3

5 0 0
                                    


"Hiyaaa!" isang malakas na sipa ang iginawad muli ni Deimos sa kaawa-awang si Hebe. Kinakailangan nilang makalayo agad sa lugar na iyon dahil nasisiguro niyang hindi na ligtas ang kagubatan para sa kanila.

Mahigpit na nakakapit si Alena sa lalaki. Kulang na lang ay yumakap siya nang mahigpit dito. Hindi na niya alintana ang ilang at hiya na nararamdaman mula pa kanina. Ang mahalaga ay makaalis kami rito!

Hindi man nila nakita ang tao o mga tao sa likod ng insidente ay sigurado siyang nasa paligid pa rin sila. Bawat takbo ng kabayo ay siyang paglakas ng pintig ng kanyang puso. Kakaiba ang kabang nararamdaman niya.

Maya-maya pa'y natanaw na niya ang bungad ng kagubatan. Malapit na silang makalabas. Ilang metro na lamang at makakahinga na siya nang maluwag. Ngunit bago pa man sila makalampas sa puno ng acacia, biglang bumagsak si Hebe. Isang malakas na palahaw ang pinakawalan nito bago tuluyang malagutan ng hininga.

Napadaing sa sakit si Alena. Tumilapon siya ilang talampakan ang layo kay Hebe. "Ayos ka lang ba, Alena?" nag-aalalang tanong ni Deimos. Agad itong lumapit sa dalaga at sinipat kung malala ba ang kondisyon nito. Laking pasasalamat lang niya nang makitang ilang galos lang ang tinamo nito sa pagkakabagsak.

"Si Hebe..." naiiyak na usual niya.

Lumungkot ang ekspresyon sa mukha ni Deimos habang minamasdan ang sinapit ng kaawa-awang alaga. Nilapitan niya ito at hinaplos ang mukha. "Paalam, kaibigan. Patawarin mo ako," malungkot na pamamaalam niya.

"Deimos, 'yong binti niya..." turo ni Alena sa kanang binti ng kabayo. May maliit na palaso roon.

"Marahil ay may lason ito," sambit ng binata na nakapagbigay kilabot kay Alena. Paano na lang kung sa kanya tumama ang bagay na iyon?

Gusto na niyang maiyak dahil sa mga nangyayari. Kahapon lang ay namomoroblema siya sa magiging kasal nila ng lalaking kasama niya ngayon. At ngayon naman, muntik nang may mangyaring hindi maganda.

"Kaya mo bang maglakad? Kailangan na nating makaalis dito," ani Deimos.

Tumango lang siya bilang tugon. Kahit nanghihina ay pinilit niyang tumayo. Kailangan nilang makauwi agad para iulat kay Heneral Damaris ang mga pangyayari.

"Pangatlong beses na itong nangyari. Hindi na maganda nag kutob ko," seryosong sabi ng heneral. "Noong una ay hukbo ko ang nakasagupa sa mga bandidong iyon. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin namin matukoy kung taga-Hilaga ba sila o pinadala sila ng taga-ibang dako."

Tahimik na nakikinig si Alena. Nasa tabi niya si Deimos na kapwa tahimik din. Kasama sila sa pagpupulong na isinasagawa sa opisina ni Heneral Damaris.

"Kung pagbabasehan ang palasong ginamit upang mamatay ang kabayo, mukhang hindi nagmula dito sa Hilaga iyon. Mukhang eksperto sa medisina ang gumawa niyon. Alam naman nating hindi ganoon kahusay ang medisina dito sa atin. Maging ang kahoy na ginamit ay may tatak— na hindi natin ginagawa rito sa Hilaga," paliwanag ni Ginoong Olivero, ang kanang kamay ng heneral.

Tumangu-tango naman ang iba pang miyembro bilang pagsang-ayon sa naturang opinyon ng lalaki. Napuno naman ng bulungan ang silid.

"Bilang solusyon, mas hihigpitan pa natin ang seguridad sa mga lugar na malapit sa hangganan ng Hilaga. Dodoblehin natin ang mga hukbo na magbabantay sa mga kagubatan pati na rin sa loob ng bayan. Ngunit kung hindi pa rin natin kayanin, mabuti pang humingi na tayo ng tulong sa palasyo."

Natapos ang pagpupulong at nangako si Deimos na ihahatid pauwi si Alena. Bagama't nalulungkot pa rin ito sa pagkawala ng kanyang alaga ay nagawa pa rin niyang ngumiti. "Pasensya ka na kung naranasan mo pa lahat ito."

Umiling kaagad siya. "Ayos lang ako. Ikaw nga ang inaalala ko ka—"

"Hindi ka dapat mag-alala. Nahihiya nga ako sa'yo dahil ganito kaagad ang nangyari sa unang pagkikita pa lang natin."

Nagsimula na silang maglakad. Gabi na ngunit nagbibigay ng liwanag ang mga lampara sa mga kabahayan pati na rin ang bilog na buwan. Napangiti si Alena habang nakatitig sa buwan. "Hindi ko alam pero kapag nakikita ko ang buwan, parang gusto ko na lang maglatag ng banig at magdamag na titigan iyon habang nakahiga."

"Nakakaakit naman talaga ang kagandahan ng buwan. May hiwaga itong taglay na makakapagpatigil talaga sa'yo," nakangiti ring sambit ng binata.

"Alam mo ba, may kwento ang kaibigan ko tungkol sa mga taong nakarating na sa buwan. Sinasabi nila na kapag nasa buwan ka daw, wala kang bigat na mararamdaman parang lumulutang ka lang," masayang kwento niya.

"Naniniwala ka ba na may mga taong nakatungtong na sa buwan?"

"Oo naman. Ikaw ba, hindi?"

Tanging kibit-balikat lang ang isinagot nito sa kanya. "Eh, sa ibang bansa gusto mo bang makarating?"

"Syempre naman. Isa 'yon sa mga pangarap ko mula pa noong bata pa ako. Gusto kong malaman kung ano'ng itsura sa lupa nila. Gusto kong makita kung totoo bang may nyebe rin sa kanila tulad ng sinasabi nila tungkol sa Silangan. Tapos, gagawa ako ng malalaking bola ng nyebe tapos pagugulungin ko mga iyon. Ang saya no'n sigurado!"

Napatawa naman si Deimos. Hindi niya akalaing ang dalagang kaharap niya ngayon ay may itinatago rin palang pagiging isip-bata. Akala niya'y puro lang pagtataray ang alam nito.

"Balak kong pumunta roon sa susunod na taon. Gusto mo bang sumama?" seryosonng tanong nito na ikinagulat naman ni Alena.

"Seryoso ka?"

"Oo. Nais mong makarating sa ibang bansa, hindi ba?"

"Oo nga. Pero bakit mo nga ako isasama? Nagbibiro ka lang naman, eh."

"Hindi ako mahilig magbiro. Isasama kita kapag kasal na tayo," sagot nito habang seryosong nakatingin sa mga mata ni Alena. Napatigil naman ang dalaga sa paglalakad at seryoso ring nakatingin sa kausap.

"Isa kang paasa. Iyon lang ang masasabi ko," natatawang sabi ni Alena.

"Hindi ako paasa."

"Sige, sabi mo eh," pagkasabi'y nagpatuloy na ulit siya sa paglalakad.

"Unahin na muna natin ang Timog kung gusto mo," nakangisi nang sabi ni Deimos.

"Sige ba. Gusto ko 'yang ideya na yan!"

Ilang minuto silang naglakad nang gabing iyon. Nakatayo lang sila sa tapat ng tarangkahan ng bahay nina Alena. Tila kapwa sila naghihintay sa sasabihin ng isa't isa.

"Salamat nga pala," nahihiyang sabi ni Alena.

"Para saan?" nagtatakang tanong ni Deimos.

"Ngayong araw. Kasi hindi mo ako iniwan," sagot naman niya habang nakatingin sa mga paa niya.

"Mananagot ako kay ama at sa lola mo kapag pinabayaan kita. Siya sige na. Pumasok ka na sa loob at lumalalim na ang gabi," nakangiting sabi nito.

Ngumiti lang din si Alena at pumasok na sa kanilang tarangkahan at isinara ito. "Mag-iingat ka," dagdag pa niya saka patakbong pumasok sa loob ng bahay.

Walang humpay naman ang ngiti ng binata habang naglalakad pauwi. Pareho silang natulog nang gabing iyon na may ngiti sa mga labi.


You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 12, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

HilagaWhere stories live. Discover now