2

4 0 0
                                    


Hinayaan lamang ni Alena na mag-usap ang matatanda para sa kasal niya. Kung tatanungin naman siya ay sumasang-ayon na lang siya sa suhestiyon ng kanyang lola.

Mukhang hindi rin naman interesado ang lalaking 'to para sa kasal namin.

Napailing pa siya sa naisip. Kung tama ang dinig niya ay gusto ni Heneral Damaris na sa loob ng dalawang buwan ay dapat makasal na sila. Marami silang napagkasunduan na hindi man lang niya pinagtuunan ng pansin.

"Bakit hindi muna natin hayaan ang mga ikakasal na magkilala nang mabuti? Tutal, mahaba pa naman ang maghapon. Ano sa tingin mo, Ama?" tuwang-tuwang suhestiyon ni Desma na agad namang sinang-ayunan nang matatanda.

Halos manigas na sa pwesto si Alena dahil sa narinig. Tiyak na malalagay na naman siya sa alanganin. Gusto nga sana niyang iwasan na makaengkwentro ang binata dahil baka sakaling magbago rin ang isip nito kagaya niya.

"Mukhang magandang ideya 'yan, anak. Kung ganoon ay mamasyal na muna kayo, Deimos. Dalhin mo si Hebe at siguruhin mong maiuuwi mo rito nang maayos ang iyong mapapangasawa bago dumilim," seryosong pahayag ng heneral at ikinatuwa naman ng lola ni Alena.

Ngumiti si Deimos ngunit batid ni Alena na napipilitan lang ito. Halos mapasimangot naman siya dahil inaakala niyang siya na ang pinakaayaw na matuloy ang kasalang iyon.

Namangha si Alena nang makita ang puting kabayo na naghihintay sa labas. Di na siya nakatiis at hinawakan ang mukha nito nang marahan. Bata pa lang at tuwang-tuwa na siya sa mga hayop. Iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit nahilig siyang pumunta sa kagubatan. Doon niya rin nakilala ang matalik niyang kaibigan na si Leto.

"Siya si Hebe," mahinang usual ni Deimos. "Siya ang makakasama natin ngayong araw."

Hindi naman tumugon si Alena kaya pasimpleng napangisi ang binata. "Mukhang magkakasundo tayo, Alena," makahulugang tumingin ang binata na naghatid ng kakaibang nerbiyos sa dalaga.

Mahinang tumikhim si Alena at saka lumingon sa kanyang pamilya na nanonood sa kanila. Ngumiti siya sa mga ito ganoon na rin sa mag-amang kasama nila.

Matapos magpaalam ay agad na sumampa si Deimos sa puting kabayo at akmang aalalayan paakyat si Alena. Tumingin ito sa saglit sa kamay na nakaabang saka napilitang abutin ito upang makasakay na rin siya.

"Salamat," tanging nasambit na lang ng dalaga.

"Walang anuman," pagkasalita nito'y agad pinatakbo nang matulin ang kabayo.

Hindi na iyon ang unang beses na nakasakay ng kabayo si Alena. Medyo nag-aalangan lang siya dahil sa binatang hinahawakan niya.

"Kumapit ka nang mabuti, Binibini," paalala nito. Hindi naman siya sumagot.

Dinarama lang niya ang hangin at ang payapang kapaligiran. Di niya alintana ang sinag ng araw dahil para sa kanya, napakaganda nito.

Maya-maya'y nakarating sila sa isang sapa sa may pusod ng kagubatan. Dali-dali namang bumaba si Alena at di na hinintay na alalayan siya ng binata. Dumiretso siya sa sapa at naupo sa isang bato.

Itinali ni Deimos ang kabayo sa isang puno at saka tahimik na sumunod sa dalaga. Ilang minuto ang dumaan at wala ni isa sa kanila ang nangahas na magsalita. Kapwa lang sila nakatingin sa tubig at tila walang pakialam sa isa't isa.

Hahayaan na lang sana ni Alena ang ganoong sitwasyon nila nang magsalita ang katabi niya. "Huwag mo namang ipahalata na gustung-gusto mong matuloy ang kasal natin," sarkastikong panimula nito sabay tawa.

Tumingin lang siya rito at walang emosyong nagsalita, "Gusto mo bang subukan natin?"

"Subukan ang alin?" nagtatakang tanong ni Deimos.

HilagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon