2

36.9K 852 14
                                    


"ANO?" bulalas niya.

"lyon ang tulong na kailangan ng kapatid mo, Alexa. Ang magpanggap ka na siya," patuloy ni Eleanor.

Napailing siya. Hindi na ba matatapos ang mga kabiglaanang ito? "At bakit ko gagawin 'yon?"

"Isang linggo mula ngayon ay ikakasal na ang kapatid mo. Kay Jake Atienza. Hindi alam ng pamilya nito ang nangyari sa kapatid mo. Si Jake ay kasalukuyang nasa Amerika at maaring dumating bago ang araw ng kasal."

Halos hindi humihinga ang dalaga. "Sa paanong paraan ako magpapanggap na si Sandra?"

"Ikaw ang magpakasal kay Jake bilang si Sandra."

"Oh!" Nasapo ng dalaga ng kamay ang mukha niya.

"Alexa, hija..." si Roberto.

"Paano ko gagawin 'yon? This is crazy! Hindi n'yo ibig sabihing magpapakasal ako sa Jake Atienza na ito?" Tumaas ang tinig niya.

"Please, Alexa..." Nagsusumamo ang tinig ni Eleanor.

Napatayo sa kinauupuan si Alexa. "Paano n'yo naisip ang bagay na ito? Bakit kailangang ipagawa ninyo sa akin 'to? Bakit hindi ninyo sabihin sa kasintahan ni Sandra ang nangyari sa kanya? Surely, maiintindihan ng Jake na 'yon, maliban pa sa may karapatan siyang malaman kung ano ang nangyari sa nobya niya."

"You don't understand—"

"Talagang hindi ko naiintindihan! At hindi ko gustong maintindihan. Hindi ko makita ang logic sa sinasabi ninyo. Bakit kailangang magpanggap?" Halos gusto na niyang mag-histerya.

"Pakinggan mo muna ako, Alexa," si Eleanor na nagpunas ng panyo sa ilong. "Si Jake ay panganay na anak ng kasosyo ni Amado sa negosyo. At bagaman mas malaking bahagi ang pag-aari ng mga Atienza ay ipinauubaya nila ang pamamahala sa asawa ko. May sariling kompanya ng paper materials sa Bulacan ang mga Atienza. At nitong huling mga taon ng buhay ni Amado ay hindi birong pera ang ginamit para sa pagpapagamot. He even went back to the States for an operation pero hindi rin nadugtungan ang buhay niya.

And by the time he died, wala ng natirang pera, kahit ang share niya sa kompanya. Tanging ang insurance ang nalabing pantustos naming mag-ina sa nakalipas na mga buwan. Then, two months ago ay namanhikan sa akin si Don Benedicto upang hingin ang kamay ng kapatid mo para sa anak nitong si Jake. And a month after ay itinakda ang petsa ng kasal bago nagtungo sa Amerika ang binata. At iyon ay seven days from now," pagtatapos ni Eleanor

"I still can't see the reason why you should not tell him what happened to his fiancee." Sa palagay niya'y tumanda siya ng maraming taon sa pag- uusapnaito.

"Labag sa loob ni Jake na mapakasal sila ni Sandra. Kung malalaman nito ang kalagayan ng kapatid mo'y makahahanap ng daan si Jake na huwag nitong pakasalan," paliwanag ni Eleanor. At nang makitang nagsasalubong pa rin ang mga kilay ni Alexa ay nagpatuloy ito.

"Bilang mapapangasawa nito ay naglaan ng sapat na halaga si Jake para kay Sandra buwan-buwan, Alexa. At lahat ng ito'y mawawala oras na malaman ni Jake na para na ring patay ang kapatid mo. Ang perang iyon ang tumutustos sa kapatid mo sa ospital. Sa apat na araw pa lang ni Sandra roon ay gusto ko nang malula sa halagang nakukunsumo namin."

Nawalan ng imik si Alexa.

"Sa palagay mo ba'y patuloy na maglalabas ng pera ang mga Atienza sa sandaling malaman nila ang kalagayan ni Sandra? At ako, paano ko susuportahan ang kapatid mo? Pababayaan ko ba siyang mamatay na lang?" Humagulgol na ng iyak si Eleanor.

"S-surely... they still would extend help considering na kasintahan ng Jake na ito ang nangangailangan?"

"Hindi na marahil babawiin ni Jake ang anumang nailagay na sa pangalan ni Sandra sa banko pero natitiyak kong mapuputol na ang tulong na iyon sa sandaling malaman nitong wala na'ng dahilan para pakasalan pa ang kapatid mo dahil sa kalagayan nito. Tiniyak sa akin ni Sandra na kinasusuklaman ni Jake ang kasalang ito."

"Kung gayon, bakit nais niyang pakasal sa isang lalaking walang gusto sa kanya?" Lumalaon ay lumalabo ang kuwentong naririnig niya.

"Naitanong ko na rin iyan sa kapatid mo, Alexa, pero wala siyang isinasagot maliban sa may dapat panagutan si Jake. At... at si Jake ang magiging kasagutan sa nakatakdang paghihirap n-namin." Halos hindi nito masabi ang huling pangungusap. Pagkatapos ay tumingin ito sa anak. "Pinalayaw nang husto ni Amado si Sandra, Alexa. Walang ginusto ang kapatid mo na hindi nito sinunod at marahil ay hindi gustong maranasan ni Sandra ang nakaambang kahirapan."

"At gagamitin ninyo ako para patuloy na suportahan ang luho ni Sandra, ganoon ba?" may pait at sarkastikong sinabi niya.

"Kung ako lang, Alexa, nakahanda akong bumaba sa uri ng pamumuhay na mayroon kami. May kaunting pera pa mula sa insurance ni Amado na maaari kong gamitin sa pagsisimula. Pero ang kapatid mo ay kailangan ng malaking halaga sa kalagayan niya ngayon. I just can't give her up, Alexa. Nararamdaman ko na magkakamalay siya mula sa comatose na kinalalagyan niya. Kung gaano katagal ay ewan ko. At kung hindi na nga siya... m-magkakamalay pang muli, hindi ko rin siya puwedeng pabayaan, 'di ba? Na ipatanggal na lang ang mga nakakabit na instrumento sa katawan niya?" Tuluyan nang nabasag ang tinig ni Eleanor. Si Roberto ay tumingala sa kisame pero hindi nagsasalita.

Kung ilang beses humugot ng buntong-hininga si Alexa ay hindi na niya mabilang. "At paano ako magpapanggap na si Sandra? Tiyak na kilala ng Jake na ito ang kasintahan niya! Imposible iyon," patuloy niya sa pagsisikap na tumanggi.

Bahagyang lumambot ang mukha ni Eleanor. Hinagod ng tingin ang anak. "You're very identical, Alex. Ang tanging nakikita kong kaibahan ay ang kulay ng balat mo. Minana mo sa iyong Papa ang morenang kulay. Isa pa, hindi nagkaroon ng pormal na pagsasamahan sina Jake at Sandra. Sa sinasabi sa akin ng kapatid mo, they were not even friends. Magkakilala, oo, pero they have never been close. Nagkataon lang marahil na iisang circa ang ginagalawan nila.

Lumung-lumo si Alexa. Malaking bahagi ng isip at dibdib niya ang naghuhumiyaw sa pagtanggi. This is so unfair! Pero sa isang sulok ng kanyang puso ay naroon ang pagnanais na tulungan ang hindi pa nakikitang kakambal.

Talaga bang magkamukha sila ni Sandra? Kung sabay kaya silang lumaki, would they have been very closed? At naisip niya ang maraming bagay na maaari sana nilang ginawa. Sharing joys and laughters, their tears and pains.

Tears and pains! Sandaling huminto ang pag- iisip niya. Yes! Kung magkasama at magkasabay sana silang lumaki, pagsasaluhan nila ang lahat. Tutulungan niya ito, natitiyak niya. Kaya bakit kailangang mag-atubili siyang tumulong dahil lamang sa hindi sila nagkasama sa paglaki?

At hindi lamang basta kung anong tulong ang hinihingi sa kanya. Ang hinihingi ay pandugtong ng buhay nito. Ang mapagsikapang makabalik muli sa normal na kalagayan.

Financially, natitiyak niyang hindi sasapat ang anumang mayroon silang mag-ama. Walang nakatitiyak kung hanggang kailan mananatili sa ganoong kalagayan si Sandra.

"Gusto kong makita ang... kapatid ko," aniya makalipas ang mahabang katahimikan.

Nagkatinginan sina Roberto at Eleanor. Ang huli ay nakadama ng pag-asa.

Kristine Series 3: Dahil Ikaw COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon