabubuting tao sila. Ilang beses na niyang iniligtas ang buhay naming mag-asawa noon!"

"Ina..."

"Wala na kayong maga—"

"Pumapayag na ako, Lola. Magpapakasal na ako sa anak ni Heneral Damaris nang walang reklamo. Wala kayong maririnig mula sakin," paniniguro ni Alena kasabay ng pagpatak ng luha sa kanyang mga mata na agad din naman niyang pinahiran.

Ngumiti ang matanda at agad na tumayo upang yakapin ang apo. "Salamat, apo. Pangako ko sa'yo, hindi ka magsisisi sa desisyon mong ito.

Hindi na sumagot pa si Alena at nagpatuloy na lang sa pagkain. Natapos ang gabing iyon nang hindi siya nagsasalita. Tanging ngiti lang ang iginawad niya sa kanyang ina bago tuluyang matulog.

Kinabukasan ay maagang nagising ang pamilya ni Alena upang maghanda ng pagkain. Darating pala pamilya ni Heneral Damaris upang personal na magpakilala sa kanila. Abala sa paggagayat ng mga sangkap si Gng. Gaia samantalang nag-uumpisa nang magtimpla ng sabaw si Gng. Eudora.

Hindi kakikitaan ng pagkasabik si Alena ngunit hindi naman siya nagpapahalata sa kanyang lola. Lumilipad ang isip niya sa mga plano niya sa buhay. Marami pa siyang pangarap. Gusto niyang marating ang hangganan ng Hilaga at makasilip sa Timog, Silangan at Kanluran.

Nakakarinig lang kasi siya ng kwento ng mga manlalakbay na nakakarating sa ibang dako ng bansa. Ayon sa mga ito ay napakahigpit ng seguridad sa bawat hangganan— hindi basta-basta makakapaglabas-masok ang sinuman nang walang pahintulot.

Hindi rin alam ni Alena kung saan ang nagsimula ang paghihiwa-hiwalay ng bawat dako. Bagama't sila'y nasa iisang bansa, hindi kakikitaan ng pagkakaisa ang mga ito. Ang Hilaga ay pinamumunuan ng hari. Ang Timog ay pinamumunuan ng isang diktador. Ang Silangan at Kanluran naman ay pawing pinamumunuan ng presidente.

Sabi sa usap-usapan, mahirap daw ang buhay sa Timog dahil sa mahigpit na pamumuno ng lider nito. Sa Silangan at Kanluran naman ay malaya ang mga tao.

Iyon ang gustong matuklasan ni Alena.

Totoo nga kaya ang sabi-sabi? Iyon ang laging gumugulo sa isip niya. Hinahangad niya ring makita ang mga magagandang lugar na tanging sa mga obra ng mga pintor niya lang nakikita.

"Alena, Mabuti pa ay maligo ka na at magbihis. Ako na ang bahala riyan. Malapit na rin namang matapos ito," sambit ni Gng. Eudora.

"Opo, Lola," tugon naman ng dalaga.

Agad siyang naligo at naghanda na. Isinuot niya ang isang dilaw na bestida na bumagay sa kulay ng kanyang balat. Inilugay niya ang kanyang itim na itim na buhok at isinuot ang palamuti sa buhok na regalo sa kanya ng kanyang kaibigan na si Leto.

Kahit di siya sang-ayon sa pagpapakasal na ito, pinilit pa rin niyang maging kaaya-aya upang hindi mapahiya ang kanyang lola. Alam kasi niyang sasama na naman ang loob nito kapag nakitaan siya ng kahit kaunting paghihimagsik sa desisyon nito.

Makalipas ang ilang minuto, narinig na niya ang halinghing ng mga kabayo hudyat na nariyan na ang pamilya ni Heneral Damaris. Maya-maya'y mararahang katok ang nakapagpagulat pa sa kanya.

"Anak, handa ka na ba? Narito na ang mga bisita natin," mahinhing sabi ni Gng. Gaia.

Binuksan niya ang pinto at bumungad sa kanya ang nkangiting mukha ng kanyang ina. "Napakaganda mo, anak."

"Salamat, ina."

Sabay silang dumiretso sa sala ng kanilang bahay. Doon ay nakatayo ang isang matikas na heneral na palagi niyang nakikita sa bayan. Sa kanan nito ay nakatayo ang isang payat na babae na nakangiti sa kanya. Ngayon lang niya nakita ang babae ngunit mukhang palakaibigan ito.

Sa kaliwa naman ng heneral ay ang isang matangkad na lalaki na seryoso lang nakatingin sa kanya. Kayumanggi ang kulay nito, may pagkasingkit ang mga mata at matangos ang ilong. Hindi ngumingiti ang binata kaya napaiwas siya ng tingin.

"Heneral Damaris, ito ang aking anak na si Gaia at ang aking apo na si Alena," masayang pagpapakilala ni Gng. Eudora sa mag-ina.

"Ikinagagalak ko kayong makilala," tugon naman ng heneral at hinalikan ang kamay ng mag-ina bilang paggalang.

"Ito naman ang aking mga anak. Si Desma— ang aking panganay na anak at si Deimos— ang aking bunso," buong pagmamalaki pang dagdag ng heneral.

"Kumusta po? Ako po si Desma at lubha po akong natutuwa na makilala kayo." Masayang lumapit ang dalaga at nakipag-kamay sa mga nakatira roon. Tuwang-tuwa naman si Gng. Eudora sa pagiging magiliw ng dalaga.

Tumikhim ang heneral. Naalarma naman ang binatang anak na dali-daling lumapit sa tatlo. "Masaya akong makilala kayo," seryosong sabi ni Deimos.

Halos magwala na ang puso ni Alena dahil sa paglapit ng binata. Hindi niya malaman kung saan ba siya titingin dahil naiilang siya sa mga taong kasama niya ngayon— lalo na sa gwapong binata na nasa harap niya.

"Sa wakas nagkakilala rin tayo, Alena," mahinang sambit ng binata sabay halik sa kanang kamay niya.


HilagaWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu